Halika, usap tayo.

Isang 1st year college ang nagpakamatay dahil sa walang pambayad ng tuition.

O, bago ka sumatsat, magtitimpla muna ako ng kape para sa’tin. Mahaba-habang kwentuhan ito.

*timpla*

Oo, si Kristel Tejada. 16 years old at kumukuha ng kursong Behavioral Science sa University of the Philippines-Manila. Part-time taxi driver ang tatay n’ya. Lima silang magkakapatid at siya ang panganay.

Hindi na s’ya nagawa pang ilipat sa bracket E2 mula sa D. Ang mga bracket na ito *ihip*, sa pagkakaalam mo, ay ang socialized tution sa U.P. *lagok* Bukod pa rito, hindi niya nabayaran sa takdang oras ang kanyang first-semestral fees kaya naantala ang kanyang pag-eenroll sa ikalawang semestre. Maging ang mga magulang n’ya ay nanikluhod sa pamunuan ng UP sa paghigi ng extension.

Alam mo ba *higop* Aray! .. na kahit si Kristel ay hindi enrolled ay pumapasok pa rin sa klase. Isipin mo ‘yun. Mukha kang tanga. Papasok ka kahit hindi ka tinatawag sa roll-call. Hindi ka makapagtaas ng kamay kahit tama ang mga sagot mo sa recitation. Ikaw lang ang nakatingala sa kisame habang ang lahat ay nakatungo habang nag-eexam (na akala pa nung isa, kumokopya ka). At kahit mag-exam ka at mag-perpek pa ang score mo, walang saysay kasi hindi naman recorded. Tsk.

Simple lang: Kasi, interesado pa rin siyang mag-aral kahit hindi s’ya kinilalang lehitimong estudyante ng UP noong mga panahon na iyon.

At dahil ang tanda ng pagkalehitimong estudyante ng isang eskuwelahan *baba ng tasa* ay ang Identification Card, isinuko na n’ya ito. Walang ibang natirang alaala sa kanya kundi ang lanyard ng eskwelahang nagkait sa kanya ng karapatang mag-aral.

Sa isang estudyanteng gustong mag-aral at maraming pangarap, napakasakit ng ganoong eksena. Daig pa ang nasa music video. *halo kape*

AT ano ang una n’yang nakita? ‘Yung silver cleaner. Pero bago n’ya tunungga ‘yun, gumawa muna s’ya ng sulat. Para ipaliwanag sa pamilya n’ya kung bakit n’ya iyon ginawa. Para magsabi rin ng mga special request niya sa kanyang libing.

AT doon na nagtapos ang lahat.

-kung may mali man sa mga nasabing impormasyon, pwede akong bulabugin.

– – – – –

Pinutakti ng netizens ang kanyang pagkamatay. Hindi rin nawala sa mga statuses and comment ang ilang “mukhang negatibong” komento nila sa aksyon ni Kristel.

Bakit kamo “mukhang negatibo”?

Unang-una, tama ang kanilang punto. MALI ANG PAGPAPAKAMATAY. MALI sa mata ng Diyos: dahil siya daw ang nagbigay ng buhay natin; MALI sa mata ng mga nakababatang henerasyon dahil maaaring maging opsyon nila ang pagpapakamatay sa pagsagot sa problema; MALI sa mata ng mga kapwa niya estudyante na lumalabas ang litid sa paghahahanap-buhay at nagususnog ng kilay at tinitipid ang siukmura para sa ikayayaman ng utak. MALI, sabi ng mga tamad, dahil pag-aaral lang ‘yan. MALI, sabi ng mga elitista, dahil pera lang ‘yan.

Kaya ang pobreng bata ay nakatanggap sa samu’t saring pangungutya mula sa mga tao: lowlife, stupid, marupok, mahina, mahina mag-isip, name it all

Hindi ko maakakayang depensahan si Kristel sa ganyan.  Dahil kung solusyon ang pagpapakamatay, marahil ay walang nagsulat nito, wala ka sana sa Palda Ni Inay, at walang Katingera.

Pero ang pagpapakamatay ay isang personal na desisyon. Ano man ang dahilan mo, walang tumutulak sa’yong magpakamatay ka. Walang mahal mo sa buhay ang bibigyan ka ng silver cleaner, baril, blade o nailcutter para tapusin mo ang buhay mo. Nagawa man n’ya ito o hindi, ang problema ay problema pa din.

