Batang-L: Batang Lagalag, Batang Latak

Sa isang klase, hindi lahat doon ay pasok sa master list. Hindi lahat ay pare-pareho ng student number sa first-four digits. Hindi lahat ay magkakakilala. Hindi lahat ay friends sa social-networking sites. Hindi  lahat ay “belong”.

Dahil sa kasuluk-sulukan ng apat na dingding na iyon, pinipilit ng isa nilalang na mistulang carbon dioxide ang existence ang kanyang sarili. Sila, ang tinatawag nating “irregular students” o “irreg” kung tinatamad kang buuin. Other variations: alien, amoeba.

Sino ba sila?

1. Sila ‘yung may pinakamabahong hininga dahil hindi sila nagsasalita masyado.

2.Sila ‘yung late dumating lagi.

3. Sila ‘yung hindi pa pumapasok sa loob ng klase ‘pag wala pang prof.

4. Sila ‘yung nangangarag magreview ‘pag may exam o naghahapit ng homeworks/projects dahil hindi na-update.

5.Sila ‘yung nag-a-around-the-world sa buong unibersidad para maghanap ng prof kung may aberya,

6. Ang may access lamang sa kanilang pananahimik ay ang dalawang may pinakasilbing officers sa loob ng classroom: Ang President at Secretary.

7. Sila ‘yung tinatawag na ate at kuya.

8. Kung lalaki, kadalasan, goatee at pawisan. Kung babae, kundi mukhang haggard, mukhang multo sa sobrang puti,  putla (dahil hindi lahat ng maputi ay si Belo ang nag-touch).

9.Sila ang laging bumubulung-bulong sa sarili at nag-oorasyon na sana, walang klase, o matapos na ang klase.

10. Sila ang aasahan mong tapat sa exam dahil walang lakas-loob na kumopya.

11. Pinakaayaw nila ang group activities/groupings o kung ano pa mang anek-anek na nagrerequire ng social skills dahil iba ang kanilang lenggwahe at nagmula sa 113/4 dimension.

12. Sila ang pinaka-nakakaawang nilalang sa loob ng classroom. Dahil ‘pag hindi dumating ang prof, o wala palang klase, PATAY.

Ganito ang feeling. (disclamer: di po sa’kin)

Mula sa pagiging tao, bakit sila naging latak ng Milo?

1. Working students na piniling maghanap ng sked.

2.Struggling Mom/Dad.

3.  Maraming atraso sa Admin.

4. Choosy sa professor

5. Choosy sa course, o kaya’y hindi napanatili ang passing grade sa course na pinasok.

6. Nagbalik-loob sa paaralan.

– – – – –

Madalas natin isiping marami silang pagkakamali sa pag-aaral. Bumagsak kaya umulit. Nagpabaya sila. Busy sila. May sariling mundo. Minsan pa, iniisip nating madali lang ang buhay nila. Namimili lang sila ng gusto nilang schedule. Pero ang adjustment na ito na iniisip mong madali ay wala pa sa kalingkingan ng mga adjustments na kailangan nilang gawin.

Una, ang paghahanap sa dean at sa prof para magpapirma ng form. Malas mo kung hindi mo kakilala ‘yung professor.

Ikalawa, pipila ka nang napakahaba. Kelangan mong maglaan ng 24 oras. Pero hindi pa d’yan matatapos ang lahat. Kasi, maghihintay ka pa. Walang katapusang pila– mula sa room na ‘to hanggang sa department ni Hudas. Nariyan pa ang mga hassle moments mo sa pila katulad ng mga sumusunod: biglang uulan; bigla kang magugutom o maiihi; biglang magugutom o maiihi ‘yung nag-aassist at isang oras bago bumalik; biglang magtetext ‘yung classmate mo na “anditey na si Budang!”; may amoy-singit na sisingitan ka sa pila, to name a few.

Ikatlo, maraming pwedeng kakayahan na pwedeng ipagyabang sa loob ng klasrum. Maaaring alam na nila ‘yun, dahil maaaring withdrawn o dropped o failed ang subject nila pala iyon sa past life nila noong normal pa silang mga nilalang. May 1 point na silang lamang sa mga student sa block section. Pero nauunahan sila ng hiya, ng pagkailang sa tingin ng mga matang hindi nila kilala.

