Dear Angela,

Hindi naman ako si Jesus.

Hindi ‘yung mahiwagang lalaki na mensahero ng langit ha.

Hindi naman ako si Jesus, ‘yung character na binuo ko sa isip ko, na nalunod sa pagkabighani at katangahan, habang nakasakay sa bus.

Pero, naisulat ko ang sarili kong love story. Sa loob ng bus.

Sinasadya ko, na makasama ko s’ya, kahit minsan, may maayos akong schedule para sa pagpasok at paglakwatsa. Kasi, masaya akong kasama s’ya. Kumportable akong gumalaw. Walang pagkukunwari, walang pagtatago.

Sinasadya ko, na makasama ko s’ya, kasi pagod s’ya at kailangang matulog. Ayoko naman na matulog s’ya mag-isa sa bus—may mga bagay na maaaring mangyari kung nakapikit ang mga mata mo.

Kaya hinayaan ko s’yang matulog sa balikat ko.

Paulit-ulit na ganoon ang nangyari: minsan may kasamang pang-ngata, o busog na sa kwento.

Pero nauubos lang ang oras namin sa pagtulog n’ya, at pagmumuni-muni ko.

Hindi naman doon natapos ang lahat. Sa takot kong sumubok, pinigilan ko kung ano man ang nararamdaman ko. Pero pinaramdam n’ya saking wala akong dapat ikatakot.

Hanggang sa nagkapalitan din ng mga matatamis na salita—miski ‘yung mga salitang hindi ko inasahang masasabi ko, at sasabihin n’ya rin sa’kin.

Pakiramdam ko, lumilipad na sa EDSA ‘yung bus na sinasakyan namin.

Hanggang sa dumating ang punto na kailangan ko na ng tapang upang tumayo sa kinauupuan ko, upang bumaba sa bus na kasama s’ya at haharapin na ang tunay na mundo sa labas ng daigdig na mayroon kami.

Kailangan ko ayusin lahat—ang oras, ang sarili. Para mula sa pagiging ‘isa’, handa na akong dumoble. Kaya sinabi ko sa kanya, ‘konting panahon lang naman.’

Ngunit ang kaunting panahon na hinihingi ko ay humaba sa dami nang nangyari.

Biglang isang araw, nung lingunin ko s’ya, nakatingin s’ya sa likod. May nais balikan. May mga bagay na naiwan. Hindi s’ya makausad. Nililingon niya ang taong dating naging parte ng buhay n’ya.

Nililingon n’ya rin ang dati n’yang repleksyon—ang dati n’yang sarili. Binitawan n’ya ‘yung mahigpit na kapit n’ya sa kamay ko.

Aaminin ko: Masakit. Parang naulit lang ‘yun dati. Binitawan ako sa dahil sa bagahe. May nilingon pa.

Tinignan ko lahat ng bagay na ginawa ko. Baka nagkulang ako. O may nagawa akong hindi maganda. May nasabi ata akong mali. Baka nasaktan ko s’ya.

O baka nagmamadali ako. Isang buwan lang naman s’yang nakitulog sa balikat ko. Pero sa dami nang nangyari, pakiramdam ko, hindi lang isang buwan ‘yun.

O baka sumobra. Ang OA ko ata magmahal. Na-pressure. Naumay siguro.

Isang buwan. Madali lang ba talagang makalimutan ang isang buwan?

Hanggang ngayon, iniisip ko pa rin kung bakit ganoon ‘yung nangyari. Hanggang ngayon, nagugulat pa rin ako.

Tinignan ko na lang lahat ng bagay na ginawa ko para sa kanya. Hindi ko s’ya masisi. Kahit binitawan n’ya ako, hindi ko makuhang magalit.

Kaya hinayaan ko muna s’ya. Inintindihin ko.

At iniisip ko pa rin, kung bababa na ba ako ng bus– mag-isa. Sinabi naman n’ya, na hindi n’ya alam kung sasandalan n’ya ulit ako, o kung sasabayan na lang n’ya ako sa ride ko.

