UVS 234

Pinigil ko ang kabog sa aking dibdib. Baka marinig n’ya at siya’y magising.

Tinangka kong alisin sa pagkakaipit ang kanyang braso sa aking likuran at sandalan ng marupok na upuan sa bus na iyon—ngunit baka siya’y magising. Ayokong abalahin ang kanyang nakaw na tulog. Nakaramdam ako ng awa sa pagod n’yang mga mata na tinatakpan ng kanyang buhok..

..Na aking hinawi. Ang pagkaawa ay napalitan ng pagkabighani. Kahit nakapikit, tila hinihigop ako ng kanyang mga talukap, at isinasayaw ng kanyang pilikmata.

     Guadalupe, isa.

Bago ako tuluyang maakit, binalik ko sa dating magulong itsura ang kanyang buhok, at ipinukol na lang aking atensyon sa nagtatalong kunduktor at pasahero.

     Bus B ‘to, Boss! Bus B! Ayan o!

Marami nang pagod, maraming bumagbagsak ang mata. May nabinyagan ng kakatapos na ulan; may mga basing kili-kili. Ang iba’y nakatayo habang naghahanap ng stalagmites sa kisame; may nakikipag-usap sa kable, nanonood sa pagpapasikat ni Kris Aquino o sinasagot ang misteryo ng buhay sa pagtingin sa kung ano’ng nasa labas.

Muntik na akong maging isa sa mga pobreng nilalang sa aking paligid. O sa mga pobreng nilalang na nakikipag-gitgitan sa kalsada. O naririndi sa busina at nangingitim ang ilong dahil sa polusyon. O marahil, ay nakukunsume sa paypay ng mga usok galing sa tambutso. O baka lubos na natagtag ang katawan sa byahe dahil sa nagsusumigang bus na nasakyan ko.

Muntik na. Kung hindi lang dahil sa babaeng ito na sumakop sa aking balikat.

Salamat sa mumurahin kong polo na binabad ko sa sabong di umano’y magmumukhang bago ang damit kahit na napulot lang sa uka-ukay. Marahil dahil nagmukha akong disente, kaya ako ang pinagkatiwalaan niyang magpagtataguan ng mundo n’ya sa labas ng bus na iyon.

At pumihit ako ng kaunti pakanan para tignan ang kanyang mata, ngunit ang kanyang mga labi na bahagyang nakabuka ang una kong nakita sa pagkakataong ito.

Hindi naman kabigatan ang kanyang ulo, ngunit pasan ko ang daigdig. Ang aking daigdig, na sa gabing iyon, ay sa kanya uminog.

Inisip ko kung ano bang gagawin ko pagkagising n’ya. Ngingitian ko ba hanggang sa magpasalamat s’ya? Sigurado na ‘yun. Hindi naman s’ya mukhang antipatika na matapos mong saluhin ang kanyang pagod sa loob ng kinse minutos (pa lang ang nakakalipas) ay aalis na lang basta. Ano kaya sasabihin n’ya? Salamat, Sir. O kung suswertihin, susundan n’ya iyon ng  Ano’ng pangalan mo?  Syempre, ako naman, sasagot. Jesus. Jesus nga, di lang halata. Syempre, dapat mapatawa mo s’ya nang kaunti para makipagkwentuhan pa sa’yo.

Itatanong ko pangalan n’ya. Inalala ko ang mga babaing pangalan na karaniwan kong napapanood sa telenobela. Ingrid, Carla, Margarette, Amanda. Pero mukhang hindi. Masyadong sopistikada ang mga pangalan na iyon para sa kanya. Regine, Alma, Jessica, Dinna.

.. Laura, Juliet, Roselle.

..Anna, Clara, Sandra, Cristina.

O baka swertihin pa, hingin ang aking number. O ako na lang hihingi. At doon magsisimula ang lahat.

O baka dalawa pangalan n’ya. Rose Anne. Mary Grace. April Mae. June July.

..Hanggang sa maubusan na ako ng pangalang naiisip, Angela na lang, ayon sa aking guni-guni.

Tinignan ko na lang ang kanyang suot, hindi upang tignan ang hubog ng kanyang katawan, kundi para isipin kung sino s’ya sa labas ng bus na kinauupuan namin ngayon.