Ika-apat, WALLFLOWER sila. Hindi lang basta wallflower ah. ‘Yung tipong kalahati ng katawan nila lengthwise ay nakalubog sa pader ng klasrum. May mga pagkakataong gusto nilang mag-genocide ‘pag nag-iingay ang buong klase, pero magtetext na lang o makikinig ng MP3. Nariyang bigla, ‘pag wala pang prof ay magdidiscuss ang buong klase tungkol sa mga kaek-ekan nila sa ibang subject. Gusto mong magtago sa anino mo o maghanap ng Inivisibility Cloak.

Ikalima, nariyan ang sari-saring “stereotyping” na tinatawag. Masyadong maraming panghuhusga na alam naman nating hindi magiging patas sa kanila. Dahil wala sila sa tunay nilang mga buhay.

Ang mga senaryong ito ay hindi lingid sa’kin. Dahil ako mismo, ay irregular student.

– – – –

Hindi ko in-enroll ang P.E. II ko na may category na Physical Fitness noong sophomore years dahil hadlang sa aking pagtratrabaho.  Fast forward to 4 years, heto na ako’t nag-enroll sa tingin ko’y pinakamasalimuot na subject para sa isang irreg.

Bakit masalimuot? Aba, isipin mo na lang, 2 units LANG ‘yun, minor subject lang pati. ‘Pag hindi mo naipasa, ‘Hello, October’ ang drama mo. Wala pang summer class. Masalimuot, dahil sa P.E. class, kelangan mong gumalaw ng marami– isang bagay na ayaw na ayaw gawin ng isang taong hindi kumportable sa paligid n’ya, Masalimuot, dahil hindi ka pwedeng makaraos sa klaseng ito na walang ‘grouping’. Hindi ka pwedeng maging hayop na may natatanging lahi.

Hell Day ang Wednesday sa’kin, lalo ‘pag pumapatak na ang alas-3 ng hapon dahil journey to the center of the universe ang ginagawa kong paghahanap sa PE class ko. Mga nomad sila– lalo na ang prof na walang sariling lugar o opisina. Si Ginoong Prof ay namamasada ata kasi sa buong campus; nakam-motor o naka-bike.

2 first consecutive days ng PE class ay hindi ko na-attend-an dahil bukod sa late ako ng 1 oras, lumilikas ang mga kaklase kong evacuees. Napaka-awkward pa ng una naming pagtatagpo ni Ginoo dahil hindi ko alam kung paano ipapakilala ang sarili ko, wearing a high school PE shirt and maroon jogging pants na nasa balakang ko na ang waistline dahil bitin na sa’kin. Pathetic much.

Pinagja-jumping rope ako ni Ginoo, upang masukat ang aking heart rate at rest at pagkatapos habulin ang hininga. “Manghiram ka sa kanila,” ang sabi  ni Ginoo. Sinubukan ko na ang lahat ng istupidong paraan para lang hindi ko kausapin ang mga alipin n’yang nomads, kaso wala. Kung hindi pa ako binigyan ng jumping rope ay wala akong magagawa.

Akala ko iyon na ang pinaka-impyerno ng college life ko. Nasa bigote pa lang pala ako ng diyablo.

“Finals natin, aerobics, by group.”

UTANG NA LOOB, Lupa, lamunin mo ako.

Gusto ko ganito kadrama. (kahit bumabangon talaga sa lupa 'to. Panoorin n'yo pa sa 'Huling El Bimbo)

Gusto ko ganito kadrama. (kahit bumabangon talaga sa lupa ‘to. Panoorin n’yo pa sa ‘Huling El Bimbo)

Ina-announce ito bago mag-Christmas vacation. Kineme ko lang kahit nawawala na ako sa ulirat. Idadahilan ko na lang na ako’y nag-o-OJT at baon sa thesis kaya hindi ako makakapag-finals. At malamang, bibigyan na lang ako ng special project. Kahit paglinisin ako ng lagoon o hilurin ang mga libag ng gym, ayos lang. Basta HINDI AKO SASAYAW.

Pero hindi nakumbinsi si tadhana sa mga dahilan ko, at mga dahilan ng ipinag-puputok ng butse ko.

