Random Shits 4

Wingardium leviosa!
Aba, magaling ka pala
Lumutang agad ang poong Maria.
Gamit lang ang tuyong dahong
Binilot sa palara.

——-

Alas-onse y media,
Traffic sa EDSA
At least maaayos pa
Ang sumabog na mascara
Bago humarap sa dambana

——-

Iniikot sa hintuturo
At ibinato ng ubod ng lakas
Tila siya mandirigma
Gayong yoyo lang ang laruan niya

Pagdating ng hapon
Isinuot ang sumbrero
Mistula siyang Mejicano
Habang hinahabol ang kupad ng toro

Inikot sa ere, sabay hagis
Tawa niyang humagikgik
Nang sumapol ang bilugang lubid
Sa sungay ng kaaway

Matapos matuyuan ng pawis
Iuugoy ka ng duyan
Mula sa pinaglumaang gulong
Isinabit sa punong magapok

Hindi ba’t kay kulay ng buhay?
Mga munting paang nasa putikan
At ang mabigat lang na problema
Ang pagkakapigtas ng tsinelas?

Ika’y tumanda, sa mundo’y napoot
Ang mga lubid, muling nilaro
Hindi ba’t mas makulay ang buhay
Sa loob ng lubid; sa leeg isinuot?

Random Shits 3

*hikbi*

– Buti napadalaw ka. Kung ayaw mong kumpare mo ang dumalaw sa’yo.

– Siya nga pala. Tataya ka ba? May bingguhan mam’ya.

—————

Sapat na sa kanya ang chicharong sinabawan ng suka. Isang subo ng kanin, tapos na.

Hindi siya construction worker, pero ganun siya kumain. Mag-aala una na. Kailangan niyang paspasan ang pagkain. Kesihadong amoy-chlorine ang kamay niya. Paki ba nila. May supot naman siyang gamit kahit wala siyang kutsara.

Kinsenas na ngayon. Sa wakas, makakabili na rin ako ng pritong manok. ‘Yung paborito ni bunso na may kasamang laruan.

‘Tay, bili mo ‘ko nun. Madami naman akong stars. Kita mo? sabay labas ng braso niyang binurdahan ng asul na mga talang may nakalagay na very good. Sa gabi-gabing panonood nila ng teleserye, sa pagitan ng mga patalastas, laging tinatakam ng mga batang mukhang Amerikano ang bunso. Kakagat ng manok, isasawsaw sa gravy, tapos kakagat ulit. Hindi mo na iisipin kung naghuhugas pa ba ‘yun ng kamay pagkagaling sa kung saan. Basta kakagatin nila ‘yung manok na ‘yun na galing sa isang bucket na akala mo, puno talaga. Maririnig ng bunso ang lagutok ng coating habang nagsisilahusan ang mantika.

Sasabayan ‘yun ng bunso. Habang ningangabngab ang ulo ng galunggong o kaya’y kangkong na nilublob sa bagoong.

Ala una na. Tawag na siya ng boss.

Mahinang katok ang kanyang pinakawalan sa makinis na pintuan, habang hawak sa isang kamay ang sprayer. Magalang siyang pumasok. Inabutan niya ang boss na nagkukukos ng mga card sa kanyang mesa gamit ang dollar coin na koleksyon niya sa ilalim ng maliit na estatuwa ni Buddah. Iniligpit niya ang mga pinagkainan nito. Natambad sa kanya ang pritong manok na sa tantya niya’y nakakatatlong kagat pa lang; kalahati lang ang naubos sa kanin at nagpapawis ang coke na nasa paper cup, pero halos puno pa ito. Hindi na siya magtataka kung nasa isang shooting ng tv commercial ang boss niya kanina: dahil mukhang pang-commercial ang pagkakakagat sa manok.

At iyon, ang manok na gusto ng kanyang bunso.

Matapos niyang itapon ang napagkainan, bumalik siya sa opisina ng kanyang boss. Abala na ito sa mga papeles. Hindi na ito nagkakaskas ng card. Bilang likas siyang usisero, sinilip niya ang card. Galing iyon sa fast food chain kung saan nag-order ang kanyang boss. Pa-raffle ata.

– Sa’yo na ‘yan.

– Ho?

Pero wala na siyang narinig na sagot. Agad niya itong dinampot at binasa. 2 piece fried chicken and sundae, 50% off! Plus free Superman toy! Spaghetti and cheese burger plus mashed potatoes only for…

Hindi na niya tinapos ang pagbasa. Basta pagkauwi niya, pupunta siya dun.

Ilang hakbang, pagkapasok pa lang sa pintuan na may nakaismid na guwardiya, naamoy na niya ang piniritong manok. Pumila agad siya.

Sir Good evening! May I take your order? Naglabas siya ng isandaang buo. Kasama ang card na binili ng kanyang boss.

– Ay sir, hindi po rito ‘yan. Next please!

– Teka lang ho Miss…

– Next na po Sir. Dun na ho kayo. Maraming nakapila.

Inilabas niya ang maliit na brown envelope. Dalawang libo. Pambayad ng kuryente, ng tubig, kay Ka Amor. Tsaka na lang, bunso.

Umalis siyang nabusog na lang sa amoy ng fried chicken. Nakaismid pa rin ang guwardiya. Sumadal siya sa nakaparadang kotse. Sinilip-silip ang mga card na bigay ng kanyang boss.

Napatingin na lang siya sa mga kotseng pumapasok sa gilid ng fast food chain na iyon. Sinilip niya ang mga kotseng pumapasok.

Sinilip niya ang kanyang mga card. For Drive-Thru Only.

Tsaka na’ng manok mo, bunso. Mangangarnap muna ‘ko.

Nangumpisal sa harap ng Gin bulag ang bente-dos anyos.

Mag-aa-alas dos na. Ang sabi ko, hindi ako aabutin dito ng ganitong oras. Ito na lang rin kasi ‘yung oras ko para magpahinga– ang magmuni-muni at magsulat. Makakapasok ako bukas ng maaga, manalig tayo.

Pero hindi siguro mahirap gumising ng maaga kung may gigising sa’yo; ‘yung taong gusto mong maging kahati ng unan mo hanggang pagtanda mo.

*nagkatinginan tayo. kunyari, nakatutok mata mo sa computer*

Alam kong alam mo kung saan ito patutungo. Ginusto ko ito, at alam kong gugustuhin mo rin. Kung mali ako sa pangalawa kong sinabi, mabuti pa’y sumuko ka na. Matulog ka na lang o patulugin mo na lang ang pobre mong computer o telepono.

 

 

 

 

 

 

At dahil nandito ka na sa puntong ito, alam kong gusto mo ring mabasa. Sige na, libre na manghusga.

Ano ba kasi ‘yun? Pag-ibig. Tang’nang ‘yan.

Pero teka, gusto kong uminom muna, pampalakas ng loob. ‘Wag nating kalimutang mag-alay ng isang shot sa demonyo raw. Para hindi tayo ma-choke dahil siguradong malulunok natin ang utak natin sa pag-uusapan natin.

Bente-tres anyos na ako sa mga susunod na buwan. Pero hindi ko pa naranasan maging committed. Kadalasan, bitin ang love story ko. Bitin ‘yung pantalon. Hindi na kasya, pinipilit ko pa. Hindi kasi ako nagtatapon basta-basta ng mga bagay na napamahal na sa’kin.

Minsan, iniisip ko, may mali ba? Ang pangit ko ba? Siguro. Pero may mga success story naman na kahit parang nilamukos ng mga nagdaang rebolusyon ang mukha, makikita mo, may ka-holding hands. Sa dami rin naman ng taong nakasalamuha ko, may ilan din namang nagpaloko sa bitag ko. Masyado na lang siguro akong naging mapili sa pantalon na susuotin.

Pangarap kong manligaw. Alam kong ginasgas na ng mga apo ni Melchora Aquino ang panunuyo, pero ano ba naman ‘yung magasgasan nang kaunti ang pride ko bilang makabagong tao sa ngalan ng kundiman? Gusto kong maramdaman na kailangan niya ako: taga-hugas ng plato, taga-paligo ng pusa niya. Gusto ko maramdaman na siya si Paraluman, at isa akong maginoo pero medyo bastos. Joke.

