Birthday Wrecker

Ako, ako lang naman, ang maruming utak sa likod ng napakaraming di-malilimutang birthdays.

Marahil siguro, masaya akong may nakikitang nasusurpresa sa espesyal na araw ng taong malapit sa’kin. O isang pagpapakita ng simpleng pasasalamat na isang alamat ang ipinanganak ng araw na iyon at naging parte ng aking buhay. Pero taliwas sa iniisip mo ngayon, hindi ako uhaw sa birthday party, o sa mga regalo. Naniniwala ako sa sarili kong prinsipyo na mas masarap mag-boodle fight—mag-isa.

Pero minsan, sa sobrang pananabik ko sa surpresang handog ko sa celebrant, kabaligtaran ang nagiging resulta. Nasisira ko ang araw nila. At alam mo kung anong klaseng special day ang nasira ko? 18th birthdays. Debut. Magaling.

Sariwa pa sa ala-ala ko nung nagkaroon kami ng team-up ng isa kong kaibigan tungkol sa balak naming pagpapakalat ng poster na may picture ng mahal naming kaibigang debutante at may nakamamatay na mensaheng “Dalaga ka na, pa-RC ka naman!” sabay happy birthday. Nilikha ang mga posters ng patetiko kong mga kamay na inosente pa sa Microsoft Publisher. Pero nung nakita n’ya ‘yun, nawindang ako nang punitin n’ya iyon at initsa sa pinakamalapit n basurahan. Naiyak ako. Naiyak ‘yung kapartner ko sa karumal-dumal na krimen. Mas nakakahiya kasi umiyak ako sa harap ng klase habang kung anu-anong kalintikan ang sinasabi.

Nabigo man, natawa na lang kami ng kakuntsaba ko na ang buong akala pala ni debutante, ang mga kaklase ko ang nagpasimuno ng poster. At hindi ko na inalala ang mga sumunod pang pangyayari.

Pero mild pa lang pala ang pagwasak ko sa birthday na ito. May mas matindi pa.

Hindi maipinta ang mukha ko sa ligaya nang imbitahan ako sa debut ng kaibigan kong tatawagin kong Pink. Sa limang buwan naming pagkakaibigan, sinama n’ya pa ako sa listahan ng kanyang 18 memories. Isipin mo na lamang na tila isang anghel na bumagsak mula sa langit si Pink, na naging tagapagtanggol ng pag-ibig at katarungan, nagpasimula ng sibilisasyon sa Mesopotamia, naging utak sa pagtugis kay Bin Laden o sa pagkapanalo ni Shamcey Supsup.—ganyan. Ganyan nga dapat ang maging basehan mo para hindi mo malimutan si Pink kaya kailangang maisama ang 18 memories sa kutilyon. Eksaherada man at korni, hindi na ako tumanggi.

Pero may mga bagay talaga na hindi tumutugma sa nais mong mangyari. Ang aking ‘boss’ ay may pupuntahang birthday trip din ng aming pinsan, sakto sa debut ni Pink. Anak ng patis. Anong gagawin ko? Hindi ako bumabali ng pangako. Sinubukan kong makipag-argumento, magmakaawa, na sana’y bigyan naman ako ng pagkakataong sabihin kay Pink ang laman ng aking memorya at makalapang ng wagas sa hotel. Matapos ang serye ng pakikipag-usap at pag-uungkat ng mga pagkaka-utang na loob, sumuko na ako.

Iyon na siguro ang pinakamasamang bagay na nagawa ko kay Pink. Sa sama nga ng loob n’ya, nagpasaring pa s’ya sa Facebook. Sobrang ningatngat ako ng guilt. Anong gagawin ko?

Gumawa ka ng video, sabi n’ya. O papalitan na lang kita.

Utang na loob. Ni hindi ko nga matignan ng diretsa ang sarili kong mukha sa litrato dahil sa kumakaway kong eyebags, tapos, humihingi pa s’ya ng video?

Ngunit naiipit na ako. Wala na ‘kong magagawa. Isa pa, minsan lang naman s’ya mag-disi otso. One time, big time, ika nga. Kaya dapat, ang video, ‘one time, big time’ din.

Kaya nung bisperas ng kanyang debut, nagpunta nga akong mag-isa sa Luneta, ang lugar na kung saan unang naganap ang aming friendly date. Mas ginusto kong mag-isa, nahihya kasi ako sa makakarinig. Sa bus pa lang, gumagawa na ‘ko ng eksena sa likuran. Gamit ang digicam ng pinsan kong sumabay sa debut ni Pink, kinunan ko na ang sarili ko. Tila may kung anong insekto sa puwet ko at palipat-lipat ako ng upuan, makuha lamang ang tamang ilaw. Okay na sana, kaso, masyadong maingay si Jessica Soho. Bura.

Matapos magpa-ikut-ikot sa maalamat na pader ng Intramuros, maligaw ng kaunti, pumuwesto na ako sa halamanang ilang metro lamang ang layo mula sa rebulto ni Pepe. Nagsilbi s’yang piping saksi sa aking mga kagaguhan.

At dahil mag-isa nga ako, natakot akong kutyain o biglang damputin at ihagis sa mental hospital. Kaya gumawa ako ng diskarte: ginamit ko ang cellphone ko at itinapat sa tenga. Para may kausap kunyari. Habang ang digicam naman ay nakatago sa loob ng aking bag.