“Mag-prepare ka ng 10-minute aerobic routine. Mag-isa ka na lang.”

Habang sinasabi ito ni Ginoo, ngiting-ngiti ako. Pero deep inside ay gusto kong magmura.

Isasabay daw n’ya ako sa isa n’ya pang klase. Medyo bah-boy.

Pero nag-suggest ang maitim kong kunsensya: stick with your alibis, darling. OJT  at thesis pa rin ang sasalba sa’kin sa nakaa-ambang na kahihiyan.

Araw ng Sabado, ang araw ng paghuhukom. Pumorma pa ako na naka-t-shirt, slacks, black shoes at corporate sling bag. Kunyari ay katatapos lamang ng thesis defense na nataon sa oras ng PE finals. Kaso, wala pa lang pasok noon dahil may PUPCET.

UTANG NA LOOB, Lupa, lamunin mo ako.

Wednesday, nakapormang patetikong PE uniform na naman ako. Pagkatapos ng mahabang paglalakbay, nakita ko si Prof. “Next Wednesday.”

UTANG NA LOOB, lupa, lamunin mo ako.

Naghanap na ako sa Youtube ng mga aerobic steps and music. Habang nagbabantay ng tinda ay nagtatago ako sa sulok upang gumiling-giling. Kahit naghuhugas ng plato. Kahit naliligo. Dumadalaw pa sa pagtulog ko ‘yung steps. Biglang naging-LSS ko ‘yung remix na kanta ni Shakira.Wakopaks na kung may makakita, kung may tumawang timawa. Hindi naman sila ang babagsak at uulit.

Wednesday. Ilang oras ako nagpabalik-balik sa lunggaan n’ya pero nilalamon ata si Ginoo ng Bermuda Triangle at naglaho na naman. Ilang oras din ang lumipas, sumamba na ako sa mga bato at damo pero hindi pa rin s’ya lumalabas.  Hanggang sa..

“Nagpa-resched ang mga klasmeyt mo. Sa Sabado na ulit, ha?”

UTANG NA LOOB, Mantle of the Earth, lamunin mo ako.

Sabado, saktong araw na may inuman akong susugurin pagpatak ng dilim. Kaya kung ano’ng klaseng kahihiyan ang gagawin kong aerobic dance na gagawin ko.

Ngunit nabigo ako. Wala akong nakita ni isang kaklasmeyt ko (na sigurdong hindi ko rin naman kakilala kung nakasalubong ko). Wala rin si Ginoo.

I’M DONE! <insertevillaughhere> Wiling akong ulitin  ang PE. Malaya na ako sa sumpaaaa! UTANG NA LOOB, Mantle of the Earth, lamunin mo SILA!

Kasya na ba sila dito? Abot sila kahit saan pumuwesto

Kasya na ba sila dito? Abot sila kahit saan pumuwesto

Pero sa kabilang banda, nakakalungkot. Hindi naman ako sumuko. Pero sino’ng kawawa?

Kaya ikaw, ikaw na college student na hilaw pa sa karanasan at never pa na-flush sa inidoro, simpleng payo lang: Hayaan mo nang pawisan ka, maging dugyot, matusta sa oval, maging tanga’t, humawak ng maruming bola o gumulong sa gym. Pero HUWAG NA HUWAG mong ibabagsak o ida-drop ang PE mo.

At ikaw naman, irregular student na nagbabasa nito, proud ako sa’yo. Kapit ka lang at maging matibay. Tawanan ang mga nakakatawang pambwibwisit sa’yo ng kapalaran. Isa kang apoy sa dagat, makakarating ka din sa pampang na hindi mamamatay.

Hindi ka man makasabay sa takbo ng panahon o makisama sa henerasyon, natatangi kang nilalang. Nag-iisang alien na walang katulad.

Oh hala, tama na. ‘Wag na iyak. Haha. ;D

468c23adc698ed6c8e7f2c3d3605e26e

UPDATE: Hindi ako bagsak sa PE kahit walang finals!