May mga pagkakataong gusto ko nang bumaba, sumuko na lang ba. Pero, mahirap iwan. Mahirap iwanan ‘yung mga alaala. Hindi ko s’ya maiwang natutulog mag-isa

Kaya andito pa rin ako, hangga’t hindi pa ako nangangawit sa pag-kakaupo, o kayanin pa ng mahabagin kong pwet, tatayo ako. Tayo muna, tas upo ulit. S’ya na lang ‘yung hihintayin ko bumabang mauna eh. ‘Pag bumaba na s’ya, tsaka ako bababa’t uuwi na. Kahit pagod ako, walang kain at puro hangin lang sa pipitsugin aircon ang laman ng tyan, uuwi sa bahay na parang walang nangyari.

Sana nga, ganoon ‘yun kadali.

Marami nang nagtanong sa’kin, kung hanggang kailan ko kayang maghintay. Nakakatawa, na sa mga bagay na ito na hindi kayang hulaan miski ni Nostradamus, ang tanging sagot ko lang eh, “Hangga’t kaya ko.”

Medyo matigas lang ang ulo ko. Talaga lang. Ayoko magsisi ako. Ayoko. May mga bagay pa akong napanghahawakan, kahit papaano. Nakakaupo pa rin ako sa upuan sa bus, kahit kalahati na lang talaga ng pisingi ng kanang puwet ko ang nakaupo. Wala namang mga taong nakaupo sa pagitan namin, kaso, lumalaki na ang ditansya.

Kasing tibay ng puso ko ang puwet ko.

Ganun talaga siguro, kaya medyo magkahugis sila.

‘Cause if one day you wake up and find that you’re missing me

And your heart starts to wonder where on this earth I could be

Thinking maybe you’ll come back here to the place that we’d meet

And you see me waiting for you on the corner of the street

Bakit matigas ang ulo ko? Babalikan ko lang ang sinabi ko sa dati kong post:

Kung mahal mo ang isang tao, ipaglaban mo. Kung matalo ka, subok ulit. Kung wala na, tanggapin mo na. Acceptance is the key para maka-move on.

Sasagarin ko ‘yung sakit. Para ‘pag wala na talaga, alam kong wala na.

Pero ngayon, natatanggap ko na. Na malapit nang bumaba si Angela nang hindi ako kasama. Tapos, bababa na rin ako. Sisiguraduhin kong magkaiba na kami ng destinasyon.

Tapos, hindi na ako sasakay ng bus ulit. Baka makasabay ko ulit s’ya, si Angela na estranghera na makikitulog lang ulit sa balikat ko, tapos, iiwan lang ako ulit, dala ‘yung isang parte ko. Alam n’yo na ‘yun.

Ah, teka, di pa pala ako bayad.

Going back to the corner where I first saw you
Gonna camp in my sleeping bag, I’m not gonna move
Andito si Jesus at Angela

And They Call It Christmas.

December 25 ngayon. Pasko. Itong post na ‘to ay matagal na dapat, una pa sa Pasko para may pitik ng advice or realizations para sa mga mambabasa tungkol sa pagtingin ko sa Pasko. Pero ‘pag holidays kasi, masyado akong mabenta at in-demand ang aking skills *yabang,laki-ulo* sa tindahan. Kaya naubusan ako ng oras, as usual.

May isang libong beses ko na atang narinig na Pilipinas ang may pinakamahabang selebrasyon ng Pasko, mula Setyembre hanggang Enero ng susunod na taon. Nagka-countdown pa nga tayo mula 100, na sa tanda ko ay nagsta-start ng September 17. Napagtripan ko itong bilangin nung bata pa ako.

Ngayon, gusto kong isa-isahin ang mga pagtingin ko sa Pasko noon at ngayon. Nag-iba, nagmature. Sumama? Ewan.

Paalala: Ang mga nababasa n’yo ay nagmula sa maduming utak ng blogger na ito. H’wag nang pansinin, kasi matagal ng papansin. Ang pumatol, may halitosis.

Ito ay para sa mga bata.

