Nangumpisal sa harap ng Gin bulag ang bente-dos anyos.

Mag-aa-alas dos na. Ang sabi ko, hindi ako aabutin dito ng ganitong oras. Ito na lang rin kasi ‘yung oras ko para magpahinga– ang magmuni-muni at magsulat. Makakapasok ako bukas ng maaga, manalig tayo.

Pero hindi siguro mahirap gumising ng maaga kung may gigising sa’yo; ‘yung taong gusto mong maging kahati ng unan mo hanggang pagtanda mo.

*nagkatinginan tayo. kunyari, nakatutok mata mo sa computer*

Alam kong alam mo kung saan ito patutungo. Ginusto ko ito, at alam kong gugustuhin mo rin. Kung mali ako sa pangalawa kong sinabi, mabuti pa’y sumuko ka na. Matulog ka na lang o patulugin mo na lang ang pobre mong computer o telepono.

 

 

 

 

 

 

At dahil nandito ka na sa puntong ito, alam kong gusto mo ring mabasa. Sige na, libre na manghusga.

Ano ba kasi ‘yun? Pag-ibig. Tang’nang ‘yan.

Pero teka, gusto kong uminom muna, pampalakas ng loob. ‘Wag nating kalimutang mag-alay ng isang shot sa demonyo raw. Para hindi tayo ma-choke dahil siguradong malulunok natin ang utak natin sa pag-uusapan natin.

Bente-tres anyos na ako sa mga susunod na buwan. Pero hindi ko pa naranasan maging committed. Kadalasan, bitin ang love story ko. Bitin ‘yung pantalon. Hindi na kasya, pinipilit ko pa. Hindi kasi ako nagtatapon basta-basta ng mga bagay na napamahal na sa’kin.

Minsan, iniisip ko, may mali ba? Ang pangit ko ba? Siguro. Pero may mga success story naman na kahit parang nilamukos ng mga nagdaang rebolusyon ang mukha, makikita mo, may ka-holding hands. Sa dami rin naman ng taong nakasalamuha ko, may ilan din namang nagpaloko sa bitag ko. Masyado na lang siguro akong naging mapili sa pantalon na susuotin.

Pangarap kong manligaw. Alam kong ginasgas na ng mga apo ni Melchora Aquino ang panunuyo, pero ano ba naman ‘yung magasgasan nang kaunti ang pride ko bilang makabagong tao sa ngalan ng kundiman? Gusto kong maramdaman na kailangan niya ako: taga-hugas ng plato, taga-paligo ng pusa niya. Gusto ko maramdaman na siya si Paraluman, at isa akong maginoo pero medyo bastos. Joke.

Gusto ko, parte ng panunuyo ko ‘yung ihahatid ko siya sa opisina, o susunduin hanggang sa lugar na hindi ako maiispot-an ng tanod na barkada ng tatay niya. Out ka na? Papunta na ako d’yan. Teka, nag-lunch ka ba? Ano’ng gusto mo? Dahil bukod sa mahal ang isang bugkos ng roses lalo kapag hindi Valentine’s day, nakokornihan ako.

Gusto ko ‘yung araw-araw, may inaabangan ako. Kahit nakaka-stress ang text at tawag sa’yo ng mga boss mo, maaalis ‘yan kapag nabasa ko ang pangalan niya sa inbox ko, o kahit message lang sa Facebook. Kumbaga sa libro, may foreword siya na ikukuwento para sa isang chapter ng buhay niya sa araw na darating.

Susubukan niya akong kilalanin: paborito kong pagkain, pinaka-ayaw kong artista, pinaka-badtrip kong araw. Susubaybayan niya ‘yung blog ko, babasahin niya bawat letrang itinipa ko at ituturing itong painting na gusto niyang iuwi sa bahay at isabit sa dingding ng kwarto niya. Tapos, magiging laman ako ng statuses niya at tweets. Pahapyaw lang. At kung sisipagin man siya, magiging laman ako ng blog posts niya.

Gusto ko, kapag sinilip ko siya sa mga mata niya, maiintindihan ko ‘yung mga gusto niya sabihin kahit hindi siya magsalita. Tapos,  ‘yung buong katawan ko, magiging maligalig sa presensya niya, sa kabila ng panlalamig dahil sa pinaghalong kaba at kilig. Ilalagay ko ‘yung kamay ko pahalang sa ilalim ng ilong ko, o ng mata ko kapag nakapila kami sa istasyon ng LRT o bus kasi ganun lang siya kataas. Syempre maaasar ‘yun. Aasarin ko ulit. Repeat again.