Gusto ko, parte ng panunuyo ko ‘yung ihahatid ko siya sa opisina, o susunduin hanggang sa lugar na hindi ako maiispot-an ng tanod na barkada ng tatay niya. Out ka na? Papunta na ako d’yan. Teka, nag-lunch ka ba? Ano’ng gusto mo? Dahil bukod sa mahal ang isang bugkos ng roses lalo kapag hindi Valentine’s day, nakokornihan ako.

Gusto ko ‘yung araw-araw, may inaabangan ako. Kahit nakaka-stress ang text at tawag sa’yo ng mga boss mo, maaalis ‘yan kapag nabasa ko ang pangalan niya sa inbox ko, o kahit message lang sa Facebook. Kumbaga sa libro, may foreword siya na ikukuwento para sa isang chapter ng buhay niya sa araw na darating.

Susubukan niya akong kilalanin: paborito kong pagkain, pinaka-ayaw kong artista, pinaka-badtrip kong araw. Susubaybayan niya ‘yung blog ko, babasahin niya bawat letrang itinipa ko at ituturing itong painting na gusto niyang iuwi sa bahay at isabit sa dingding ng kwarto niya. Tapos, magiging laman ako ng statuses niya at tweets. Pahapyaw lang. At kung sisipagin man siya, magiging laman ako ng blog posts niya.

Gusto ko, kapag sinilip ko siya sa mga mata niya, maiintindihan ko ‘yung mga gusto niya sabihin kahit hindi siya magsalita. Tapos,  ‘yung buong katawan ko, magiging maligalig sa presensya niya, sa kabila ng panlalamig dahil sa pinaghalong kaba at kilig. Ilalagay ko ‘yung kamay ko pahalang sa ilalim ng ilong ko, o ng mata ko kapag nakapila kami sa istasyon ng LRT o bus kasi ganun lang siya kataas. Syempre maaasar ‘yun. Aasarin ko ulit. Repeat again.

Bukod sa kaweirduhan ng katawan, magiging malaya rin ang kamay ko na gumalaw kapag kasama siya. Sa ulo, sa balikat, sa buhok. Tapos ‘pag wala akong magawa, titirintasin ko ‘yung buhok niya. Kapag nabuhol na, susuklayin ko, hahaplusin, aamuyin. Huhulaan ko kung anong kulay ng Creamsilk conditioner ang gamit niya. Tapos, masisilip ko siyang di-magkandatuto sa pag-aayos ng damit at retouch sa salamin ng CR. Kasi, alam niyang paparating na ako.

Isang best friend na kasama ko mula sa kalokohan hanggang sa tagumpay– mula sa pagwa-one-two-three ko sa jeep hanggang sa job promotion ko na mas masaya pa siya kaysa sa’kin. ‘Yung nakikita kong masaya siya na natutupad ang mga pangarap ko.

Isang partner na kapareho ko ng kulay ng pajama, kausap ko bago ako matulog. Kinukwentuhan ko ng mga nangyari sa’kin sa isang buong araw. ‘Yung kahit na sa pinakamadidilim na sulok ng buhay ko, mangangapa siya ng dalawang bato para ikiskis ‘yun, gumawa ng apoy para hindi ako malamigan, at makita ko ‘yung daan papalabas. Siya na lagi kong madadatnan sa kusina tuwing umaga, na ipaparamdam sa’kin na hindi ako dapat matakot na kahit magising ako ng tanghali, may nakahanda pa ring sinangag at tapa.

Pasensya na. Gabi na kasi. ‘Wag na rin tayong matulog. Tutal, wala namang gigising sa’tin bukas.

Motivated

Nakita mo ang crush mo.

Sinagot mo na ang nanliligaw sa’yo.

Monthsary niyo na bukas.

Uuwi siya from US, magkikita na kayo sa wakas.

May movie si John Lloyd at Bea.

Naihi ka sa kubeta.

Pero wala nang mas kikilig pa,

sa sinabi ng boss mong “Magaling ka pala,

Bakit hindi ko nahalata?”

Promise.

May mga panahon talagang gusto mo nang sumuko sa lahat ng pinaglaban mo. ‘Yung tipong, sinusuka na ng trabaho mo ang skills mo, hindi na siya naniniwala sa mga pambobola mo dati noong nag-aapply ka pa lang. At the same time, sinusuka mo na ang sistema.

Oo. 9 months na ako sa trabaho ko. Maraming humahanga sa’kin, kasi, buong masang Pilipino ang humahanga sa pinagtratrabahuhan kong show. Kilala ang network ko pagdating sa larangan ng pagbabalita at sa serbisyo-publiko. Pero mas maraming humahanga kapag nalalaman nila kung ano’ng pinag-gagawa ko rito. Kulang na lang, punasan ang paa ko ng panyo. Humahanga silang nakatagal ako ng siyam na buwan na para sa isang normal na taon, dobleng panahon ang kailangang gugulin.

Pero kapag kinapa ang bulsa ko, kapag nakita na ang usual kong attire sa trabaho na college shirt at ripped jeans (na hindi naman talaga ripped. Niluma na kasi ng panahon), ‘pag nakikita nila ang eyebag ko, gusto nila akong paalisin sa trabaho ko. Walang benepisyo, walang overtime. No work, no pay.

Sabi ko naman, ako ‘yung weakling. Iresponsable. Tamad. Laging late. Kaya ako tumagal dahil lang sa pride ko: hinahamon ako ng trabahong ito. Di sige.Kung magre-resign man ako, ayokong umalis na mag-iiwan ako ng sama ng loob sa mga boss ko dahil sa pangit at patapon kong output. Pride pa rin.

Mababaw ba? Siguro. Pero wala na kasi akong maipagmamalaki kundi sarili ko lang.

Pero kasi, kaya ayoko umalis, dahil ito ‘yung trabahong pinangarap ko.

Aba! May talent in writing ka pala ha! Nice one —!

Sa mga panahong umaayaw ka na, biglang may taong magsasabi sa’yong “laban pa”.

Sentido-kumon

Tulad ng mga una kong nabanggit sa posts ko, isa lamang akong average kid. Walang Latin honors, English honors o ordinal honors. Average kid: hindi matalino, hindi bobo. Sakto lang.

Minsan, iniisip ko, pinipilit ko lang maging matalino. Parang common sense, ika nga, ay hindi naman talaga common. Sa kasamaang-palad, hindi iyon naibigay sa’kin.

Daig ko pa raw ang adik sa chongke sa pagkalutang ko. Pwede mo na nga akong ipalit sa magic carpet kung gusto mong lumipad at mag-explore sa kalawakan. Minsan, kahit obvious na ang sagot ay tinatanong ko pa. Pinagpapasalamat ko na nga lang na hindi pa dumarating sa puntong pati mga rhetorical questions ng iba ay sinasagot ko pa (hal. uy, bakit ang gwapo mo?) Ay, hindi pala minsang malutang– madalas. Katulad na lang ng mga senaryong ito.

First year college..

Ako: Ano’ng size?

Classmate: 8.5 by 11

Ako: asan 8.5 dun? Lengthwise o crosswise?

Classmate: *pissed*

Eto pa. Habang naglilista kami sa board ng kung anong mang format ng assignment namin noon…

Classmate: Ano ‘yung italics?

Ako: ‘Yung pahalang.

Classmate: Alam ko. I mean, ‘yung words.

Sa mga nabanggit kong senaryo, pinagmukha ko pang tanga ang mga kausap ko. Totoong minsan, mas tanga ang sumasagot kaysa nagtatanong.

College. Eto ‘yung mga panahong nararamdaman kong napag-iwanan ako. Na hindi ako para sa kursong ito. Dahil kung ipinanganak ang mga kaklase ko noon na may hawak na panulat, ako, nagtatasa pa lang ng lapis.

Bakit?

Matagal ko nang tanong sa sarili: saan ko ba nailaglag ang utak ko? Bakit ang bagal ko mag-isip? Pundido na ba ang nerves ko? Tinangka ba akong ipalaglag ng nanay ko at na-raspa ang sentido-kumon ko? O baka jumejebs ang nanay ko nung pinagbubuntis ako at napalakas ang ire niya, sumama ang kalahati ng utak ko sa pag-flush ng inidoro?

May mga pagkakataon pang parang wala ako sa sarili. Parang ang dami kong iniisip pero kapag tinanong mo ako, wala akong ibang isasagot kundi isang tanong rin.