Bakit hindi? Walang childhood ang matandang hindi nakamiss sa pangangaroling sa kapitbahay, ‘yung tipong araw-araw n’yong binubulabog. Hindi mo alam, nilalalabasan na pala si Lolo naudlot lang dahil sa kalampag ng tambol mo. Matyaga at nagsusumikap, kahit iisa lang naman ang lagi nilang sagot: Patawad! Swerte ka kung mayayaman ang malapit sa inyo. ‘Yung tipong susuyurin mo ang buong compound n’yo para lang makasimot ng barya. Nag-aaya ka ng maraming kasama para masaya. Tapos sa dulo ng drama, magkakasabugan na kayo ng nguso dahil magkakapikunan kayong mga bobo sa hatian.

Pero ‘pag iba nangangaroling sa’min, wala ring humpay ang pagsigaw ko ng Patawad [utang na loob, wala kaming pera] sa mga nambubulahaw. Nariyang magsasara pa kami ng gate at bintana, with matching turning off the fluorescent light ‘pag may bigtime carollers (‘yung matatandang may gitara). Akala mo, may pagawaan ng shabu sa loob ng bahay namin, at natatakot i-raid ng pulis.

Pero iba na ang mga bata ngayon. Nakakapikon lang kasi, hindi na sila masaya sa piso. Napakalaki ng expectations nila ‘pag sa tindahan sila nangaroling. Hindi ko makalimutan ang tila nayurak na mukha nung batang nangaroling sa’kin. Nakalimutan ‘yung pamatay na ending ng kanta. Thank You, Thank You! Ang babait/babarat/Thank You Very Much Thank You! Ar kung dati, nagtitipun-tipon sila para sama-samang kumanta, ngayon, solo-solo na. Mautak. Ibig sabihin ba nito, bobo ang henerasyon namin? Ohw, wow.

Sa hirap nga naman ng buhay.

At para ipagtanggol ang aking sarili, hindi ako kuripot. HAHAHA! Sadyang dumadaan lang sa Great Depression *wow!* ang aming tindahan at mababa ang ekonomiya. At hindi lang naman isa, dalawa o tatlo ang nangangaroling sa’min.

Pero nakakadisappoint talaga. Hindi sila marunong mag-thank you. Sa tingin ko, dapat matutunan ng mga batang ito na pahalagahan ang miski pinakamaliit na bagay. ‘Yun ‘ung kulang sa pinamanag tradisyon eh. Gift-giving nga ang Pasko, pero hindi requirement ang halaga. Sabagay, hindi mo maaalis sa mukha ng bata ang magmukmok sa nakukuha n’yang regalo. Pero bakit hindi turuang maging positibo sa Pasko? Ipaliwanag na hindi sila ng may birthday. Si Jesus. Nakikisali lang sila sa party na inimbitahan ang buong mundo. Parang ganito lang ‘yan eh:

Mag-ina mula sa school christmas party

Bata: Ma, picture frame na naman! Gragraduate na ‘ko, eto pa rin? *ngawngaw

Nanay: Anak , ganun talaga ‘pag gwapo. May exhibit dapat sa bahay

O di ba. Nambola ka na, may confidence pa s’ya.

Pero ang higit sa lahat, kelangan ‘yung THANK YOU.

Isa lang ang hindi nagbago mula sa sinaunang henerasyon hanggang ngayon: Ang buong puso at kaluluwang pag-awit nito

Sa maybahay, ang aming bati.

Meri Krimas, na luwalati.

Ang pagibig na s’yay nangari

Araw araw ay magiging Pasko lagi

Ang sanghi po, pari-parito

Hihingi po, ng aginaldo

Kung sakali, pari-parisyo

Pasensya na kayo, kami’y namamasko

Wi wish yu, a meri krismas (3x)

En a hapi nyu yir!

***

Tapos, excited ako sa pamimili namin ng Nanay ko sa palengke na mistulang mini-Divi, ang Pasig Wet Market (hindi na s’ya natuyo) ng mga damit na susuotin namin sa araw ng Pasko. Kahit kating-kati na ako suotin ‘yun sa pipitsugin naming Christmas party nung elementary, hindi ko talaga ‘yun susuotin, sumumpa ako sa kabinet. At ‘pag 25 na, CHARAN! pabonggahan na kaming magpipinsan. Alam ‘kong may laban ang fashion ko. Magaling ang nanay ko pumorma. Haha.