Simpleng pink blouse na maraming ruffles. Kupasing maong na palda na lampas-tuhod. Puting-puti na tsinelas na di pa ata naiaapak sa kalye. Itim na shoulder bag na hawig sa laging dala ni Aling Mameng ‘pag naglalako ng bra sa Avon. Nunal sa pagitan ng ilong at itaas ng labi. Isang mukhang inihulma sa langit.

Sino ka? Bakit hindi ko maisip kung sino ka?

Hindi ko na iyon masagot. Kumalabog ang aking dibdib sa kanyang paggalaw. Na sa pagkakataong ito, ay isiniksik n’ya ang kayang mukha sa aking leeg. Dama ko ang kanyang paghinga, ang pagalaw ng kanyang mga kamay sa aking likod at harapan. Ang kanang kamay ay kinabig ang aking pagkalalaki.

Ngunit hindi ako mapanamantala. Ipinatong ko na lang ang kanyang kamay sa kanyang hita.

Lukut-lukot na ang aking brown envelope na naglalaman ng aking pagkatao. May ilang araw ko na ring nagiging buhay ang pagtahak sa makasaysayang kalye na ito upang maghanap ng trabaho. Hindi ako pinapalad. Ngayon lang. Dahil kay Angela.

Tumagal pa ng ilang minuto na ako’y nawala sa katinuan. Hindi ko inintindi ang mga galit na ugat sa braso ko at pamamanhid ng aking hita. Tila malabo na ang aking paningin, maliban sa aking katabi. Kumakapal ang usok, ngunit wala akong ibang naaamoy kundi ang mabango n’yang buhok. Nalulunod sa ingay ang mga tao sa aking paligid, ngunit wala akong ibang marinig kundi ang paghinga niya, at ang kabog sa aking dibdib. Sa loob ng bus, sa pandalawahang upuan, nabuo ang mundong hinding-hindi ko malilimot; mundong amin lang.

Ilang minuto pa ang nagmartsa; kinse minutos bago mag-alas otso, na tila habambuhay na kaming nasa ganoong sitwasyon.

     Dito ka na lang, ‘wag ka nang umalis. Dito na lang tayo.

Kahit saan kami daldalhin, kahit may hangganan.

     Estrella!

Sa kalampag ng barya sa handrail natapos ang aking pantasya nang unti-unting umangat ang ulo n’ya. Ayoko sana s’yang magising, ngunit hindi ko na iyon napigilan. At hindi ko pipigilin. Dumating na ang realidad.

Tumingin ako sa kanyang mga mata na parang hindi s’ya nakatulog. Nakanganga na lang ako at binubulag ng liwanag na galling sa fluorescent lamp sa kisame nang mahawi ang ilang pasahero.

     Salamat.

Isang salamat at isang ngiti. Sapat na upang malimutan ko ang mga bagay na gusto ko sabihin. Anong pangalan mo? Ako si Jesus. Naka-globe ka ba? Taga-saan ka? Sino ka? Bakit hindi ko maisip kung sino ka?

Sumisigaw ang aking utak. Ngunit nilamon na s’ya ng mga tao. Ng kawalan. Wala na.

Sa muling pagkalampag ng barya sa handrail, nakaramdam ako ng lungkot. Lungkot sa pagkawalan n’ya. Lungkot sa  katangahan kong nawala ko ang pagkakataong iyon. Lungkot sa muling pag-iisa. Lungkot sa pagkawala ng isang pangyayaring pwedeng magpatuloy habambuhay.

     Kailan kita makikitang muli?

Ticket po, pakilabas!

Binasag ng kunduktor ang aking pagmumuni-muni. Oo nga pala. Kinapa ko ang aking bulsa. Sa harap. Sa likod. Sa gilid. Sa upuan. Sa ilalim ng upuan. Sa paligid ng ilalim ng upuan. Wala.

Ninakaw ng ilang minutong pag-ibig ang aking pitaka. Putang ina.

Advertisements

9 thoughts on “UVS 234

  1. wow ang ganda ang ilang minutong love story nya.. magnanakaw pala.

    habang binabasa ko to parang gusto ko pigilin ang aking paghinga sa kung ano sunod na mangyayari ahaha,, “Ninakaw ng ilang minutong pag-ibig ang aking pitaka. Putang ina!”

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s