Hindi lang sa common conversation ako nagkakaganito– worst, sa trabaho. Hinihingi ng trabaho ko ang 24-hours fully-charged na utak. Aktibo, tipong laging nagkakape. Ganoon naman ‘pag sa media ka nagtratrabaho, dapat daig mo pa si Spiderman na bukas at aktibo ang five senses para magulat at mag-isip ka sa mga trouble at kagulat-gulat na pangyayari.

Pero ako, isang minuto nang pinagsasasaksak ang kapwa ko pasahero sa dyip, tsaka ko pa lang iniisip kung nasaang lugar na ako.

Bakit?

Lalo na na sa mundong ginagalawan ko, ang bawat millisecond ay ginto. Katulad ng nasabi ko na sa iba kong post, madalas kong baliwalain ang mga pang-iinsulto. Pero sa totoo lang, medyo may kirot sa dibdib nang sabihan ako ng boss ko na gumamit ng ako ng sentido-kumon at isa akong weakling.

At naramdaman ko ‘yang kirot na ‘yan ilang buwan na ang nakakalipas matapos ko ‘yang marinig. Ang bagal, hindi ba?

Bakit?

Genetics ba ito? Napapansin kasi ng mga kamag-anak ko na ‘yung kapatid kong lalakki, lutang. Pinapalagay ‘yung kangkong sa ilalim ng ref, inilagay nang literal sa ilalim ng ref. ‘Yung lola ko naman, nung minsang nagkaroon ng bingguhan sa bahay namin, nabwibwisit sa nanay ko kasi ang bagal daw magkwenta ng taya.

Bakit?

O baka naman sa kinakain o iniinom. Bukod sa pagngabngab ng yelo sa freezer (‘yung kakaskasin mo nang padakot ‘yung mga yelo sa gilid ng freezer), paborito ko nung bata ang vetsin. At ang alam ko rin, nakainom ako noon ng Milo na may inihalong toasted butiki para sa asthma ko. Kaya ‘wag ka nang magtaka kung bigla na lang akong sisirko sa kisame ng bahay ninyo.

Hindi ko naitanong kung ilang butiki ang hinalo sa Milo ko. Hindi man ako pasinghap-singhap ng hangin ngayon, baka nasobrahan naman. Kaya umabot sa bumbunan ko.

Bakit?

Madalas kong mabasa sa mga meme at “I Fucking Love Science” na milyun-milyon ang layo natin sa mga aliens sa outer space, kaya milyun-milyong taon din ang agwat ng panahon nila sa atin. Ganun din ba ang isip ko? Naka-set sa ibang planeta, o kung ano mang astronomical body na pwedeng gawing habitat, na minuto ang layo sa Earth?

So nasa Mars ang utak ko? I therefore conclude: isa akong alien na nagkatawang-tao.

Pero ang alien daw ay matatalino.

Bakit?

Nakaka-frustrate. Tsaka ko lang maiisip ang tamang hakbang, desisyon at choices kapag nakalipas na ang mga pangyayaring, ang troubleshoot. Sa mga short-term naman, natatalo pa ako ng kapatid ko sa dama na larong pantambay. Binalak ko matutong magchess.

Bakit?

Nakakaramdam ako ng inggit sa smart, madiskarte at wais na tao. Hindi naman ako bobo, hindi rin matalino. Kumbaga, naiinggit ako sa mga taong nagbabalat ng patatas at gumamit ng Knorr cubes pork sa nilagang na baboy na kinulang ng karne; habang ako, nag-iisip pa rin kung saan makakabili ng dagdag-karne.

Siguro’y naipaliwanag ko na ng maayos.

Bakit?

Ayon sa asosasyon ng mga genius, 160 ang IQ ng maituturing na taong “genius”. Matalino ka kung na-accelerate ka. Matalino ka kung kadikit mo na halos ‘yung 160 pts. Habang ako, tinatamad magsagot ng IQ test. Miski sa mga entrance exam: ‘yung may mga abstract shapes pa kuno, sequence, general knowledge at crtical thinking.

Bakit?

Naalala ko sa Science Quiz Bee nung high school, tsumamba ako ng three points sa isang tanong. Ang sabi kasi, kapag manghuhula, letter C. Nang dahil sa letrang ‘yung, nakasabit pa ako sa Top 5 na lalaban sa Division Level. Biology ang subject na ‘yung. At dahil “magaling ako tsumamba” sa Biology class, na-inspire akong mag-doktor. Pero dahil kulang sa feeding program ang kaban ng pamilya namin, ibinaon ko na lang sa Quiz Bee ‘yung pangarap ko.

Ha! Kung itinuloy ko pala ang maitim kong plano, nakasalalay pa pala ang buhay ng pasyente ko sa “tsamba”. Malay mo, makasabit ng 5 seconds lifeline.

Bakit?

Kung ano mang mayroong natira sa utak ko, siguro, ‘yung hilig nitong gumala. Dahil sa kagustuhang tumaba. Madalas man akong malutang, may mga napupuntahan akong lugar virtually, nakakaranas ng deyjabu at nagpi-feeling propeta sa mga bagay na gusto kong mangyari. Nakikita ang mga bagay na hindi nakikita ng iba.

Wala nga siguro akong common sense. Baka may weird sense.

The Olfactory Nerve

Ito ‘yung responsable sa pang-amoy natin. Ano nga bang mensahe ng bawat amoy? Bukod sa amoy ng tsismis na siguradong may mensahe, bawat amoy ay may konteksto. Na pwedeng pagsimulan ng rebolusyon?

Naalala ko nung 4th year high school, minsan naitanong ng guro namin sa Filipino ang tungkol sa ipinapasang ordinansa kaugnay sa may mga driver na may kamehamewave. Hindi ko matandaan kung ibinalita na ba talaga ‘yun, patay ang nerves ko pagdating sa current events, o nasobrahan lang sa kakasinghot ng chalk ang teacher ko. Kung ano man sa dalawa, ang mas mahalagang bagay ay may pinag-usapan kami na may katuturan.

Nagtawanan kami. Kung anu-anong klaseng mapang-alipustang nakakalokong salita ang lumabas sa bibig namin na akala mo, three times  day kami kung mag-toothbrush. Sabi nga ng isang classmate ko, habanag paisa-isang humuhugot ng tawa, stress ka na nga, ganun pa ang maaamoy mo.

Na sinegundahan naming lahat. Busy ka nga namang tao, at ayaw mo ng may tambay, sa ilong mo.

Pero may isang classmate ako, na kaibigan ko rin at isang debater, ang may ibang pananaw. Nakaka-degrade ng pagkatao ang pagpapasa ng ganoong ordinansa.

Narinig ko ‘yun, pero noong mga panahon iyon, exactly 6-7 years ago, ang tanging iniisip ko e, kapakanan ng nostrils ko.

Halos hindi yata lumilipas ang isang buwan matapos noon nang tumanda ako (hindi ko alam kung kailan), na hindi ko naiisip ang sinabi ng friend ko.

Nakaka-degrade ng pagkatao.

Doon ko nahanap ang totoong sagot. Oo nga naman.

Hindi sa gaya-gaya ako, o madaling maimpluwensyahan, o nagpapasikat para maging iba. Pero totoo nga, tama siya.

Oo, naiintindihan kong sadyang may mga makapigil-hiningang amoy tayo na ayaw nating malanghap habang nasa biyahe pauwi. Ito ‘yung mga panahong gusto mong maglabas ng pintura: either ilamas mo sa buong jeep para mahigop ang amoy ng katabi mo o sisinghutin mo. Tipong imbis na maglalabas ka ng extra rice, isusuka mo pa ‘yung kinain mo.

Ilang beses na ako nagkaroon ng mga kasabay sa jeep na may langhap-sarap na amoy. Pinipigilan kong huwag huminga from time to time. Isang malalim na hugot para maraming pumasok na oxygen + carbon dioxide + greenhouse gasses, tapos, para akong kamelyo na iipunin ko ‘yun sa baga ko. Habang ang mga katabi ko, panay ang paypay at hindi matanggal ang panyo sa ilong, ako, pakamot-kamot lang. Binubugbog man ang ilong ko, ayokong ipakitang nandidiri ako.

Bakit? Nakikita mo ba kung sinong mga tao ang may ganitong amoy? Nangangalakal, tindera, driver, street sweeper. Kaulayaw ang nature turning into nakasusulasok na urbanidad.