Pero ngayon? Okay lang kahit walang damit. Mas gusto ko ngang mamili na lang ng damit sa mismong araw ng 25. Kasi tinutulog ko lang sa bahay. Bukod pa roon, kung sinusuyod ko ang buong Pasig sa mga ninong at ninang ko, pati sa  mga bahay-bahay, ngayon, tatambay na lang ako, lakad ng konti, nakasuot ng mukhang basahang damit at mukha. Salamat sa magbibigay ng palimos.

Sabi nga ng pinsan ko, excited daw s’ya sa Christmas para sa anak n’ya. Parang s’ya lang din dati.

Dapat Makulay.

Syeampre, hindi mo malalamang Pasko na ‘pag walang christmas lights, garland, palamuti, at kung anu-ano pang kaek-ekang maisipan. May makikita ka ngang bahay na mukhang show sa CDO (‘yung may mga maniking pinapagalaw sa may CDO mall sa Cubao tuwing pasko) na bahay sa grabo ng mga pailaw.

At Christmas tree. Sa pagkakatanda ko, hindi ko masyadong kinasabikan ang pagdedecorate ng sa’min kasi hindi naman taste ko ang nasunod. Pero gandang ganda ako sa itsura. Pero tulad ng Christmas lights na napupundi ang ilaw, ganun ang nangyari sa Christmas tree namin. Nawala na kasi binenta. Awts.

Pero, hindi na ako nangarap ng Christmas Tree. Parang burger na walang coleslaw at sauce ang bahay namin. Matamlay. Pero hindi namin dinibdib ‘yun. Hindi gaano kahalaga ang dekorasyon.

Pero nung bata ako, medyo nganga ako sa Christmas tree ng kapitbahay namin. Kulay white. Tipong miswang pinatigas at pintayo sa isang trunk. Ang sarap ihalo sa gisadong sardinas.

Pero hindi na ako namangha ngayon sa Christmas tree na ganun. Bukod sa dumihin, napaka-assuming. Hala, ipilit ang White Christmas kahit ni isang bloke ng yelo mula sa langit walang bumabagsak?

Fourth year ang pinaka-epic fail sa pagdedekorasyon naming ng classroom. Bawat sides ng room, may assign na group. E hindi nag-usap-usap. Ang resulta: [S]crap book!

Siguro nga, sapat ang dekorasyon para iparamdam sa’yo na pasko na. Pero sa pagtanda mo, maiisip mong ang mga ito ay mananatiling dekorasyon lamang, at hindi isang simbolo. H’wag mong hayaang mangyari ‘yun

Maraming salamat sa mga pailaw, parol, at giant christmas tree sa Araneta. At sa lamig syempre.  A for effort!

Laps.

Ang pinakamasarap na parte ng pasko. May mga pagkaing choosy kasi tulad ng putu-bumbong at bibingka na dito lang lumalabas. Hindi na yata talaga nawawala sa Pinoy ang masigabong kainan at inuman.

Inuman.

Inuman.

Nakakatuwa lang. ‘Yung iba, kung makalamon, parang bibitayin na bukas. But I have nothing against that. 🙂

Malamig na Pasko.

Malamig nga naman talaga ang Pasko. Napahiya ako ng very light nung may nagtanong sa’kin kung kamusta ang buhay ko at ito ang sinagot ko. OO NGA NAMAN.

Kelangan ba, ‘pag pasko, may kayakap na syota? O kahit hindi mo pa pala syota? O kahit kabit ka lang pala? Hindi ba pwedeng sumaya ka sa pamamamagitan ng mga tao sa paligid mo? ‘Yung ibang babae, nagmamadaling sagutin manliligaw nila. Habang nagpupuyos na sa kakornihan ng pick-up lines ang mga lalaki mapasagot lang ang irog nila. Hala ka, kelan naging Valentine’s Day ang Pasko?

Huwag mong ibase ang kaligayahan mo sa pag-ibig.

Simbang Tabi.

