Bituin sa Lupa

Sabi dati ng batang kaharap ko, ang bituin para sa kanya ay nakikita sa langit. Kahit kinumutan ng dilim ang kalawakan, sila’y andyan pa rin. O kaya, sa libro raw. Kapag nakakita ka ng bituin na nagpapadulas sa ulap, humiling ka raw: matutupad iyon. At sa mga pelikula. ‘Yung nagpapakitang-gilas na bituin, ‘yun daw ‘yung namayapang kamag-anak mo na binabantayan ka.

Sa tatlong ‘yun, sa huli ako medyo naniwala. Ayon sa science, patay na raw ang bituin na nakikita natin sa langit.

Pero hindi pala iyon ang magpapamangha sa’kin.

Hindi ko na matandaan kung kailan kita unang natikman.

Basta ang alam ko, nakapalda pa ako noon na muntik na maging picnic cloth. Nakaputing blouse. Kakulay ng kurbata ko noon ang palda ko. Bitbit ang daigdig sa loob ng backpack.

Palibhasa dati ko pa nakikita, pinalaking usisera at maraming katanungang hindi masagot ng miski ng pantas, sinubukan ko. Pinilit ko rin namang pigilan. Alam kong hindi tama. Ilang beses na ba ako nakakita ng litratong nakakasura ang itsura?

Pero sabi kasi nila. Sa mga panahong lahat ng tao’y pinagkakatiwalaan mo, ngunit pinagmaramutan mo ng tiwala ang mga nakatatanda sa’yo, kaya sige.

Inamoy ko muna. Pinaso. Tsaka ko pinagdaloy ang kaluluwa mo papasok sa aking lalamunan. Inubo. Pero sige pa rin. Sabi kasi nila. Muntik-muntik pa kaming mahuli noon. Naulit: nahuli ang kaklase isang beses pero buti, hindi pa kita hinahawakan noon. Ilang beses din namang naulit. Pero paulit-ulit din naman akong naging baguhan at turuan. Hanggang sa kinalimutan kita. Ayoko kasi. Ang baho mo. Hindi ka pala masarap. Hindi pala sila totoo.

Ilang taon ding hindi tayo nagkita, ha? Hindi kita namiss. Madalas naman kita makita’t malanghap ang bango mula sa iba.

Hanggang sa dumating sa buhay ko na nakikita ko ang mundo, ngunit hindi ko maramdaman. Gusto kong lumaya sa napaka-istriktong oras, sa pagbibilang, sa batas ng pag-aaral at sa batas nila. Para akong batang may oras ng pagtulog at paggising. Para akong kabuteng biglang susulpot at mawawala sa mata ng ibang tao tuwing aayain ako lumabas at magpalamig. Para akong baldadong nakakulong lang.

Ang gabing iyon: pinayagan akong umalis. Slumber party daw. Pero hanggang alas-onse lang ako ng gabi. At nakarating ako sa party, alas-otso. Tipong nakikain lang ako ng paborito kong adobo. Sabay umalis. Curfew eh.

Pero hindi lang oras ang hinabol ko. Pati ang katauhan ko sa mga taong naroon sa apat na dingding ng party na iyon. Parang hindi nila ako kilala. Parang hindi ko sila kilala. Salamat sa mga ka-text ko at naaliw ako kahit papaano. Nung nagpaalam ako na uuwi na ako, dun lang ata nila napagtanto na, kasama nila ako. Umuwi ako, kahit sabi nila, huwag.

Sumakay lang ako ng bus mag-isa. Gusto kong lumaya. Gusto kong lumipad nang walang pumipigil sa akin. Gusto kong makita nang malapitan ang mga bituin at hawakan ito. Pero sabi nila, huwag.

Pinalaki akong laging may sinusunod. Bente anyos na ako pero, sumusunod pa rin ako sa nakatatanda. Kaya sa kasuluk-sulukan ng isip ko, gusto kong labagin lahat ng iyon. Pinapatay ko ang bata sa harap ko. Kinain ng bakulaw na lumabas sa dibdib ko na nagsimula sa isang selula ng frustration.

Bigla kitang naalala.

Nasa isang sulok ka lang pala ng Cubao, pinaghehele ng busina ng sasakyan at ng mga barker, nung damputin kita. Kinapa ko ang bulsa ko. Bumili ng kendi para hindi ako maumay sa alindog mo. Hinawakan ko ang iyong kabuuan, kahabaan. Tinaktak ko, pinaglaro ko ang aking mga daliri at inipit sa pagitan ng aking mga labi.

Maya-maya pa, nakalipad ako’t nahawakan ko na ang bituin.