Isipin na lang natin: kung sa bangko ba nagtratrabaho ‘yun, na kulang na lang ay ipaghele ng aircon at swiveling chair, mangangamoy kamehamewave na pumatay kay Freeza ang mga drayber? Kung ang minamaneho nila, eroplano o barko, magiging ganun kaya sila kadungis? Kung nagtratrabaho ba siya sa restaurant, mawawalan ka ba ng gana ngumuya? Naalala ko ‘yung lakas-loob na pagpapa-feature ng isang babaeng Metro Aide sa isang programa na ang paksa eh, kamehamewave. Note: Metro Aide siya! Nasa tabi nang kalsada’t nauusukan!

Malamang ay iniisip mo ngayon na pwede namang mag-deodorant, maligo araw-araw. Pero nasa lifestyle ng tao. Ang oras niya sa pagligo ay ipamamasada na lang niya. O ibibili niya ng deodorant eh, ipangmimeryenda na lang o pandagdag sa pambili ng tocino ng Bunso niya sa kanyang titser. Hindi sa lahat ng pagkakataon, maggagawa mong pigilan ang paggalaw ng peristalsis mo sa pwet sa pampublikong lugar.

Kung napatupad kaya iyon, paano ba? Katulad din ba ito ng paghuli sa mga nagyoyosi sa Farmers at harap ng Robinson Ortigas?

Malamang MMDA officer na ipinaglihi kay Ilong Ranger, o sa K9. Magsisimula sila sa trabaho ng alas-nuwebe ng umaga hanggang alas-singko ng hapon. Siguro sa mga checkpoint o paradahan, sakayan/babaan ng jeep sila magsisitambay para mahanap ang “The One”. Kung walang ilong ang magsasakripisyo sa ganitong uri ng trabaho, malamang may mga device sila na panukat ng amoy, na mukhang thermometer na isasalaksak sa mga pawisang kilikili. O kaya ‘yung papel sa Rexona para malaman kung gaano ka ka-pawisin. Kung papalarin ka, kukunin ang pangalan mo, address at iche-check ang lisensya. Ipahuhubad sa’yo ang t-shirt o kukumpiskahin ang towel mo upang maging ebidensya. Nakahanda ang kanilang resealable pack na animo’y gumawa ka ng krimen.

Magbabayad ka ba ng limandaan o aattend ka ng community service at magseseminar? Aba, isang araw gugugulin ‘yun. Maglilinis ka ng kalsada at mag-i-spray ng deodorizer sa mga public dugyot-pink cubicles ng MMDA na ‘pag pumasok ka, kakapit sa t-shirt mo ‘yung amoy-ihi ng mga lasing at lalaking salawahan sa pag-ibig. Isang araw. Isang araw na kita rin ang mawawala sa’yo. Pero may pakunswelo de bobo naman kahit papaano. Sa seminar, bukod sa ituturo sa’yo kung paano ang tamang paghilod at kung gaano karaming beses ka dapat magpabula ng sabon sa singit mo, present d’yan ang mga magpapa-give away ng mga produktong “for men” na mga burgis na lalaki lang ang makaka-afford. Oo, bibilhin na pati ng multi-nasyonal companies ang kagaguhan ng pag-iisip ng mga nakatataas pagdating sa pagpapatupad ng ganitong mga batas. Isang araw na kita ang mawawala. Kaya magbabayad ka na lang ng 500 pesos dahil lamang sa hindi mo pagiging aktibo sa banyo.

At dahil nga d’yan, maraming aangal– mga grupong nangangalaga sa mga driver, misis ng driver, titser ni Bunso at kabit ni driver. Nakakatawang isipin na hindi na pagtaas ng pamasahe ang ipaglalaban nila, kundi karapatan nilang maitaas ang kili-kili ng matiwasay. Syempre, sasabihin ng mga nakaupo, “hindi kami nagkulang ng paalala”. Siya nga naman, malinaw namang nakasulat: bawal magka-putok, may namatay na.

Let’s face it: parte ito ng araw-araw nating buhay-kalsada. Tandaan natin na hindi natin ito pag-aari. Kaya nga ang tawag sa kanya eh, PUBLIC Utility Vehicle. Hindi ko sinasabing kapag masa ka, dapat madumi ka; kapag blue-collar job ka, kasama na run ang katotohanang mabaho ka. Pero ang mga noun na nabanggit ko ay mga natural na taong nasa natural na paligid at natural na nangyayari sa kanila ‘yun. Masyado nang mainstream ang pagsigaw ng “ang baho!” sa walang-malay na tae.

Nakakahiya, na ngayon ko lang siya naisip. After ng ilang taong nakalipas.

Pero kung ayaw mo talaga ng mabahong amoy, magtaxi ka araw-araw! O kaya, isa lang ang ibig sabihin niyan: kailangan mo nang mag-invest nang sarili mong kotse!

Gusto mo ba magkaroon ng kotse na hindi ka nagpapakahirap, nagpapakaalila sa trabaho? Na makukuha mo sa loob ng isang taon kahit nakaupo ka lang, tapos kumikita ka pa? Mahigit 100,000 pesos sa isang buwan? Madali lang ‘yan!

Kita tayo sa Starbucks.

Kwentong Cubao

Simula’t sapul nang magkolehiyo ako, parte na ang lugar na ‘to ng buhay ko. Halos lahat ng meet-ups, meeting, biglaang shopping, pati pagkatuto kong magyosi, dito lahat nangyari.

Nung bata ako, ang pinakamalinaw lang na memorya na meron ako ay ang SM Cubao, ang Fiesta Carnival at ang palabas ng COD tuwing magpapasko.

Pero nung tumanda ako, unti-unti nang nagpalit ng imahe ang Cubao. Mula sa blouse na may shoulder padding at slacks, naging pekpek shorts at sando na ito.

Oo, dahil mukha akong lalake, madalas akong puntiryahin ng mga bugaw sa overpass. Minsan mangangalabit, kakapit sa kamay. “Kuya, babae? 300 lang. Silipin mo o.”

Hanggang sa mapagtanto nilang mas malapad pa ang balakang ko sa mga babaeng inaalok nila.

Bukod sa pagiging piping saksi, pakiramdam ko, tuwing dadaan ako ng Cubao e, may higanteng portal na kung saan, napupunta ‘yung p*** ko sa mukha ko (pramis, hindi ko alam kung paano siya i-eexplain sa intelehentang paraan!). Kumbaga, dumadaan ako sa Cubao na nata-tag ako sa kung paano ko magbihis at gumalaw na iba sa kung ano ang nasa pagitan ng hita ko. Ganun din ba? Nakadikit ang sex organ sa mukha?

Bukod sa manaka-nakang pangma-magnet ko sa mga makabagong puta ng lugar na ito, may isang insedenteng talagang sumubok ng imaginary balls ko.

Nakaupo kami ng bespren ko sa gutter. Hilig namin ‘yun kapag nagkwekwentuhan kami: animo’y ang mga tanong ng buhay at wisdom na hindi pa nadidiskubre ay mapupulot namin sa maalikabok na simentong iyon. Sa KFC-Cubao na bente-kwatro oras kung dumilat.

Ikwekwento ko sana sa bespren ko ang “Alamat ng Bangkang Bakla” mula sa tinuping wrapper ng donut nang biglang may itim na kotseng dumaan sa likod namin. Tawa nang tawa ang mga lalaki sa loob ng kotseng iyon.

Katulad ng madalas naming gawin, hindi namin pinansin.

May lalaking bumaba; medyo malaki ang katawan. Hindi ko matandaan kung anong kulay ng damit niya. Basta, parang patay na berde o gray. Moreno. Tingin ko nga, mukha siyang Arabo.

Nakatayo siyang pumuwesto sa tabi ko, nakatalikod. Tawa pa rin nang tawa ang mga lalaki sa loob ng kotseng iyon.

Medyo naamoy ko na kung anong balak gawin ni Kuya. Pero katulad ng mga hayop na gustong protektahan ang kanilang teritoryo (pero wala pa naman akong balak bilhin ang Cubao sa ngayon), hindi ako tuminag. Feeling ko rin, naamoy rin ng kaibigan ko ang gagawin ng lalaking iyon.

Painis na niyaya ako ng kaibigan ko na tumayo na lamang. At sa pagkakataong iyon, doon ko narinig ang pagsirit ng ihi niya.

Putang ina.

Tawa pa rin ng tawa ang mga lalaki sa loob ng kotseng iyon.