Marahil ay hindi na bago sa inyo itong term na ito. Tumutukoy ito sa mga magsyotang ginagawang lover’s lane ang gilid ng simbahan na parang sila lang ang tao sa mundo. ‘Yung iba naman, reunion ng mga barkadang akala mo isang dekadang hindi nagkita. ‘Yung iba naman, kung makaporma, kala mo pupunta sa Timog Ave. at lalaklak sa bars. Kung makaporma.

Kaya ako, inaamin kong hindi ako palasimba. Hindi ako interesado. Pramis. Pero hindi ibig sabihin na hindi ako naniniwala  sa Diyos. Naniniwala lang ako na gagawin mo ang isang bagay ‘pag bukal sa loob mo, at hindi sa kung ano pang dahilan.

Kaya please lang. Maraming gustong magsimba ng taimtim. Kung isa ka sa mga ganito, utang na loob, naninikluhod ako. Itulog mo na lang ‘yan.

Santa vs. Jesus

Naglabasan sa mga social-networking sites ang pag-uusap ni Santa Claus at Jesus.

Jesus: Alam mo, naiinggit ako sa’yo

Santa: Bakit?

Jesus: Kasi birthday ko, pero ikaw ang inaabangan 😦

Aba. Unfair nga naman. Kung ako nga, ayokong naaagawan ng eksena sa birthday eh!

Si Mary at Joseph ba ang magulang ni Santa Claus? Pinanganak ba siya sa sabsaban? Dinalaw ng tatlong hari? Pinagtangkaang patayin?

Hindi.

Si Jesus, hindi nakasakay sa sleigh, kasi hindi n’ya kailangan. Walang reindeers kasi may 12 apostles s’ya. Hindi n’ya kelangan ng mahabang bigote. Hindi ny’a kelangan ng pulan robe kasi sapat na sa kanya ang kaputian ng makapangyarihan ny’ang damit. Malapit s’ya sa bata, mapagmahal mapatulog o gising, mapa-sutil o anghel. At higit sa lahat, hindi s’ya namimigay ng regalong nakabalot sa gift wrapper. Marami s’yang regalo. Mga bagay na hindi nakikita at nahahawakan, pero nadadama sa puso.

*****

Bitter ako ngayong Paskong 2011.

Sinalaksakan ang inbox ko ng sandamukal na messages ng Merry Christmas mula sa mga tao sa phonebook ko. Natural ‘yun. Ang kaso, nung ako ‘yung bumabati, labas sa ilong, may sinusitis pa.

May trabaho ako sa kabila ng okasyon. Pero tanggap ko ‘yon ng buong puso. Ibig lang nung sabihin, tumatanda na ako. Maraming nagaganap ng improvement dahil sa responsibilidad.

At isa pa, hindi lang naman ako. ‘Yung iba nga, OFW’s pa. Malayo.

Ang Pasko ay kay saya, Kung kayo’y kapiling na. Sana pagsapit ng Pasko, kayo’y naririto..

Siya: Uy, mangangaroling kami ha?

Ako: Wala akong pakialam.

Pero nagjojoke lang ako. Emosyonal naman si Ate. Umalis agad.

Pero srsly, BV talaga ang lola mo. Nireregla ba naman kasi. Tapos di ko pa matake ang mala-sports bag kong eyebags. Pfft.

Nagsusungit talaga ako. Minalas ang mga batang namamasko.

Siguro, sadyang nagiging iba na ang impresyon ko sa mga taong gumagawa ng tradisyong Paskong Pilipino. Malayo sa aking kinamulatan.

O siguro, mas makabubuting huwag na lamang pangalanang Pasko ang naturang okasyon. Para hindi sumasara ang isip mo sa limitasyon at mga inaasahan mong dapat na meron at dapat mangyari. Season of Love na lang. Cheesy mang pakinggan, at least hindi nakakulong sa buwan ng Disyembre lang.

Nawa’y mapreserba ang tradisyon. At ang pangmulat ng mga tao ay hindi magbago.

AT may iba pang dahilan. Saka ko na lamang ipapaliwanag.

Magandang gabi.