Bukod sa kaweirduhan ng katawan, magiging malaya rin ang kamay ko na gumalaw kapag kasama siya. Sa ulo, sa balikat, sa buhok. Tapos ‘pag wala akong magawa, titirintasin ko ‘yung buhok niya. Kapag nabuhol na, susuklayin ko, hahaplusin, aamuyin. Huhulaan ko kung anong kulay ng Creamsilk conditioner ang gamit niya. Tapos, masisilip ko siyang di-magkandatuto sa pag-aayos ng damit at retouch sa salamin ng CR. Kasi, alam niyang paparating na ako.

Isang best friend na kasama ko mula sa kalokohan hanggang sa tagumpay– mula sa pagwa-one-two-three ko sa jeep hanggang sa job promotion ko na mas masaya pa siya kaysa sa’kin. ‘Yung nakikita kong masaya siya na natutupad ang mga pangarap ko.

Isang partner na kapareho ko ng kulay ng pajama, kausap ko bago ako matulog. Kinukwentuhan ko ng mga nangyari sa’kin sa isang buong araw. ‘Yung kahit na sa pinakamadidilim na sulok ng buhay ko, mangangapa siya ng dalawang bato para ikiskis ‘yun, gumawa ng apoy para hindi ako malamigan, at makita ko ‘yung daan papalabas. Siya na lagi kong madadatnan sa kusina tuwing umaga, na ipaparamdam sa’kin na hindi ako dapat matakot na kahit magising ako ng tanghali, may nakahanda pa ring sinangag at tapa.

Pasensya na. Gabi na kasi. ‘Wag na rin tayong matulog. Tutal, wala namang gigising sa’tin bukas.

Advertisements

Dear Angela,

Hindi naman ako si Jesus.

Hindi ‘yung mahiwagang lalaki na mensahero ng langit ha.

Hindi naman ako si Jesus, ‘yung character na binuo ko sa isip ko, na nalunod sa pagkabighani at katangahan, habang nakasakay sa bus.

Pero, naisulat ko ang sarili kong love story. Sa loob ng bus.

Sinasadya ko, na makasama ko s’ya, kahit minsan, may maayos akong schedule para sa pagpasok at paglakwatsa. Kasi, masaya akong kasama s’ya. Kumportable akong gumalaw. Walang pagkukunwari, walang pagtatago.

Sinasadya ko, na makasama ko s’ya, kasi pagod s’ya at kailangang matulog. Ayoko naman na matulog s’ya mag-isa sa bus—may mga bagay na maaaring mangyari kung nakapikit ang mga mata mo.

Kaya hinayaan ko s’yang matulog sa balikat ko.

Paulit-ulit na ganoon ang nangyari: minsan may kasamang pang-ngata, o busog na sa kwento.

Pero nauubos lang ang oras namin sa pagtulog n’ya, at pagmumuni-muni ko.

Hindi naman doon natapos ang lahat. Sa takot kong sumubok, pinigilan ko kung ano man ang nararamdaman ko. Pero pinaramdam n’ya saking wala akong dapat ikatakot.

Hanggang sa nagkapalitan din ng mga matatamis na salita—miski ‘yung mga salitang hindi ko inasahang masasabi ko, at sasabihin n’ya rin sa’kin.

Pakiramdam ko, lumilipad na sa EDSA ‘yung bus na sinasakyan namin.

Hanggang sa dumating ang punto na kailangan ko na ng tapang upang tumayo sa kinauupuan ko, upang bumaba sa bus na kasama s’ya at haharapin na ang tunay na mundo sa labas ng daigdig na mayroon kami.

Kailangan ko ayusin lahat—ang oras, ang sarili. Para mula sa pagiging ‘isa’, handa na akong dumoble. Kaya sinabi ko sa kanya, ‘konting panahon lang naman.’

Ngunit ang kaunting panahon na hinihingi ko ay humaba sa dami nang nangyari.

Biglang isang araw, nung lingunin ko s’ya, nakatingin s’ya sa likod. May nais balikan. May mga bagay na naiwan. Hindi s’ya makausad. Nililingon niya ang taong dating naging parte ng buhay n’ya.

