Walo at Walumpu

Siya’y walong taong gulang noon nang magrebelde ng mga sundalo sa pinakamaunlad na lungsod sa Maynila.

                -Tara! Saan?

                -Sa Sikatuna, ‘yung mansyon ng sundalo.

                -Uhm. ‘Wag dun. Katakot.

                -Sus! Kwento lang ‘yun. De, ako muna.

                -Dala tayong bawang ‘tol.

                -Ulul.

Humahangos siyang tumungo sa tapat ng lugawan sa palengke kung saan sila nagkasundo na magtatagpo. Bumubulong na ang mga mapamahiing matatanda sa kani-kanilang imahe ng poon sa kani-kanilang bahay.

Unti-unti nang nawala na sa paningin nila ang mga banderitas at tuluyuang napalitan ng makakapal na dahon. Nagsilbing mga taliba ang mga puno kanilang paglalakad, habang inaamoy ng mga damo, ligaw man o tuyot, ang kanilang mga yapak. Mababanaag pa rin ang mga kabahayan ilang dipa rin ang layo sa isa’t isa. Ang kanilang malalim na paghinga dulot ng pagkahingal ay ingay nang maituturing sa mga oras na iyon.

Natunton nila ang kanilang pakay– nakapwesto ito sa katimugan ng maunlad na lungsod. Lumamig na ang araw; sinamba ng mga damo ang dumaan na hangin at tuluyang nangamatay ang huni ng kulisap.

Ginapang ng baging ang bakod, kasama ang dalawang estatwang kerubin sa ibabaw ng haligi ng tarangkahan. Puti ang kulay ng mga ito, maging ang mga balintataw ng mga ito, na tila nakamasid sa kanila. Ang nag-iisang lamparang makikita sa arko ng pintuan ang nagsisilbing tanglaw sa paligid, kawangis ng lamparang ikinatunaw ng katawan ng pinakasikat na munting gamu-gamo.

Sinimulan niya ang pag-akyat sa bakod na pakiramdan niya’y magigiba. Sunod naman niyang inakyat ang punong balete. Hinanap niya ang pinakamatitibay na baging upang doon maglambitin, isinampay ang binti sa bakal na harang ng balkonahe at makapasok sa loob.

Mahigpit ang pagkakapinid ng pinto papunta sa ikalawang palapag, at may kaunting siwang sa malaking durungawan sa mga anay. Tinuluyan niya itong bakbakin gamit ang kanyang mga kamay.

Kalahati ng kanyang katawan ang naipasok niya sa loob, kaya’t kalahati din ng katawan niya ang nangaligkig sa ginaw at pangingilabot.

Nangangapa siya sa kanyang paglalakad. Malayo na siya sa siwang na kanyang nilikha kaya aandap-andap ang kanyang mga talukap na sumisinghap ng kaunting butas na mapagkukunan ng liwanag. Sumipol siya upang basagin ang katahimikan sa loob. Tinugon siya ng barumbadong hangin sa labas at alimuom sa pagpatak ng ulan. Wala na rin siyang narinig na yabag ng kanyang mga kasama niya kanina, miski sipol man lang.

                -Aba Ginoong Maria.

Pulos imakuladang kumot ng antigong gamit sa dilim ang ginawa niyang gabay. Sinampu ang pagtambol ng kanyang puso; nagsisirko ang kanyang sikmura; nangangatal ang mga nagbibitak nang labi at nangangatog ang tuhod.

                -Napupuno ka ng grasya. Ang Panginoong Diyos ay sumasaiyo.

Tanging mga hungkag dingding na lamang ang kanyang kinakapitan na nanghihigop ng lakas. Nadaanan niya ang buhay na larawan ng isang matandang babaeng nakasabit sa dingding . Nakasuot ito ng sinaunang saya at nakatawa. Bagaman nakahilig ito sa kaliwa, pakiramdam niya’y minamasdan siya nito.

                -Bukod kang pinagpala.

Ngunit hindi niya mapigil ang hindi tignan ang maganda nitong mukha. Ang mga ngipin nito ay kumikislap sa dilim, habang ang mga labi nito’y hinalikan ng rosas..

                -Sa babaeng lahat?

                -Putang..