Anecdote: Mga ilang araw bago pumutok ang balita, naglalakad ako sa Cubao at paakyat ng overpass. Nagmumuni-muni dahil hindi ko na alam kung paano pagsasabayin ang problema ko sa OJT at sa trabaho. Kasama pa ang nadurugo kong puso dahil hindi ako makaka-graduate na naman (Octoberian ang peg). Naisip ko, magapakamatay kaya ako?

At para ipaliwanag sa’yo ang lahat, bumalik tayo sa one-sentence intro ko:  Isang 1st year college ang nagpakamatay dahil sa walang pambayad ng tuition.

Walang pakialam ang tao sa isang taong nagpakamatay maliban na lamang sa tatlong dahilan: 1. Prominente ang taong gumawa nito 2. Malapit sa’yo ito at personal mong kakilala 3. Ang dahilan ng kanyang pagpapakamatay na maaring maulit.

Ikaw na nagbabasa nito, sa tingin mo, saan d’yan ang kay Tejada?

Malabong maging una ang sagot mo, pwera na lamang kung nagbabalak kang magpatayo ng fans club n’ya. Maaaring kilala mo s’ya, kaibigan, kaklase, kabracket, ina, kapatid, anak. Pero ang tatlo ang sinisiguro kong pinakaswak sa lahat. Bakit?

Kung manunulat ka, hindi ka magsusulat ng isang balita ng pagpapakamatay dahil nga walang pakialam ang tao sa isang taong nagpakamatay. Ngunit kung susuriin mabuti ang intro ko, marami nang tanong ang lalabas sa kukote mo: Ano’ng year na ba n’ya? Ano’ng course? Saan nag-aaral? Ano hanapbuhay ng mga magulang? Bakit walang pambayad? Ano ba ang patakaran?

Sobra naman ‘yan.

Ang sistema: nagiging pribilehiyo ang edukasyon. Bilhin mo kung kaya ng pera mo. Nevermind kung matalino ka. Gayong nakasaad sa ating batas na ito ay isang karapatan.

Nakakalungkot isiping sa state university magsisimula ang ganitong klase ng krimen. Sino bang hindi gusto ang mag-aral d’yan? Sabi nga sa nabasa ko, gagawa ka daw ng butas ng karayom kung gusto mo pumasa sa UPCAT. Ang ganda pa naman ng pangalan. Parang “university ba kamo? e di dito ka na!” o kaya naman, parang ipinangalan sa pitumpu’t pitong pulong bansa ‘yung unibersidad. O kaya naman, pag-aari ng Pilipinas.

Pag-aari ng Pilipinas, ngunit kaunting Pilipinong estudyante lamang ang tunay na nagmamay-ari.

Sa pagkamatay n’ya, kinalabit ang pamunuan na may pagkakamali sa sistema.May dapat ayusin, may dapat baguhin. May nakalimutang prinsipyo na dapat ay hindi nakakalimot. 

Sa nagbabasa nito na nakakaranas din ng sakit sa utak, sikmura at bulsa, sinasabi ko sa’yo ngayon, huwag kang bibitaw. Kaunting tiis, tiwala lang. <a href=https://bundokngtralala.wordpress.com/2012/06/20/taste-of-sourcasm-maikli-pa-ang-kumot/“>Maikli pa ang kumot. </a>

Ngayon, sana, itigil na natin ang panghuhusga kay Tejada, sa ginawa n’ya. Hindi na tayo dapat pang manghimasok doon. Marahil ay personal nga ang naging atake ni Tejada upang maresolba ang kanyang problema, ngunit hindi maikakaila na maraming Tejada, nagkalat. Ako man, isang uri ng Tejada. Isalba natin ang mga natitira pa.

Tama, sa pagtatapos ng usapang kape na ito, si Tejada pa rin ang kumalabit sa gatilyo ng baril na hawak n’ya. Pero ang tanong: Sino ang nagbigay sa kanya ng baril na ‘yun?

Advertisements

3 comments

  1. hana banana · Abril 2, 2013

    nakakalungkot 😦
    nawa’y magsilbing aral para sa mga estudyante, magulang at paaralan (-_-)

  2. katingera · Abril 2, 2013

    Oo nga. Depression sa personal na problema ang kadalasang sanhi. 😦

  3. kyakototentimes · Marso 25, 2013

    nalulungkot ako pag nakakabasa ng ganitong mga balita, lalo at estudyante ang involved. hindi ko maimagine kung mangyayari ito sa isa sa mga estudyante ko. (buti na lang at madaming pera ang mga kpop. joke. mataas din pala ang rate ng suicide sa kanila.)

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s