Pero Octoberian pa rin. Incomplete ang unang OJT ko. 😛

Let’s talk about the “L” word

Masama ang loob ko sa nakuha kong midterm kanina. Sabihan ka ba naman na NGAYON na ang midterm isang oras bago magtest kaya nagkumahog ka magmemorize sa incomplete mong notes, na hindi pa maintindihan ang sariling sulat. Malito ka ba naman sa punyemas na enumeration kasi dalawang set ‘yung ibigay sa inyo.  Wala akong masisi. Wala.

Kaya gusto kong aliwin ang sarili ko sa kantang mga inlab lang ang nakakarelate.

At hulaan mo ngayon kung ano itong L na biglang pumasok sa mamasa-masang kong kukote (basa kasi kanina pa gamit :))

Libog? ‘Wag kang bastos. Wholesome ako. Lust? In-ingles mo lang. Langis? Utang na loob, naghihirap na ang bansa. Alam ng lahat ‘yan. ANO?

Love. Isipin mo na na napaka-corny ko. Totoo. Mahirap magdiscuss ng pag-ibig ng isang taong walang alam gawin kundi puro kalokohan, kalaliman at quotable quotes. Ayaw sa korni eh. Nabasa n’yo na ba si Bob Ong? Wala akong matandaang naisulat n’ya ang kanyang buhay-pag-ibig doon, kundi ‘yung babaeng sinubok n’ya lang sa popular na matchmaking noon na Flames Hope Camel, na magkakatuluyan daw sila. Kaso nagpunta sa Japan. Di ba? Ang weird.

Pero sabi nga nila, sa bawat tawa at ngiti, may ibig sabihin. Gusto kong galugarin ang mga tawa ko na binahagi ko na sa lahat. At naniniwala ako na dalawa lang ang dahilan para maging corny ang isang tao: ‘pag inlove siya, o bitter/brokenhearted s’ya. Pero aminin natin, na kadalasan, dahil yun dun sa una. Kung wala diyan, ibig sabihin, hindi ka tao.

Etong kantang ‘to ang may sala kung bakit ko ipopost ang korning post na ito (na limang beses ko pinakinggan masabi lang na bina-background music ko ito.)

Ako, ‘yung isang taong korning-korni sa love. Sa cheesy na pick-up lines. Sa palitan ng matamis na iloveyou, iloveyoutoo, iloveyoumore, iloveyoumost, o kung anu-ano pa. Ang mga naging dabarkads ko kasi nitong college, asexual kong maituturing. Mga babaeng hindi nagkakagusto sa lalaki, dick hater ata, pero hindi naman lesbyana. Pero mannish kumilos. Kung nakokorihan ako sa L, sinampung ako sila.

Pero sabi nga nila, madali ngang husgahan ang mga bagay ‘pag di mo pa nararanasan.

Sino ba sila? Secret. Malabong naging tomboy ako nang walang lovelife. Kasi dun mo madidiskubre sarili mo. ‘Yun ang batayan.

Elemetary. Nainlove ako sa friend kong bakla dahil prinsesa niya ako kung ituring.

Hayskul. Nagkagusto na ako sa babae kasi chinita sya at mabait sa’kin. Utu-uto naman ako.

Hayskul. Fourth year. Nagustuhan ko ‘yung babaing biglang nagtanggal ng salamin, na buong gabi kong inisip, na parang may play button na paulit-ulit kong nakikita.

AT itong si babaing nakasalamin ang masasabi kong nagpawala ng aking katinuan. Tatawagin ko siya sa pangalang Iza. Kamukha niya kasi si Iza Calzado.

Valentine’s Day, year 2008. Hindi ako mapakali na wala akong mairegalo sa kanya. Kelangan meron. Kahit kapos ako noon, kaya nangutang ako, dapat meron. Bumili ako ng box ng chocolates at isang maliit na teddy bear na nakapatong sa kahong nababalutan ng plastic. Nagpasama sa friend kong tomboy din. Nakipag-away kami sa guard para makalabas ng campus para bumili ng gift wrapper like no other. Nakipag-away ulit sa guard para papasukin kami. Nag-cut ako ng klase sa CAT kasi, inaasikaso ko yung regalo, at pilit kong tinatago. MUKHA AKONG TANGA,  sabi nila, na sabi ko rin. Naibigay ko naman ng matiwasay, hindi ako ‘yung nag-abot, yung friend ko. Andun lang ako.

Pero kinabukasan, nabuking na ako ‘yun. Tanginapakyusaearth. Nawalan ako ng mukha.