Na mas lumalakas pa. Pero gusto ko magmatigas. Gusto kong isampal sa pagmumukha nila na wala akong pakialam sa mga trip nila sa buhay. Kaya imbis na sumunod ako sa paglakad ng bespren ko, huminto ako; tumayo at kunwa’y may tinatype sa cellphone. Tipong walang nangyari.

I used to ignore this shit. Naniniwala kasi ako na pinakamabisang rebuttal sa pambubully ng iba ay iyong hindi mo pagpalag. Alam ko. Elementary ad high school, ako ang laughingstock, sentro ng mga malilikot nilang imahinasyon at taga-alis ng kanilang munting stress. Kaya minsan, iniisip ko, kaya naging tomboy ako. Oo na, hindi na ako maganda. Gwapo na lang.

Pero pinag-iisipan ko sa mga oras na iyon, kung anong gagawin ko. Papalag ba ako? Sa’ng parte ng mukha niya, o ng bayag niya ang pupuruhan ko? Kaso, baka may baril. Ayokong kumalat ang utak ko sa gutter na inupuan ko.

Kaso, binasag ng asar kong bespren ang pagmumuni-muni ko. Sumunod na lang ako. Naglakad kami palayo. Tawa pa rin ng tawa ang mga lalaki sa loob ng kotseng iyon.

Siguro, kaya hindi ako pumalag ay dahil pinilit kong pakalmahin ang sarili ko. Pinilit kong huwag i-absorb ng utak ko ‘yung nangyari. Sinabi ng bespren ko, habang nakatayo ako, lumalapit ‘yung putang-inang lalaki sa’kin.

Habang dumadami na ang aming hakbang at papalapit sa sentro ng night life sa Cubao, doon unti-unting nadalumat ng utak ko ‘yung nangyari.

Anong trip nila? Bakit nila ‘yun ginagawa? Iniinsulto ba nila ako?

Doon ako biglang umusok at nagkalamat.

Nagsisisi ako na hindi man lang ako nakaisa ng sapak. Hindi naman ako natatakot sa kanila, pero mas nakakatakot atang isipin na nawalan ako ng pakialam. Nagsisisi akong hindi ko man lang sinubukang magsalita. Nakakainis na hindi ko man lang sinubukang duraan ang mukha niya, o kotse ng barkada niya. Ni hindi ko man lang sila tinapunan ng makamadag kong tingin, o miski shape ng anino nila. Ni hindi ko man lang kinabisado plate number nila. Ni hindi ko man lang sinubukang tignan ang “kargada” niya nang maikumpara ko sa mukha niya. Ni hindi ko nga alam kung itim ba talaga ‘yung kotse nila, habang tawa nang tawa ang mga lalaki sa loob.

Naiinis akong isipin na hindi ko man lang naipagtanggol ‘yung kasama kong babae. Hindi ko naipagtanggol ang sarili ko.

Sa inis ko, sinubukan kong magtawag ng mga kaibigan ko sa trabaho. Pero sadyang malalim ang gabi.

Kinapa ko ‘yung imaginary balls ko. Bakit ka umatras? Kinulang ka ba sa kamot o hugas?

Habang nakaupo kami ng bespren ko, nakakita ako ng lalaking umiihi. Mabuti na lang may poste ng ilaw sa tapat namin, kundi, nagdilim ang paningin ko.

(Naalala ko pala, ilang linggo ang nakalipas matapos niyon, madaling-araw, naglalaro ako ng Candy Crush sa tabing-kalsada nang sabihin ng isang patpating manong ang lumapit sa’kin at nagsabi: excuse lang ‘te. Iihi ako. Mabuti pa ang loko kaysa sa gago.)

Pero traumatic pa rin sa’kin ‘yun. Ayokong makakita ng lalaking umiihi. Ayokong dumaan sa lugar na iyon kung saan siya nangyari.

Pero teka. Bakit ako matatakot? Ilang ulit ko na kayang inangkin at ginawang teritoryo ang Cubao? Bakit ako matatakot ulit na magtagpo ang aming mga landas?

Bespren: Hayaan mo na. Mamamatay rin ‘yun.

Ako: Eh. Gusto ko makita.

… habang tawa nang tawa ang mga lalaki sa loob ng kotseng iyon.

Tsambang post

May nabasa ako dati: ‘wag mong maliitin ang kakayahan mong tsumamba.

Siya nga naman. Maaaring ikatalo n’yo sa basketball ‘yung panahong hindi mo sinubukang tsumamba. Pwede ka ring mahiga sa salapi dahil lang sa numerong napagtripan mo lang na isama sa kumbinasyon nang tumaya ka sa Lotto.

Iniisip ko tuloy, paano nga ba nabuo ang salitang “tyamba”? Ayon sa pakikipagtalastasan ko sa mahiwagang banig sa Bayani na nagta- time travel sa Noli Me Tangere, galing ito sa salitang “niamva” na isang ekspresyong Swahili noong panahon ng indulgencia. Nasasambit ito ng ilang Aprikanong nakipagkalakalan sa mga Espanyol tuwing tumatama ang kulay na tinayaan nila sa mga blokeng pinapagulong sa perya at nagkakamkam ng isang buslo ng luya at kamote. Akala siguro ng mga Kastila ay maipapanalo nila ang casino noon sa pagsigaw nito. Akala siguro ng ibang Pinoy ay “niamva” lang ang pagkapanalo nila sa Kastila sa ilang rebolusyon. Kaya nanatili silang gumagamit ng gulok imbis na gumawa ng sariling baril.

Pero manipestasyon ba ito ng katamaran natin?  Oo. Kung dito tayo umaasa. Parang nagdadasal pero hindi kumikilos. Parang mga shit na kabataan ngayon na hindi pa man tinutubuan ng pubic hair, nananalig na sa destiny para sa kanilang one true love.

Pero kung titimbangin mo, mas nagpapakita ito ng pangmamaliit sa kakayahan ng isang tao.

“Tsamba lang ‘yan pre!”

“Ay, wala naman akong ginawa. Na-tsambahan ko lang.”

Minsan tuloy, mapapakamot ka na lang ng ulo. Hindi mo alam kung gaano na katindi ang aerosephalus (hangin sa ulo) o kung gaano kababa ang tingin sa sarili ng  taong panay ang bukambibig ng tsamba. Hindi ka ba marunong mag-isip, kumilos at magsalita para sabihing tsamba lang ang lahat? Pati pa pagbuo sa’yo ng mga magulang mo, tsamba pa rin?

“Uy, nasipa ni Etong bayag ko habang naglalaro kami ng Shaider-shaideran. Di na raw ako makakabuntis. Testingin nga natin.”

Parang ninuno ng mga tuod na buong akala niya ay kumikilos siya, umaandar. Pero umiikot pala ang universe sa kanya. At lahat ng delubyo at pagwawagi ay nangyayari lang sa tapat niya. Kahit mamulaklak na ng gumamela ang singit niya, tsamba pa rin. Kung maganda ang tubo, papupurihan niya ang universe. Kung malanta, sisisihin niya ang universe.

Destiny? Fate? Patay na ang mga taong nagpauso niyan. Kay Cinderella at Snow White na lang uso ‘yan.

‘Wag mong maliitin ang kakayahan mo. Dahil ngongo ‘yung Aprikano, at bulol ‘yung Espanyol.

Itanong Sa Kangkong

-Re?

 

Pero nakatingin pa rin siya sa salamin. Pilit pinagpapantay ang linya ng hati ng kanyang buhok sa gitna. Makailang-ulit na rin niyang pinahiran ng pomada ang kanyang buhok.

 

-Re!

-Po?

-Ihatid mo nga itong gulay sa Inang mo. Mag-aala-una na. Madali ka’t matao na run.

-Opo.

 

Inilagay na niya ang suklay sa tukador ng kanyang Inang at sa huling pagkakataon, sinipat niya ang buhok. Sabay tingin sa larawan ng limang lalaking Briton na ginupit niya sa tabloid.

 

-Bagay kaya sa’kin ‘tong kulay na ‘to?

-Re! Ano ba?

-D’yan na po, ‘Tang.

 

Itinaas niya ang kanyang parehong manggas, binuhat ang isang basket ng labanos at talong at ipinatong sa kanyang kanang balikat.

 

– Umuwi ka agad ha? Baka makipag-haragan ka na naman. Karami nang k’wan sa tuhod mo.