..Na nagdurugo na sa kanyang paningin dala ng labis ng panghihilakbot sa tila paggalaw nito. Napatakbo siya, habang ang utak ay panay ang mura na sa kalauna’y itinuloy na lamang ng panalangin.

Nakarinig siya ng tunog ng organo. Hindi matinis ang nota, hindi rin naman mabigat. Nagpaulit-ulit ito, tila nagsaboy ng pabango at nilamon ang alimuom.

Sinundan niya ang bango nito. Napawi ang kanyang takot, at dinala siya sa isang silid.

Mababanag ang isang organo.

At isang lalaking nakayukod habang nilalaro ito, nakasuot ng pang-sundalo.

At walang anu-ano’y ipinihit nito ang ulo sa gawing kaliwa—sa kanyang kinatatayuan.

Hindi na tumatambol, ngunit sumisigaw na ang kanyang dibdib. Nanigas ang kanyang tuhod, habang ang matang nanlilisik ay nasa kanya pa rin.

                -Ngayon at kung ako’y mamatay! Amen!

Nagtatakbo siya patungo sa hagdan. Sa labis na pagkaripas ay nadulas siya paibaba. Kumirot ang kanyang balakang ngunit labis na napuruhan ang kanyang kanang braso sa pagkakaumpog.

At ang sundalo’y papalapit na sa kanyang kinahihigaan. Hindi niya makita ang mukha nito kundi hugis lamang ng katawan at ang sapatos nitong nakalutang sa hangin.

At nakaramdam siya ng mainit na haplos na dumaloy sa loob ng kanyang pantalon.

Nakasilay din siya ng liwanag. Malamig pa rin ang hangin ngunit sumisipol na lamang ito. Hindi na paninigas at matigas ang nadarama ng kanyang katawan kundi puro unan.

Siya lamang ang mag-isa doon at isang mainit na sopas na nakapatong sa tabing mesa na inakit ang kanyang dila.

Sa paghigop ng sabaw ay biglang lumangitngit ang pinto.

Pumasok ang isang matandang lalaking nakasuot ng pangsundalo. Nanigas ang kanyang panga, habang ang mga mata’y nakatigtig sa kaisa-sang salitang makikita sa buong kwartong iyon: Simon.

Ngunit, payapa ang kanyang isip at damdamin.

Ngunit ni isang salita ay walang lumalabas sa kanyang bibig.

                -Kung ayaw mong ipakulong kita, maglilinis ka rito sa bahay ko.

Maliwanag ang kanyang narinig. Umuwi siyang may benda at walang brief.

Nang gumaling na ang kanyang pilay, ang walong taong gulang ay walang nagawa kundi balikan ang walumpung taong gulang. Isasauli niya rin ang shorts na ipinahiram sa kanya.

Maliwanag pa ang araw nang siya’y lumakad. Nagtago muna siya sa puno at nagmasid sa bahay.

Ang matanda ay nakapambahay lamang. Halos kasing tanda nito ang bahay, dangan lamang ay mas maaliwalas itong tignan. Maamo pa sa mga kerubin ang kanyang mga mata. Maaaninag na ang anit nito dahil sa nipis at pagkakakula ng buhok. Bahagyang nakahukot ang likod, lumalaylay na ang laman sa braso at binti. Ang dami ng gitli sa kanyang mukha ay kasing dami rin ng kanyang pagkahapis. Sa kabila ng katandaan ay makikitaan pa rin ito ng lakas habang nagwawalis ng mga matatandang dahon.

Walang anu-ano’y pumasok ito sa loob, iniwang bukas ang garahe. Siya namang naging dahilan upang ang walong taong gulang ay lumabas sa kanyang lunggaan.

Sa pagkakataong ito, sa pinto siya dumaan. Dahan-dahan siyang pumanaog sa hagdan. Huminto siya sa pinakahuling baitang, huminga ng malalim at hinanap ng mata ang larawan ng matandang babae.

Buong tapang niya itong hinarap, katulad ng isang taong nanghahamon ng away.

                -Aba Ginoong Maria, Napupuno ka ng grasya. Ang Panginoong Diyos ay sumasaiyo. Bukod kang pinagpala..

Nakatayo lamang siya ng ilang minuto. Ngunit walang nagsalita.

                -Bukod kang pinagpala…

                -Hey?

