Lupang Gitata

Minsan sa isang kalye,

Maraming nagkukumpulang lalake.

May matandang nagkakape,

Mga nanay na nakunsume.

 

Sa tabi,

Nakangiwi,

Ang mga taong sa gutom pinaglihi.

Di bale na.

Mayroon namang bubong.

At may natira pang tutong.

 

Minsan sa isang kalye,

Naglalaro ang mga butete.

‘Pag lumalawak ang gabi,

May namumulang mga labi.

 

Sa tabi,

Nakamasid,

Munting pangarap na nakapinid.

Di bale na.

Libre naman ang papel.

Kahit luma ang Tore ng Babel.

 

Minsan sa isang kalye,

May maraming tangke.

Niyurak ang mukha.

Ng kalsadang nangigitata.

 

Sa tabi,

Tumindig,

Ang mga ngiping nangangalit.

‘Ano’ng di bale na?’

Doon sa malayo’y nganga.

Kawawang mga bata.

 

Minsan sa isang kalye,

Nagliparan ang tinibag na bloke.

Nagmumura sa galit.

Dugong pumulandit.

 

Sa tabi,

Humihikbi,

Ang mga taong sa retaso lumaki.

Paano’ng di bale na?

Aanhin mo ba?

Ang marmol na kalsada?

 

Minsan sa isang kalye,

Minsan.

Minsan na lang.

Dayuhan ka na.

Ng pinagsibulang lupa.

Advertisements

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s