 

Ipinagpatuloy na lamang niya ang paglalakad na nasa ganoong postura. Ang basket na kanyang binubuhat niya ay halos kalahati ng haba ng kanyang biyas na nagkakalaman na. Nakadaragdag pa sa bigat nito ang paakyat-baba na kalsada ng kanilang nayon. Ngunit mas nakakahapo ang paghigop ng init ng araw sa kanyang gatiting na lakas kaysa sa distansya ng pupuntahang pamilihang bayan.

 

Nang makarating sa bayan, agad siyang dumiretso sa bilihan ng mga libro. Katulad ng nakagawian niya matapos ang klase, binubuklat niya ang mga pahina ng magasin na nakahilera sa labas ng tindahan. Pagkalapag ng basket, dinampot niya agad ang isang magasin na may larawan ng lalaking may mala-batong braso at kalamnan sa unang pahina. Tinignan niya ang postura nito, ang kanyang hubog.

 

Sabay tinaas ulit ng bumabang kanang manggas at pinindot-pindot ang kanyang bisig. Napangiti siya. Tiniklop niya ang kanang bisig paitaas. Pakiramdam niya, mas tumigas ito kaysa sa dati.

Mabigat nga ang kanyang dala. Pero hindi bale na.

 

-Huy! Ikaw d’yan! Alis!

 

Dali-dali niyang inilapag ang hawak na magasin sa iba pang nakasalansan at agad na binuhat ang dalang basket. Sa labis na pagka-aligaga, tumuwad nang bahagya ang basket at nalaglag ang isang piraso ng labanos. Sabay kumaripas siya ng takbo.

Hingal-kabayo siyang nakarating sa pamilihang bayan. Pero bago pa man siya makarating sa palengke, napansin agad niya ang ingay sa likuran ng pampublikong pagamutan. Nakita niyang may malalaking tolda sa likod, at may tabing na puting tela na nagsisilbing kurtina ng tolda.

Ngunit hindi na niya pinagkaabalahang basahin pa ang tarpaulin sa harap ng bintana ng pagamutan dahil sa haba ng nakasulat dito.

Habang papalapit siya nang papalapit sa tolda, unti-unti siyang nakarinig ng mga iyak.

Palibhasa’y nasa apat na talampakan lamang, at sa dami ng tao roon, pinili na lamang niyang sumilip sa ilalim ng nakatabing na puting tela. Wala siyang ibang makita kundi doktor, ang kaklase na si Botong na sa unang pagkakataon ay nakita niyang takot na takot, at isang ubaning lalaki na sa palagay niya’y tatay nito, na naiinis na at tila gusto nang dagukan ang anak.

 

– Oy, ano’ng ginagawa mo d’yan? Tsaka, bakit ganyan na ang gupit mo?

 

Hindi siya pwedeng magkamali. Kilala niya ang boses na iyon. ‘Yun ang una niyang narinig nang samahan siya ng kaklase sa klinika ng kanilang paaralan nang minsang pumapasok siya na walang kinakain na miski ano. Naulit ng ilang beses ang pagpunta niya sa klinika; sa mga sumunod niyang pagbisita ay nagkukunwari na lamang siyang sinisikmura.

 

– Ay, kwan po, hello Ma’am. Ah, kwan po, mainit ho kasi.

 

 Natawa ang nars sa kanyang harap. Napangiti siya nang makita ang maganda nitong ngipin at  nang ngumiti rin ang mga mata nito. Sinilip niya rin sa kanang bahagi ng pisngi nito upang makita ang maliit na guhit na lumalabas sa gilid ng bibig nito sa tuwing ito’y tumatawa.

 

– Ikaw talaga. Pero bagay sa’yo.

 

Sa narinig ay tila kumislot ang kanyang dibdib.

 

– Sa’n ka na papunta?

– Sa.. sa.. pal.. palengke po. Dalhin ko po kay ‘Nang.

 

Bukod sa pagkautal ay naramdaman niya ang panlalamig ng kanyang palad. Namamawis rin ang kanyang batok, ngunt hindi dahil sa init ng panahon.

 

– O s’ya. sige. Pumunta ka na roon at baka ka makagalitan pa. Ingat ka sa pagtawid ha?

 

Ang kaninang mabigat na buslo ay tila lalo pang bumigat, kaya inilipat niya ito sa kaliwang balikat. Ang naipon niyang lakas ay gusto niyang sagarin. Baka sakaling hindi lang buhok niya ang mapansin.

Lumakad na siya paalis. Mabigat nga ang kanyang dala. Pero hindi bale na.

 

Huminto siya sa paglalakad para lingunin ang kaninang kausap ngunit nakatalikod na ito habang kausap ng isang doktor.  Ibinaba niya ang basket, may ilang segundo siyang nakatingin sa nakapusod nitong buhok at sa hubog ng katawan, nang bigla itong umaktong lilingon. Bigla niyang ipinihit ang katawan paharap at parang tuod lamang na nakatayo, pagkunwa’y nakatingin sa malayo, hanggang sa makita niya sa gilid ng kanyang mata ang dala-dalang basket.

Pakiramdam niya, sa mga oras na iyon ay hindi siya naglalakad. Lumulutang ata ang kanyang paa. Pasimple siyang sumilip sa malaking salamin na binebenta sa gilid ng kalsada. Tinignan niya ang kanyang pisngi kung namumula.

Namumula nga. Iniisip niya na sana’y hindi napansin ng kausap niya kanina.

 

Tinungo niya ang palengke hanggang sa makarating sa pwesto ng kanyang ina sa gulayan. Iniabot sa kanya ang dalawang bungkos ng kangkong. Ibinaba na niya ang dalang basket. Namimintig ang pareho niyang braso. Hindi bale na.

– Iuwi mo ito sa Tatang mo ha?

Hinawakan niya sa tig-isang kamay ang mga kangkong. Nagdidilim ang langit. Sana’y huwag umulan.

Pasipul-sipol lamang siya sa paglalakad. Tila wala pa rin sa sarili. Walang ibang nasa isip kundi ang ilang minutong pakikipag-usap sa nars ng kanilang eskuwelahan.

Muli siyang napadaan sa pagamutang bayan. Nakita niyang muli si Botong na tila naiiyak, nakahawak sa braso ng kanyang ama habang nakasuot ng malaking salawal na abot-tuhod ang pundya.

Imbis na maawa, ay mahina siyang tumawa sa kaklase habang naglalakad pauwi. Kilala kasing makulit at matapang si Botong. Tatlong taon ang tanda nito sa kanilang magkakakaklase. Mas malaki nga sa kanya si Botong, ngunit naniniwala na siya ngayon na mas tigasin siya kaysa rito. Di pa man niya nakikita o nararanasan ang iniiyak ngayon ng kaeskuwela, naniniwala siya sa sinabi ng albularyong si Mang Poncio at ng kanyang tiyuhin na kagat lamang daw ito ng langgam. Hantik na langgam. Ang hagupit ng patpat ng kanyang Tatang ang alam niyang pinakamasakit sa lahat.  Ilang beses na siyang nakagat ng hantik sa tuwing umaakyat sa puno ng saging at para sa kanya, isang-daang kagat ng hantik ang katumbas ng patpat ng kanyang Tatang.

Sa pagkakataong iyon, naramdaman niya ang tapang na nagtatago sa kanyang kaibuturan. Mukha man siyang kulang sa bitamina, alam niyang kaya niyang sabayan ang mas malalaki sa kanyang edad. Hindi rin maglalaon, tataas siya, lalaki rin ang kanyang biyas at ang lalamunan niya ay magmumukha ring lumunok ng buto ng santol.

Nakarating siya sa simbahan na tila lumilipad pa rin ang isip. Wala siyang ibang nakikita kundi ang ilang binatang nakakasalubong niya sa daan. Ang ilan ay nakaporma, de-kuwelyo, maong na pantalon at magarang sapatos. May isa pa siyang nakasalubong na naliligo sa pabango at may bitbit na isang bungkos na rosas. Ang iba naman ay kauuwi lamang galing sa trabaho, nangingintab pa rin sa pagkaitim ang sapatos na pamasok, Nangingitab rin ang kanilang mga buhok dahil sa  pomada. Napahimas siya sa kanyang buhok nang mapansin niyang magkakapareho sila ng gupit.

