Where Do Broken Hearts Go?

Basta ang alam ko noon, title lang ito ng kanta ni Whitney Houston. Noong mga panahong bibili ako ng pocket wifi, ito ‘yung naiisip kong pangalan at ang password eh, kung saan ako madalas makikita dahil sa pagiging workaholic ko. Wala naman– gusto ko lang ipangalandakan noon na may pocket wifi ako: kukunin ko pa ang atensyon mo pero hindi ko ipapaalam siyempre ang password. Pero hindi ako nakabili ng pocket wifi at hanggang ngayon ay nakikigamit lang ng resources ng aming kumpanya. Kaya ang title sana ng kanta ay hindi pa rin naging pangalan ng pocket wifi.

Hanggang sa hindi na siya naging title lang ng kanta. Binili ng pelikula ang kantang ito at ibinato sa ang tanong sa mga manonood. Hanggang sa ang title lang sana ng kanta ay nagkaroon ng quotation marks sa unahan at sa dulo ng iisang pangungusap na ito. Unti-unti, hindi na siya binalot ng melodya: nagkaroon siya ng laman. Isang damit na sa wakas ay maraming gustong bumili, ilang beses sinilip sa mga tukador ng clothing line, hinanap kung saan meron at magkano nga ba.

Pumatok sa mga manonood. Ang rhetorical question ay naging palaisipan na ngayon.

Sa mga tindera sa palengke.

Sa mga gumagawa sa factory.

Sa mga negosyante sa Makati.

Sa mga panginoong maylupa

Sa mga tambay, na ilan ay suma-sideline sa pagiging snatcher.

Sa mga taxpayers at sa mga umaasa pa rin sa isusubong pagkain ng magulang

Sa mga taong araw-araw binabaybay ang EDSA, sa mga nakikipagdigma sa sariling pwesto sa MRT, sa mga nasa loob lang ng bahay umulan o umaraw. Sa mga taong sobrang busy sa buhay pero nakukuhang magising ng alas-dos ng madaling araw para magmukmok. Hindi na nila pinapakinggan ang dating title ng kantang ‘yan: iniisip kung magkano, kung nakanino, kung papaano at kung nasaan nga ba.

Sa Norte? Bakit nga ba nagpupunta sa Norte kapag gusto mo mapag-isa at mag-soul search? Kasi malayo sa magulong urbanidad? Kasi malamig ang panahon? Siguro. Dahil sa klima eh, siguradong magsasara ang pores mo at aasa ka na pati tear ducts mo at ilong mo ay magbabara. Para wala nang aagos.

Saan sa Norte?

Sa Baguio? Maraming tao.

Sa Sagada? Malayo pa ulit.

Sa Mt. Kiltepan? Maraming lovers na dun ngayon, baka umiyak ka lalo.

Sa Batanes? Paano kung bumagyo?

Sa Vigan? Romantic masyado.

Sa Pagudpud? Beach please.

Bakit ayaw nila sa Visayas? O sa Katimugan? Sa Cebu, pwede. Sa Davao, safe ka pa sa mga mananakit at manloloko at magnanakaw– ng pera at puri at ng feelings. Sa Zamboanga? Sa Sulu? Sa Tawi-Tawi?

Kung namamahalan ka, pwede ka naman sa malapit lang.

Dito kasi talaga nagpupunta, ang mga pusong nasira. Hindi siya glue o MIghty Bond o packing tape na pagdidikit-dikitin uli na parang jigsaw puzzle. Pwede kang magsama ng barkada. Pwede mong lunurin sarili mo sa alak. Pwede kang mag-amoy ashtray. Pwede mong singhutin ang chicken sisig. Pwede kang sumamba sa inidoro pagkatapos. Walang mangingialam pati kung paano ka kumanta.

Kahit parang kinakaskas na bulok na yerong sinubok ng dekada ang boses mo.

Kahit parang iniipit ang utong mo, o tinadyakan sa bayag.

Kahit para kang sumasamba sa diyus-diyusan.

Kahit nilulunok mo isa-isa ‘yung alpabetong Pilpino.

Kahit para kang nalulunod dahil panay ang singhap mo.

Kahit nadadagan ng mura at poot ‘yung lyrics ng kanta.

Wala kang dapat ipag-alala na baka magtampo si Whitney Houston sa’yo dahil hindi mo kinanta ang kanta niya. Kasi dito, walang manghuhusga sa’yo.

281677_1906958238444_5447745_n

‘Wag mo lang tignan ‘yung score.

Advertisements

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s