Nililingon n’ya rin ang dati n’yang repleksyon—ang dati n’yang sarili. Binitawan n’ya ‘yung mahigpit na kapit n’ya sa kamay ko.

Aaminin ko: Masakit. Parang naulit lang ‘yun dati. Binitawan ako sa dahil sa bagahe. May nilingon pa.

Tinignan ko lahat ng bagay na ginawa ko. Baka nagkulang ako. O may nagawa akong hindi maganda. May nasabi ata akong mali. Baka nasaktan ko s’ya.

O baka nagmamadali ako. Isang buwan lang naman s’yang nakitulog sa balikat ko. Pero sa dami nang nangyari, pakiramdam ko, hindi lang isang buwan ‘yun.

O baka sumobra. Ang OA ko ata magmahal. Na-pressure. Naumay siguro.

Isang buwan. Madali lang ba talagang makalimutan ang isang buwan?

Hanggang ngayon, iniisip ko pa rin kung bakit ganoon ‘yung nangyari. Hanggang ngayon, nagugulat pa rin ako.

Tinignan ko na lang lahat ng bagay na ginawa ko para sa kanya. Hindi ko s’ya masisi. Kahit binitawan n’ya ako, hindi ko makuhang magalit.

Kaya hinayaan ko muna s’ya. Inintindihin ko.

At iniisip ko pa rin, kung bababa na ba ako ng bus– mag-isa. Sinabi naman n’ya, na hindi n’ya alam kung sasandalan n’ya ulit ako, o kung sasabayan na lang n’ya ako sa ride ko.

May mga pagkakataong gusto ko nang bumaba, sumuko na lang ba. Pero, mahirap iwan. Mahirap iwanan ‘yung mga alaala. Hindi ko s’ya maiwang natutulog mag-isa

Kaya andito pa rin ako, hangga’t hindi pa ako nangangawit sa pag-kakaupo, o kayanin pa ng mahabagin kong pwet, tatayo ako. Tayo muna, tas upo ulit. S’ya na lang ‘yung hihintayin ko bumabang mauna eh. ‘Pag bumaba na s’ya, tsaka ako bababa’t uuwi na. Kahit pagod ako, walang kain at puro hangin lang sa pipitsugin aircon ang laman ng tyan, uuwi sa bahay na parang walang nangyari.

Sana nga, ganoon ‘yun kadali.

Marami nang nagtanong sa’kin, kung hanggang kailan ko kayang maghintay. Nakakatawa, na sa mga bagay na ito na hindi kayang hulaan miski ni Nostradamus, ang tanging sagot ko lang eh, “Hangga’t kaya ko.”

Medyo matigas lang ang ulo ko. Talaga lang. Ayoko magsisi ako. Ayoko. May mga bagay pa akong napanghahawakan, kahit papaano. Nakakaupo pa rin ako sa upuan sa bus, kahit kalahati na lang talaga ng pisingi ng kanang puwet ko ang nakaupo. Wala namang mga taong nakaupo sa pagitan namin, kaso, lumalaki na ang ditansya.

Kasing tibay ng puso ko ang puwet ko.

Ganun talaga siguro, kaya medyo magkahugis sila.

‘Cause if one day you wake up and find that you’re missing me

And your heart starts to wonder where on this earth I could be

Thinking maybe you’ll come back here to the place that we’d meet

And you see me waiting for you on the corner of the street

Bakit matigas ang ulo ko? Babalikan ko lang ang sinabi ko sa dati kong post:

Kung mahal mo ang isang tao, ipaglaban mo. Kung matalo ka, subok ulit. Kung wala na, tanggapin mo na. Acceptance is the key para maka-move on.

Sasagarin ko ‘yung sakit. Para ‘pag wala na talaga, alam kong wala na.

Pero ngayon, natatanggap ko na. Na malapit nang bumaba si Angela nang hindi ako kasama. Tapos, bababa na rin ako. Sisiguraduhin kong magkaiba na kami ng destinasyon.

Tapos, hindi na ako sasakay ng bus ulit. Baka makasabay ko ulit s’ya, si Angela na estranghera na makikitulog lang ulit sa balikat ko, tapos, iiwan lang ako ulit, dala ‘yung isang parte ko. Alam n’yo na ‘yun.

Ah, teka, di pa pala ako bayad.

Going back to the corner where I first saw you
Gonna camp in my sleeping bag, I’m not gonna move
Andito si Jesus at Angela