Walong taong gulang lamang siya, ngunit pakiramdam niya ay alam na niya ang ikot ng mundo. Nagmamadali siya sa pagkahinog ng mga manggang nakanguyngoy sa puno. Nasasaksihan niya ang pakikipaglaban ng mga ito sa panahon, sa tag-init, tag-tuyot, tag-ulan at sa unang ulan ng Mayo. Ilang pisngi ng mga manggang bubot na iyon ang nag-aagaaw-dilaw at berde ang balat. Naghahalong asim at tamis. Iyon, para sa kanya, ang pinakamasarap na mangga.

 

Sa kanyang kakatingin sa umpukan ng mga binata, nabunggo niya ang isang matanda. Hindi niya maaninag ang mga mata nito dahil bukod sa lumamlam na ang tingkad ng araw, nakasuot ito ng puting belo. Humingi siya ng patawad ngunit tila hindi siya napansin nito. Hindi niya tuloy makita kung nagalit ito sa kanya o naiinis. Wala siyang ibang nakita kundi ang pagbukas-sara ng bibig nito sa pag-usal nito ng panlangin.

 

Dahil lubusan siyang nabahala sa pagkakabunggo sa matanda, naulit ang kanyang pagkakabunggo sa isa pang matandang babae. Sa isang matanadang lalaki. Sa isang nanay. Sa isang guro sa kanilang paaralan na may nakapulupot na rosaryo sa kanang palad nito. Isa-isa niyang tiningala niya ang mga ito, tila may sinasabi ang kanilang mata. Tinitgnan siya mula ulo hanggang paa; tila pinagbabawalan siyang kumilos, humakbang at huminga. Pakiramdam niya, kinukulong siya ng mga ito sa kanilang mata. Sinubukan niyang tumingin nang malayo, ngunit ganun din ang kanyang nadarama sa tuwing titingin siya sa mata ng tindera ng sampagita, ng magbubuko, ng may bitbit ng bayong, ng mamang sorbetero. Wala rin siyang marinig kundi ang pag-ugoy ng dambana ng kanilang simbahan.

Tinignan niya ang mata ng Santo Nino sa kanunog na tindahan ng mga nililok na santo. Bagaman hindi ito gumagalaw, tila ito nangungusap sa kanya.

Ibinalik niya ang tingin sa mga tao sa kanyang paligid. Huminto na rin ang paghampas sa dambana. Tila walang nangyari. Hindi siya natakot, ni hindi dinaga sa dibdib. Hindi niya maunawaan ang nangyari. O kung talaga bang ito ay nangyari.

Binabaybay na niya ang talahiban pauwi sa kanilang bahay. Ang samyo ng sariwang damo ay mabango para sa kanya, dangan lamang ay nakakaamoy siya ng nagsisiga ng kahoy kaya iwinasiwas niya ang dalawang kangkong sa magkabilang kamay upang maalis ang mabahong amoy.

 

– Tignan mo si Rere o!

 

Agad siyang napalingon sa pinagmulan ng tinig at hagalpakang tawa. Hanggang sa unti-unting lumitaw ang dalawang batang lalaki mula sa talahaban. Naging kaklase niya ang mga ito dati, mas mataas sa kanya ng isang dangkal. Ang isa’y bilugan ngunit hindi katabaan, habang ang isa’y patpatin ring kagaya niya.

 

– Mukhang arinola ng lola ko ‘yang buhok mo eh!

 Sinundan iyon ng dumadagundong na tawanan. Habang nagngingitngit na siya sa galit.

 

– Tigilan n’yo nga ako!

– Ginagaya mo buhok namin, no?

– Di no! Eto ‘yung buhok nung bida sa Boy.. Boy..

– Boy ano? Boy-boy ka pa. Bakit, boy ka ba talaga?

 

Sinundan ulit iyon ng malakas na tawanan. Parang niyurak ang kanyang dibdib sa narinig. Tinigasan niya ang kanyang mga bisig, na mas pinatigas niya pa kaysa tuwing nagbubuhat siya ng basket. Padabog niyang inihagis sa isang gilid ang mga kangkong. Doon nasagad ang kanyang galit.

Para siyang torong sumugod sa batang bilugan sa kaliwa, tinulak niya ito at napahiga sa maputik na talahiban. Habang napatingin sa kanya ang isa pa, hindi nito namalayan ang lumilipad niyang kamao at naumpog sa itaas na bahagi ng gilagid nito. Napakapit ang batang lalaki sa kanyang labi; nagulat ito nang may nakitang dugo na umagos mula sa nauga nitong ilong.

Aambahan sana siya ng suntok ng batang naputikan ngunit mabilis pa siya sa alas-kwatro nang tumakbo, dala ang mga kangkong. Nakakuha naman ng ilang batong mala-holen ang batang nasuntok at hinabol siya habang buong lakas na pinapalipad ang mga bato sa kanya. Tumatakbo rin ang isa habang sinusundan ang kanyang kalaro.

Sa bilis na rin niyang tumakbo gawa ng maliit niyang katawan, nakatakbo siya agad. Ngunit nakasunod pa rin ang dalawang bata. Tinamaan siya sa likod, sa balikat at sa braso. Napapangiwi lamang siya sa sakit ng pagkakabato ng dalawang bata, ngunit hindi pa rin iyon kasing sakit ng patpat ng kanyang Tatang, maging ng hantik sa kanilang mga puno. Kinakapos na siya ng hininga, umiikot na rin ang paningin gawa ng pagkahapo at mainit na hangin na tila galing sa hininga ng bagong gising. Wala na siyang nadaramang batong tumatama sa kanya, pero naririnig pa rin niya ang mas kumakaripas pang pagtakbo ng mga paa.

Binilisan niya lalo ang pagtakbo. Ngunit bibigay na ang kanyang katawan, hanggang sa nadulas siya paharap at mauntog ang kaliwang tuhod sa taghiyawating kalsada. Ngunit naririnig pa rin niya ang mga pagkuskos ng tsinelas. Dumudugo man at kumikirot ang kanyang tuhod, agad siyang tumayo at tumakbo ulit.

Sa di kalayuan ay nakakita siya na punong mangga, pinaliit niya ang distansya mula rito at kara-karakang umakyat. Palibhasa kasabay niya lumaki ang mga punong mangga sa kanilang bakuran, walang kahirap-hirap niya itong inakyat at umupo sa makisig nitong sanga. Nakalagas-lagas nga lang ang kangkong mula sa pagkakabalunbon nito.

Naabutan man siya ng dalawang bata, parehas itong hindi marunong umakyat ng puno. Humihingal silang huminto sa harap ng punong inakyatan niya.

 

– ‘Bayaan na natin ‘yan!

 

Pinunasan ng batang patpatin ang dumudugo niyang ilong gamit ang manggas ng kanyang damit at saka tumingin sa itaas ng kanyang kinauupuan.

 

– Hoy, ikaw, kahit ilang puno pa ang kaya mong akyatin, hindi ka magiging lalake!

 

May sinabi pa ang batang lalaki na iyon na hindi niya marinig. Ayaw marinig ng kanyang utak ngunit nanuot sa kanyang puso. Mas malakas pa sa tawa nila kanina ang tawa nila sa mga oras na iyon. Habang siya, pakiramdam niya’y ilang ulit na pinagsasampal sa kanyang dibdib. Nanghihina man ang katawan, ang kanyang mata’y nag-aapoy sa galit.

Lumipas ang ilang minuto, nakikita niyang nakalayo na ang dalawang batang humamak sa kanya. Nagsimula na rin siyang bumaba sa puno. Naamoy niya ulit ang talahiban, wala nang amoy ng siga, kundi amoy ng hamog na nagpapadulas sa mga dahon.

Isa-isa niyang dinampot ang mga tangkay ng kangkong na nalagas mula sa pagkakabugkos nito. Ang ilan ay nalaglag sa lupa, habang ang ilan naman ay nasa kamay pa niya at magkakasama pa rin sa lumuwag na goma, kaya inalis muna niya ang mga goma.

Kinumpol-kumpol niya ang mga tangkay, at hinati niya sa dalawa. Tatalian na sana niya ng goma ang isang kumpol nang mapansin niya ang kulay ng mga goma na hawak niya: isang asul at isang rosas,

Nahimasmasan man siya, nag-usbungan naman ang tanong sa kanyang isip na dati pa niyang naririnig sa kanyang utak ngunit hindi niya pinapansin.