Nasa ganoong posisyon ako nung isinagawa ko na ang dapat gawin. Sinabi na ang dapat na masabi. Walang script. Lahat ay galing sa puso. At dahil ang aking ‘kabaklaan’ ang isa sa mga nagustuhan sa’kin ni Pink, kinausap ko s’ya ng bakla sa bakla, kahit wala naming bakla talaga sa aming dalawa. Dinaan ko sa patawa ang dapat sana’y seryosong mensahe.

Kinabukasan: ang araw ng debut ni Pink. Hapitna kung hapit, gumamit pa ako ng Moviemaker para isingit sa aking ‘moment’ ang kantang Maalaala Mo Kaya na version ni Dulce bilang background song. Classic talaga, pasok sa banga. Upload sa Youtube. At dahil wala pa sa pangarap kong kabugin sina Charice Pempengco at Justine Bieber, isinapribado ko ito.

Kinabukasan ulit, kinamusta ko si Pink. Ang debut nya, ang video ko. Mahaba, 6 minutes. Comment n’ya. Okay lang, ang adik nga eh, dagdag n’ya pa.

Controversial ‘yung ‘broken-hearted’ at ‘nakipag-break’.

Wala na akong nasabi. Nahiya ako bigla sa kanya, muling na-guilty. Ang inasahan kong video na surprise sa kanya ay mas matindi pa sa Kho-Halili sex scandal. Alam kong panlalaglag ang ginawa ko  kay Pink. Hindi naman lingid sa aking kaalaman na may imahe s’ya sa kanyang pamilya na pribadong tao, na kahit kung kani-kaninong lalaki s’ya nirereto, wala s’yang nagugustuhan.

Alam kong mapapanood iyon sa hotel ng napakaraming pares ng mata na hindi ko kilala. Kaya wala naman akong dapat ikahiya sa kanila, walang pangalang dapat alagaan. Kung paanong ayos lang sa’yo ang umutot sa loob ng LRT dahil hindi mo naman kilala ang mga tao doon, ganun din ang damdamin ko sa paggawa ko ng video.

Pero nalimutan ko si Pink. Napahiya ko ba s’ya? Nagmukha ba s’yang katawa-tawa sa sarili n’yang debut? Sa unang pagkakataong gumawa ako ng birthday video greeting, nabigo ako. Naramdaman kong wala akong kwenta—walang kwentang kaibigan.

Pero, sa unang pagkakataon, tumalbog sa AKIN ang surpresa.

Sa labis na katangahan, nalimutan kong burahin ang video na ginawa ko. Napanood ‘yun ng mga pinsan ko, pati tita ko. Nung nalaman ko ‘yun, gusting-gusto kong sumigaw ng “@$ŧ&^%#ô! Baket!?”

Pinagpiyestahan ako na akala mo’y unggoy sa perya. Hinanda ko na ang sarili ko sa pambubusabos ng sarili kong kadugo. Mukha daw akong tanga, malakas daw ang tama ko; samu’t saring masasakit na komento. Inisip ko noon na sana, totoo ang Invisibility Cloak. Panay pa ang tanong kung sino si Pink sa buhay ko at ano ang pinapakain sa’kin.

Uy, journalist ka na pala. Ang galing mo ah.Ngingiti na sana ako nung mapagtanto kong sa daloy ng usapan namin ng aking kapitbahay, ang tinutukoy n’ya pala ang ‘yung video.

Jesus Christ.

Nakakuha naman ako ng positibong komento. Maganda daw ang anggulo ng kamera. Ayos daw ako managalog, sabay may twist na gay lingo sa kalagitnaan. Pasok ulit sa banga.

Pero ang pinatamang komentong narinig ko ay: Hindi ka mang lang nagpulbos. Ang lagkit ng mukha mo.

Oo nga naman.

Sa bandang huli, hindi ko na ninais na mapanood ulit ang video. Paulit-ulit man akong pinatawa, naaalala ko ka pa rin si Pink. Nalulungkot ako. Nalulungkot akong isipin ang pagod at puyat ko, pati pagsisinungaling ko na hating-gabi na’y pupunta pa kung saang lupalop (na sa Luneta pala) para gumawa ng ‘dokyu’ pero di naman totoo. Hindi ko s’ya napasaya. Nabigo ko s’ya sa ikalawang pagkakataon.

Pero, ganoon talaga siguro ‘pag importante ‘yung tao sa’yo. Minsan, kailangan mong magmukhang engot para mapatawa s’ya.

Sa kabilang banda, kung tatanungin ako: nagsisisi ka ba?

Hindi, dahil: una, pinagawa n’ya ako ng video dahil gusto n’yang malaman ang pinakamasayang memorya ko sa kasama s’ya. Isa itong pagpapakita ng totoong ako, totoong damdamin ko. Hindi ko kailangang magkunwari para ma-impress s’ya. Hindi ako tinapay na kailangang paliguan ng asukal para sumarap. Kung wala hiya ako, wala akong dapat ikahiya sa katotohanang iyon; pangalawa, magkaibigan pa rin kami. Hindi magiging ganoon kababaw ang dahilan ng pagkasira  ng aming pinagsamahan. Siguro nga’y napahiya ko s’ya, pero ang surpresa ay surpresa. Mananatili iyon sa memorya n’ya—na ang kaibigan n’yang walang hiya ay gumawa ng mapangahas na video para sa kanya.

 

Ilang buwan ang nakalipas..

Ako: ‘Wag mo na panuorin [‘yung video].

Pink: Haha! Papanuorin ko ulit ‘yun pero next time. Aaral na muna ‘ko. Good night.

 

Sana nga.

Advertisements

2 comments

  1. artofsunshine · Enero 6, 2013

    Excuse me, ung link po? 😀

    *stalker mode*

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s