College. Crush na ‘yung sumunod. Naalala ko siya sa kantang Poker Face. Hindi naman siya mukhang poker. Sakto lang naman ang face. Hindi naman n’ya kamukha si Lady Gaga. Naiimagine ko lang ata na kaboses niya.

And here she comes. Ang babaing mas matindi pa kay bagyong Iza.

Sino siya? Secret. 😛

Alam mo ‘yun mga bagay na hindi mo inaasahan, dumating? L comes when you least expect it. Nabago talaga ang buhay ko. Buong buhay ko, torpe ako. Natatakot mareject. Kasi nga, alam ko, ang babae, para lang sa lalaki. Kung may mahulog sa’kin, salamat. Pero suntok sa buwan ‘yun.

Pero iba siya. Siya ‘yung nagparamdam na pwede pala akong mahalin. Naappreciate niya lahat. Pagpapatawa. Sweetness. Thoughtfulness. Pero masyado ata akong nakampante. Torpe pa din. Hindi ko namalayang inlove na ako. Gusto ko manligaw, kaso personal kong aaminin. Kaso di kami nagde-date. Naunahan tuloy.

Pero umasa ako. Asang nabubulok. Nabulok ng isang taon. Nakahanap na ulit siya ng iba. Habang ako, siya pa rin.

Sa friendship nagsimula, sa friendship din natapos.

At pag inlove ka, mahirap itong itago. Nahalata ng friend ko na inlove ako dito kay ex-L (tae, parang size ng diaper) kasi, nung kinikwento ko daw siya, kumikislap ‘yung mata ko. Baka may faulty wire, teh.

Napakinggan ko lang yung kanta sa itaas,  bumalik sa alaala nitong dati kong L na isang taon ko hinintay kahit may syota na. May ilang araw, linggo, at malapit na maging buwan, na hindi ko siya kinakausap, ni ha ni ho. Okay na ‘yun, para maka-move on.

Masarap tumawa pag may meaning. Masaya mabuhay pag may kasabay ka sa lahat.

NGAYON. Wala. Walang laman. Pero may inspirasyon.

Mayroon akong classmate. Hindi naman kagandahang lalaki. Pero, ang imba (imabalance) ng mga naging jowa. Me sinabi ang pes. Bakit daw?

Ang mga taong cute, pinapakilig ka. Ang mga taong seksi o hot, pinag-iinit ka. Pero sa mga taong magaling magpatawa/ngiti, maiinlove ka.

Kung gaanon, di sana, wala nang stand-up comedian/ne na ngumangawngaw ng iyak dahil iniwan ng syota nila. E di sana, hindi ako malungkot.

Reality check: Kaakibat ng pagmamahal ang masaktan ka. Kasi, ‘pag nasaktan ka, dun mo malalamang nagmahal ka talaga.

Kung mahal mo ang isang tao, ipaglaban mo. Kung matalo ka, subok ulit. Kung wala na, tanggapin mo na. Acceptance is the key para maka-move on.

Ngayon ko naisip: CORNY talaga ang mga taong inlove. Kung kakausapin ko ang sarili ko, malamang, may kasama pang batok at kurot sa singit. Sabay tawa. Pero, that’s the most wonderful feeling na mararamdaman ng isang tao.

Kung nanalig ka dito, itaas mo ang kanan mong kamay, pagdikitin ang mga daliri, tumindig ng diretso, at irecite ito:

Ako, si (pangalan mo), ay naninindigang minsang naging corny/ay corny ngayon dahil nainlove na ng bongga. At ako, ay naniniwalang totoo ang sinasabi ni Katingera, na nagmukha rin akong tanga sa ngalan ng pag-ibig. Bilang kaisa niya, sumusumpa ako, ngayong ika (petsa, buwan at taon)  na ipagmamalaki na ako’y CORNY at TANGA dahil ako’y taong may pusong marunong magmahal.

Umayos ka. Seryoso ako. *impit na tawa*

Ang mga taong cute, pinapakilig ka. Ang mga taong seksi o hot, pinag-iinit ka. Pero sa mga taong magaling magpatawa/ngiti, mahuhulog ka.

Sana nga. Isang araw, may mabihag ako.