Hindi iyon ang huli. Maraming beses kong inulit. Sa kalye. Sa suluk-sulok ng eskinita. Tapat ng tindahan. Isang beses lang muna. Sa gilid ng aming tindahan. Bago pumasok sa OJT. Bago umuwi. Dalawa na. Tuwing stress ako. Tuwing napapagod. Tatlo. Tuwing nag-aaway ang magulang ko. Tuwing may lumalayas sa bahay. Tuwing naiiwan ako, kahit may tao sa paligid ko. Tuwing mag-isa ako. Mali man sa mata nila, naging matapang ako.

Hindi pa ako graduate pero nakarami ako. Nakarating na ako roon.

Pero parang pinapatay ko rin ang sarili ko. Naghahanda ng sarili kong kabaong. Mula sa pagkatuyot ng labi hanggang sa pagsakit ng ulo’t pagkahilo. Sabi ko nga, bago pumasok ang 2014, isa ka sa mga iiwan ko. Alam mo kung bakit? Kasi, sa suluk-sulok lang naman kita dinadala. Tinatago kita. Dine-deny. Hindi pinapakilala. Kinakahiya. Hindi kita kayang panindigan. Gusto ko pa rin maging malinis. Kahit mahigit bente anyos na ako, imahe ko pa rin ito. Hindi nang sa’yo.

Pero mas lumala pa nang magkatrabaho ako. Ang tatlong taong nagpakilala sa’yo sa’kin dati noong hig school lang ako, mas makapangyarihan na ngayon. Mas dumami. Ang sabi nila ay sinabi ko na rin. Laganap rin pala ang katawan mo rito.

Ang pagkahumaling sa’yo ay nilalamon ako. Katulad ng kung paano lamunin ng hindi lang ng isang bituin, kundi constellation na mukhang tinitinging tawas sa tindahan, ang tatay ko. Hindi ko iyon matanggap. Nasisira ang pagkatao at buhay niya. Nasira ang aming pamilya. Alam kong ang pagkahumaling n’ya roon ay mahirap pigilan, pero gusto kong ipakitang posible pa rin. Malaiit man o malaki, ang pagkalulong ay pagkalulong pa rin. Isa ka mang brown dwarf at ang sa kanya naman ay Big Dipper, walang pinag-iba. Iisa pa rin kayo.

Pero napamahal na ako sa’yo. Hanggang sa hindi na ako nagtatago kapag kasama ka. Pinapakilala na kita sa iba. Hinayaan ko nang maging iisa ang amoy natin, kahit sa mga taong nagkulong sa’kin sa imahe kong pambata. Kung gumagawa man ako sa sarili kong kabaong, bahala na. Dahil kapag paulit-ulit kitang hinahagkan kita, lumilipad ako sa langit.

Ala-una na ng madaling araw. Dating tagpuan, ha?

 

Unsent

Masaya akong dumating ka. May mga namatay akong pangarap na nabuhay bigla nung nakilala kita. Feeling ko, kaya ko lahat abutin ‘yun, hindi lang para sa sarili ko kundi para sa mga taong nasa paligid ko. Pero dumating sa punto na narealize ko, hindi pala lahat ng pangarap ko, kaya kong tuparin. Ikaw ‘yun.

Baligtad tayo sa kadalasang nagiging romantic story and friendship combined. Started as lovers (na hindi natuloy), became friends hanggang sa maging mag-bespren. Minsan akala ko, wala na. Tanggap ko na, kaya ko na. Pero may ilang gabing hindi ko namamalayan, binubuhay kita sa guni-guni ko, na sa paggising sa umaga, ikaw ang una kong makikita. Tama nga siguro ‘yung workmate ko: ginagawa kong excuse ang friendship na meron tayo dahil sa likod ng lahat ng iyon, umaasa pa rin ako.

Pero malabo na sa tubig-kanal ‘yun. Napaglipasan na tayo ng oras. We’re so close but we grew apart. Marami nang nangyari. Sabi ko nga dati, kung tayo talaga, darating ‘yun. Kaso hindi na dumating eh. Alam kong pangarap mong maikasal, magkaroon ng asawa at pamilya; mga pangarap mong hindi ko kayang tuparin.

Mahal kita, higit pa ‘yun sa iniisip mo at inaakala ko. Sorry, but every time I say I love you, I mean it. Pero, tama na siguro.

‘Wag kang mag-alala, katulad ng mga alaala, ang mga pangarap kong natitira ay hindi mawawala. Pero hayaan mo na lang sanang tuparin ko ‘yun mag-isa.