Sa paglingon ng pinaggalingan ng boses ay siya namang abot sa kanya ng walis tambo at basahan.

Buong akala ng walong taon alam na niya ang lahat.

Dahil sa bawat pagpunta niya roon, at sa paglilinis tuwing hapon, lagi niyang nakikita ang walumpung taon sa isang kwarto sa ikalawang palapag. Humahawak ng ripleng kalas, habang nagmamartsa. Minsa’y suot nito ang sumbrerong matigas, o ang uniporme nito, o kaya’y ang sapatos.

Minsan tuloy, sa kalagitnaan ng kanyang paglilinis ng bakuran, naisipan niya itong gayahin.

                -‘Yung baril. Kanan.

Agad siyang napalingon sa likuran. Doon nakatayo ang matanda, na sa kataka-takang pagkakataon ay nakangiti sa kanya. Napanganga siya sa kausap, nilapitan siya at kinuha ang walis tinging sa kaliwang kamay niya at inilipat sa kanan.

                -Tuwid.

Maliwanag ang narinig ng walong taong gulang at kara-karakang sumunod.

Nauubos na ang tingkad ng araw ngunit walang ginawa ang bata kundi namnamin ang sayang hatid ng bawat galaw ng isang tunay na sundalo, na siyang idinidikta ng halos walong dekadang tanda sa kanya. Ang bawat pagtikas, pagmartsa, paghawak ng riple at pagsaludo ang lalong nagpalit ng hakbang ng pulang tsinelas at combat shoes sa isa’t isa.

Makailang ulit na umahon-lubog ang araw, at ang mga tagpong iyon ang kinasabikan ng walong taong gulang tuwing matatapos ang kanyang klase at pangangalakal ay pupunta siya sa bahay na iyon.

                -Dapat, ang gupit, malinis.

Tiluyang pinigtas ng walong taon ang kanyang buhok na naninilaw sa pagkatanso; na sa umaga’y nanlalagkit sa pomada at pinatitigas ng polusyon sa tambakan ng basura tuwing hapon.

                -Pati ang damit.

Manilaw-nilaw pa rin ang kanyang polo pamasok, ngunit hindi na ito lukot. Ang kanyang ilang damit ay pinasulsihan sa kanyang ina, habang ang mga pantalon ay tinutupi niya sa laylayan upang maiwas na putikan.

                -Dapat, kahit takot, matatag ang loob. Dahil naniniwala s’ya sa sarili n’ya.

Alam niyang ito ang napasa niya. Ang kanyang kagitingan ay makailang-ulit nang napatunayan sa kanyang paglundag mula sa baging at paglangoy kasabay ang lagaslas ng tubig-batis.

                -Mapagmatyag.

Sa unang pagkakataon ay nakahuli siya ng malusog na tilapia gamit ang hinubad na damit, isang mainit na hapon. Ang habag na kawal ng katubigan ay inialay niya sa kanilang hapag.

                -Magalang. Nakukuha ang respeto kung marunong ka magbigay.

Malinis na ang kanyang pananalita, miski sa kapwa kaklase. Ginamit niya ang mga paggalang na matagal nang naituro ng kanyang paaralan ngunit ngayon lamang niya natutunan.

                -Hindi palaaway, ngunit lumalaban kung kailangan.

At ito nga ang naging dahilan ng minsang pagputok ng kanyang labi.

                -Kase ho.. uhm. Ser. Ano ho eh..

Pinagmamasdan lamang ng walumpung taon ang kanyang kilos, sinisipat, habang ang musmos ay panay lamang ang kamot sa ulo.

                Sinilip ko po ‘yung klasmeyt ko habang umiihi eh.

                -Ha?

                -Kwan ho eh.. Eh kase. ‘Yung kwan ho kase n’ya.. ‘yung pototoy po. Manoy na raw.

Sandali itong nakatingin sa kanya, bumunot ito ng isa, dalawa, tatlo, at sunud-sunod na halakhak, palakas nang palakas. Muli itong tumingin sa kanya, at nagtanong na kuwari’y hindi alam ang sagot.

                -Bakit daw ganun?

                -Para raw maging tunay na lalake. Kelangan daw, matapang ka.

Halakhak muli ang isinagot ng walumpu sa sinabi ng batang kausap.