Ano’ng kulay ba ang itatali ko rito? Kung kulay asul, dapat puro lalaking kangkong lang, Sa isa naman, puro mga babaeng kangkong, kasi kulay pink. Paano ko malalaman kung lalaki o babae? ‘Pag lalaki ba, dapat mas malaki at mas matigas, tapos ‘pag babae naman, dapat maliit lang at kumukulot ang mga sanga? Paano ‘pag may naligaw akong lalaking kangkong sa pink na goma? Paano kung babaeng kangkong naman ang mapunta sa asul na goma? Paano ba?

Sinipat-sipat niya ang mga mga kangkong. Halos magkakamukha ang mga ito. Gusto sana niyang magsalita ang mga ito, Pero wala siyang naririnig.

At saka niya naalala ang mga huling salita, ang huling pangungusap ng batang patpatin.

– Hoy, ikaw, kahit ilang puno pa ang kaya mong akyatin, hindi ka magiging lalake. Wala kang tite!

Meron kaya. Meron kaya siyang naipon sa alkansya niyang mahigit isang daang piso, Sapat na siguro iyon para puntahan niya ang pampublikong pagamutan mamaya. Pagkaligo niya, hahanapin niya ang palda niya pamasok, o salawal ng tatay niya.

Meron siya nun. At sisiguraduhin niyang mamaya, hindi siya iiyak.

 

Bituin sa Lupa

Sabi dati ng batang kaharap ko, ang bituin para sa kanya ay nakikita sa langit. Kahit kinumutan ng dilim ang kalawakan, sila’y andyan pa rin. O kaya, sa libro raw. Kapag nakakita ka ng bituin na nagpapadulas sa ulap, humiling ka raw: matutupad iyon. At sa mga pelikula. ‘Yung nagpapakitang-gilas na bituin, ‘yun daw ‘yung namayapang kamag-anak mo na binabantayan ka.

Sa tatlong ‘yun, sa huli ako medyo naniwala. Ayon sa science, patay na raw ang bituin na nakikita natin sa langit.

Pero hindi pala iyon ang magpapamangha sa’kin.

Hindi ko na matandaan kung kailan kita unang natikman.

Basta ang alam ko, nakapalda pa ako noon na muntik na maging picnic cloth. Nakaputing blouse. Kakulay ng kurbata ko noon ang palda ko. Bitbit ang daigdig sa loob ng backpack.

Palibhasa dati ko pa nakikita, pinalaking usisera at maraming katanungang hindi masagot ng miski ng pantas, sinubukan ko. Pinilit ko rin namang pigilan. Alam kong hindi tama. Ilang beses na ba ako nakakita ng litratong nakakasura ang itsura?

Pero sabi kasi nila. Sa mga panahong lahat ng tao’y pinagkakatiwalaan mo, ngunit pinagmaramutan mo ng tiwala ang mga nakatatanda sa’yo, kaya sige.

Inamoy ko muna. Pinaso. Tsaka ko pinagdaloy ang kaluluwa mo papasok sa aking lalamunan. Inubo. Pero sige pa rin. Sabi kasi nila. Muntik-muntik pa kaming mahuli noon. Naulit: nahuli ang kaklase isang beses pero buti, hindi pa kita hinahawakan noon. Ilang beses din namang naulit. Pero paulit-ulit din naman akong naging baguhan at turuan. Hanggang sa kinalimutan kita. Ayoko kasi. Ang baho mo. Hindi ka pala masarap. Hindi pala sila totoo.

Ilang taon ding hindi tayo nagkita, ha? Hindi kita namiss. Madalas naman kita makita’t malanghap ang bango mula sa iba.

Hanggang sa dumating sa buhay ko na nakikita ko ang mundo, ngunit hindi ko maramdaman. Gusto kong lumaya sa napaka-istriktong oras, sa pagbibilang, sa batas ng pag-aaral at sa batas nila. Para akong batang may oras ng pagtulog at paggising. Para akong kabuteng biglang susulpot at mawawala sa mata ng ibang tao tuwing aayain ako lumabas at magpalamig. Para akong baldadong nakakulong lang.

Ang gabing iyon: pinayagan akong umalis. Slumber party daw. Pero hanggang alas-onse lang ako ng gabi. At nakarating ako sa party, alas-otso. Tipong nakikain lang ako ng paborito kong adobo. Sabay umalis. Curfew eh.

Pero hindi lang oras ang hinabol ko. Pati ang katauhan ko sa mga taong naroon sa apat na dingding ng party na iyon. Parang hindi nila ako kilala. Parang hindi ko sila kilala. Salamat sa mga ka-text ko at naaliw ako kahit papaano. Nung nagpaalam ako na uuwi na ako, dun lang ata nila napagtanto na, kasama nila ako. Umuwi ako, kahit sabi nila, huwag.

Sumakay lang ako ng bus mag-isa. Gusto kong lumaya. Gusto kong lumipad nang walang pumipigil sa akin. Gusto kong makita nang malapitan ang mga bituin at hawakan ito. Pero sabi nila, huwag.

Pinalaki akong laging may sinusunod. Bente anyos na ako pero, sumusunod pa rin ako sa nakatatanda. Kaya sa kasuluk-sulukan ng isip ko, gusto kong labagin lahat ng iyon. Pinapatay ko ang bata sa harap ko. Kinain ng bakulaw na lumabas sa dibdib ko na nagsimula sa isang selula ng frustration.

Bigla kitang naalala.

Nasa isang sulok ka lang pala ng Cubao, pinaghehele ng busina ng sasakyan at ng mga barker, nung damputin kita. Kinapa ko ang bulsa ko. Bumili ng kendi para hindi ako maumay sa alindog mo. Hinawakan ko ang iyong kabuuan, kahabaan. Tinaktak ko, pinaglaro ko ang aking mga daliri at inipit sa pagitan ng aking mga labi.

Maya-maya pa, nakalipad ako’t nahawakan ko na ang bituin.

Hindi iyon ang huli. Maraming beses kong inulit. Sa kalye. Sa suluk-sulok ng eskinita. Tapat ng tindahan. Isang beses lang muna. Sa gilid ng aming tindahan. Bago pumasok sa OJT. Bago umuwi. Dalawa na. Tuwing stress ako. Tuwing napapagod. Tatlo. Tuwing nag-aaway ang magulang ko. Tuwing may lumalayas sa bahay. Tuwing naiiwan ako, kahit may tao sa paligid ko. Tuwing mag-isa ako. Mali man sa mata nila, naging matapang ako.

Hindi pa ako graduate pero nakarami ako. Nakarating na ako roon.

Pero parang pinapatay ko rin ang sarili ko. Naghahanda ng sarili kong kabaong. Mula sa pagkatuyot ng labi hanggang sa pagsakit ng ulo’t pagkahilo. Sabi ko nga, bago pumasok ang 2014, isa ka sa mga iiwan ko. Alam mo kung bakit? Kasi, sa suluk-sulok lang naman kita dinadala. Tinatago kita. Dine-deny. Hindi pinapakilala. Kinakahiya. Hindi kita kayang panindigan. Gusto ko pa rin maging malinis. Kahit mahigit bente anyos na ako, imahe ko pa rin ito. Hindi nang sa’yo.

Pero mas lumala pa nang magkatrabaho ako. Ang tatlong taong nagpakilala sa’yo sa’kin dati noong hig school lang ako, mas makapangyarihan na ngayon. Mas dumami. Ang sabi nila ay sinabi ko na rin. Laganap rin pala ang katawan mo rito.

Ang pagkahumaling sa’yo ay nilalamon ako. Katulad ng kung paano lamunin ng hindi lang ng isang bituin, kundi constellation na mukhang tinitinging tawas sa tindahan, ang tatay ko. Hindi ko iyon matanggap. Nasisira ang pagkatao at buhay niya. Nasira ang aming pamilya. Alam kong ang pagkahumaling n’ya roon ay mahirap pigilan, pero gusto kong ipakitang posible pa rin. Malaiit man o malaki, ang pagkalulong ay pagkalulong pa rin. Isa ka mang brown dwarf at ang sa kanya naman ay Big Dipper, walang pinag-iba. Iisa pa rin kayo.

Pero napamahal na ako sa’yo. Hanggang sa hindi na ako nagtatago kapag kasama ka. Pinapakilala na kita sa iba. Hinayaan ko nang maging iisa ang amoy natin, kahit sa mga taong nagkulong sa’kin sa imahe kong pambata. Kung gumagawa man ako sa sarili kong kabaong, bahala na. Dahil kapag paulit-ulit kitang hinahagkan kita, lumilipad ako sa langit.

Ala-una na ng madaling araw. Dating tagpuan, ha?