                – Nagtawag ng hukbo si Lapu-Lapu upang ipagtanggol ang Mactan. Sinasabi mo bang hindi s’ya tunay na lalake at duwag sya kasi di s’ya natulian?

                -Uhm, pa’no mo nalaman? Sinilipan mo rin?

Sabay na humalakhak ang dalawa, ngunit sa likod ng tawa ng bata ay ang pag-ukit ng huling sinabi sa kanya ng matanda.

                -Sunod ka sa’kin.

Sumunod ang walong taon sa walumpu sa isang maliit na silid. Hinalukay ng matanda ang kanyang aparador at inilabas ang dalawang pares ng fatigue na pang-itaas at pantalon. Amoy na amoy dito ang samyo ng buong baryo noong panahon ng digmaan, ang delubyo at ang kagitingan. Iniabot nito ang isa sa kanya. Sabay nilang isinuot na nakapaloob ang kanilang damit. Maluwag ito sa bata, ngunit kumportable siya. Habang ang matanda’y nagsuot ng combat shoes, siya’y nakapulang tsinelas lamang.

Sunod nilang tinungo ang katapat na kwarto. Inihayag nito ang napakaraming klase ng riple, mula sa maliit at magaan, hanggang sa pinakamalalaki; mayroon ding watawat ng Pilipinas at Hapon sa magkabilang gilid. Nakasabit din sa dingding ang mga litrato ng mga sundalong lalaki na kinupas ng mga nagdaang dekada.

Kumuha ang matanda ng dalawang riple: isang mahaba at isang magaan. Iniabot niya sa bata ang maliit at sabay silang lumabas ng bahay.

Inikut-ikot ng tsinelas at sapatos ang buong lugar. Ang bakuran na sinasabing entablado ng mga binitay na rebelde anoong labing walong taon pa lang ang matanda, ay palaruan na ng pulang tsinelas ngayon. Habang ang kapanglawang nababalot sa mabigat na sapatos ay pinalitan ng ligaya.

Hindi nila parehong namalayan na ang hawak nilang riple ay naging sanga na lamang ng kahoy, payong, at hose ng tubig. Ang ginawa nilang bomba ay mga nalaglag na bunga ng aratelis, na kumakatas sa bawat sirit ng tubig mula sa hose. Ang bawat pagtawa ay kaparis ng sa matandang babae sa itaas, dangan lamang ay maaaninag ang kanilang mga gilagid: ang isa’y dahil sa pagkabungi habang ang isa’y sa paglagas ng panahon.

Kumandirit ang orasan sa alas siyete na nasa ganoon silang itsura; sabay na humihingal. Naisipan lamang na pumasok sa batalan nang kumulog na ang kanilang mga sikmura.

                -Huh? Walang itlog?

                -Tikman mo.

Kinurot niya ang gilid na katawan ng cake na puro prutas ang nasa ibabaw.

                -Ang sundalo, naghuhugas ng kamay bago kumain, tsaka gumamit ng kutsara.

Napatingin na lamang ang bata sa kanya na may dumi ng tsokolate sa ilong. Sumenyas ang walumpung taon sa nakababata na punasan nito ang ilong. Ngunit ang kapilyuhan ng bata ang naging dahilan upang pati ang matanda ang mapahiran ng tsokolate sa ilong, sa kanilang mga labi, at mukha.

Matapos punan ang kanilang sikmura at dungisan ang kanilang mga mukha, at nang malinisan ito’y tumungo sila sa kwarto kung saan naroon ang organo. Niyakap ng matatandang daliri ang bawat teklado at ipinatugtog ang musikang nanakot sa bata isang linggo na ang nakalipas. Ngunit malayo na kahindik-hindik na musika, ang bawat tono’y humaplos sa kanilag mga puso. Sumabay sa himig ang matanda.

We’ll meet again,
Don’t know where,don’t know when,

Ang malungkot na alaalang inukit ng nakaraan ay kinulayan na ng walumpung taon. Ang nakakatakot na bahay na iyon ay paraiso na sa bata; ang matandang babae sa larawan ay isa nang Paraluman, ngunit hindi niya pa rin nasagot ang bugtong kung sino ito at kung bakit ito ang bukod na pinagpala—sa babaing lahat.

Soldier-and-son

Photo credit: Forgotten Liberty

Kumakapal na ang tao sa sentrong bayan. Kanya-kanya ang mga bibig sa pag-iingay; ang iba’y sumisigaw, tumatawa, umiihip ng torotot at ang iba’y taimtim na kinakausap ang mga kabanal-banalang mukha bago ito isayaw sa prusisyon.

Nagpaikut-ikot sa buong bayan ang pulang tsinelas, kasama ang ilan pang makukulay na tsinelas, mapuputik, at pudpudin. Kasama niya rin ang inang tsinelas na yari sa alpombra, at ang kanyang tatlong maliit na kapatid. Hinihintay nila ang pagsapit ng karakol para makahakot ng kendi.

Ngunit may kulang.

Tumungo ulit siya sa bahay na iyon.

                -Ayoko.

                -Sige na Ser. Minsan ka lang lalabas. Masaya run!

Sa kapupumilit, sa kakakalabit at kakukulit ay napapayag din ang matanda. Hindi sila mga sundalo sa mga oras na iyon, kundi mag-ama.

Sa dami ng tao ay hindi na nila nakita ang kanyang ina’t mga kapatid. Hindi naman siya nangamba dahil kabisado niya at kanyang ina ang bayan na iyon. Bukod pa roon, mas dapat niyang pukulan ng tingin ang walumpung taon na unang beses pa lamang na dumayo ng pista.

Ilang sandal pa’y sunud-sunod na pinalo ang pinakamalaking tambol sa banda. Naghiyawan ang mga tao na siyang naging hudyat ng pagsisimula ng prusisyon.

Inihip na ang silbato, kasunod ang mga naglalakihang torotot; pinaghahampas ang mga xylophone. Isinirko na rin ng mga babaing nakapalda ang kanilang mga baton at bandila. Maya-maya pa’y umusad na ang musiko kabuntot ang mga matatandang isinasayaw ang hawak nilang mga poon.

                -Mangunguha lang po ako ng kendi Ser. Babalik ako ha?

Ang musika ng kanilang patron ang ikinalundag ng lahat sa tuwa, lalo nang mga bata. Lahat sila’y nakatingala, nakatingin sa mga durungawan ng malalaking bahay at sinisilip ang malalaking supot na hawak ng mga may-ari nito.

Lumipad na ang mga kendi sa himpapawid. Pinatingkad ang kanilang makukulay na balutan sa ilalim ng init ng araw; ang mga munting kamay ay parang tuka ng mga inakay na nag-aabang sa babagsak na grasya.

Ngunit sa isang sulok ay ibang kaba ang nadama ng walumpung taong gulang.

May kung anong mga higanteng ibon na tila sumapok sa mga hinagis na kendi sa himpapawid, kasabay noon ang nakaririnding tunog ng makina, hindi lang sa itaas, kundi sa kanyang kinatatayuan.

Tama nga ang kanyang nabalitaan.

Tumindig siya sa sarap ng kanyang pagkakasandal sa puno ng niyog. Nanlalambot man ang tuhod sa takot at katandaan, pinilit niyang madaliin ang kanyang paglalakad. Nagsisisigaw siya.

Ang mga Hapon! Narito na sila!

May ilang taong tumigil sa kanilang paglalakad, lalo na yaong mga hinawakan niya sa siko at balikat. Tinignan nila ang matanda mula ulo hanggang paa, napangiwi at itinuloy ay kani-kanilang daan.

Humawi ang kapal ng tao sa paparating na sasakyan sa kanilang likuran. Nahinto sa pagsayaw ang mga poon, at  natigil ang musiko.

Kinalabit siya ng walong taong kaibigan. Sa pagkakita dito’y niyakap niya ito, habang ito naman’y taking-taka sa kanyang ikinikilos.

Ang sasakyan mula sa likuran ang pinagsimulang ingay na sumira sa himig ng piyesta. Sakay nito ang mga kalalakihang banyaga; sa gilid ng sasakyan ay ikinakampay ng hangin ang kanilang watawat.

Napansin ng pulis na nakamotor sa likod ang ingay na ginagawa ng matanda. Nilapitan niya ito upang usisain.

                -Ano pong atin, Lo?

Nagitla siya sa kaharap. Tumingin siya sa mukha nito ngunit yumukod at umatras. Nagtago siya sa kapal ng tao. Tinalikuran din siya nito.

Hinila ng matanda ang bata upang magtago sa matataas na damo, habang ang bata ay sumusunod kahit hindi niya maunawaan ang nangyayari sa matanda at naiinis dahil walang nakuhang kendi. Binagtas nila ang daan patungo sa kanilang palasyo.

Agad pumanhik ang walumpung taon sa itaas, ipinatong ang unipormeng sundalo at helmet at isinuot ang combat shoes. Hinanap niya ang riple at lumabas sa ng balkonahe.

Ngunit umatras din. Isinara niya ito at sumandal sa pinto na takot na takot. Lumabas, pumasok ulit. Hanggang sa mapansin niya ang batang nakamasid sa kanya.

Muli niyang binuksan ang pinto at lumabas na ng balkonahe.

                -Hindi n’yo mapapatay ang aking anak!

Ikinasa niya ang patay na riple at kinalabit niya ang gatilyo. Paulit-ulit.

Nabulabog ang mga ibon dahil sa sunud-sunod na putok. Sumabog ang mayayabong na dahon sa puno, ang bato sa paligid, maging ang dingding.

                -Ser, uuwi na ako!

                -Dito ka lang, mapapatay ka nila!

                -Di kita tatay!

Sa narinig ay natulala ang walumpung taong gulang.

                -Sabi mo, ang sundalo, may isang salita. Sabi mo, titigil na ako sa paglilinis ng bahay mo sa pista. Kaya uuwi na ako.

Masama ang loob ng pulang tsinelas sa kanyang paglayo. Habang ang sapatos ay naghihinagpis.

May isang linggong walang naganap na pagtatagpo. Halos ikamatay iyon ng walong taong gulang, kaya muli niyang binalikan ang bahay.

Ngunit naramdaman niyang patay ang bahay. Inakyat niya ang bakod at sumuot uli sa siwang na kanyang ginawa dati.

Walang mga gamit. Pati ang organo; ang mga riple, at mga damit sa cabinet. Maging ang tawa ng Paraluman.

Siya’y labing walong taong gulang na ngayon.

Ngayon lamang siya nagkaroon ng pagkakataong umuwi sa kanilang bayan mula sa kaniyang eskwelahan sa Baguio. Matapos ang unang ulan ng Mayo ay binalikan niya ang bahay na naging dahilan ng kapalarang tinatahak niya ngayon.

Ngunit isang basketball court ang kanyang nakita.

Nilakbay ng kanyang combat shoes ang lungsod ng katabing bayan. Nagbabaka-sakali lang naman.

Napakaraming nangungulubot na mata ang nakita niya sa loob ng building na iyon. Ang iba’y nakapikit, may nakangiti, at mayroong nakatingin sa malayo. Umaasa na hindi mabubura ng nagdaang sampung taon ang bawat detalye ng mukha ng sundalong iyon sa kanyang memorya.

                -Simon?

                -Oho.

                -Wala dito Sir eh.

 

Siguro nga’y hindi na sila magkikita.

But I know we’ll meet again, some sunny day.

Sa pagdaan niya sa balkonahe ng gusali ay napansin niya ang isang matandang nakaupo sa wheelchair. Nakabalabal ito ng polong fatigue. Hanggang sa mabasa niya ang kaisa-isang salita sa mga oras na iyon.

                -‘Kala ko ho ba, walang Simon dito?

                -Ah, s’ya ba? Ay oo nga.

                -S’ya nga?

                -Ibig ko sabihin, ‘yung Simon eh, si Fredde Von Simon. Sundalo daw ‘yun. Amo niya.

Dumalaw sa kanyang gunita ang cake na walang itlog. Hindi niya alam ang mararamdaman sa narinig. Ang tanging gusto niya’y yakapin ito ng mahigpit.

                -Pangarap niya daw kasing maging sundalo. Bukambibig niya dati, may batang tutupad nun.

– – – – –

Ang maikling kwentong ito ay kalahok sa Saranggola Blog Awrads

Image

Image

 

Advertisements

One comment

  1. ELIment · Oktubre 28, 2013

    aba entry pala ito para sa SBA. good luck sa entry.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s