Nangumpisal sa harap ng Gin bulag ang bente-dos anyos.

Mag-aa-alas dos na. Ang sabi ko, hindi ako aabutin dito ng ganitong oras. Ito na lang rin kasi ‘yung oras ko para magpahinga– ang magmuni-muni at magsulat. Makakapasok ako bukas ng maaga, manalig tayo.

Pero hindi siguro mahirap gumising ng maaga kung may gigising sa’yo; ‘yung taong gusto mong maging kahati ng unan mo hanggang pagtanda mo.

*nagkatinginan tayo. kunyari, nakatutok mata mo sa computer*

Alam kong alam mo kung saan ito patutungo. Ginusto ko ito, at alam kong gugustuhin mo rin. Kung mali ako sa pangalawa kong sinabi, mabuti pa’y sumuko ka na. Matulog ka na lang o patulugin mo na lang ang pobre mong computer o telepono.

 

 

 

 

 

 

At dahil nandito ka na sa puntong ito, alam kong gusto mo ring mabasa. Sige na, libre na manghusga.

Ano ba kasi ‘yun? Pag-ibig. Tang’nang ‘yan.

Pero teka, gusto kong uminom muna, pampalakas ng loob. ‘Wag nating kalimutang mag-alay ng isang shot sa demonyo raw. Para hindi tayo ma-choke dahil siguradong malulunok natin ang utak natin sa pag-uusapan natin.

Bente-tres anyos na ako sa mga susunod na buwan. Pero hindi ko pa naranasan maging committed. Kadalasan, bitin ang love story ko. Bitin ‘yung pantalon. Hindi na kasya, pinipilit ko pa. Hindi kasi ako nagtatapon basta-basta ng mga bagay na napamahal na sa’kin.

Minsan, iniisip ko, may mali ba? Ang pangit ko ba? Siguro. Pero may mga success story naman na kahit parang nilamukos ng mga nagdaang rebolusyon ang mukha, makikita mo, may ka-holding hands. Sa dami rin naman ng taong nakasalamuha ko, may ilan din namang nagpaloko sa bitag ko. Masyado na lang siguro akong naging mapili sa pantalon na susuotin.

Pangarap kong manligaw. Alam kong ginasgas na ng mga apo ni Melchora Aquino ang panunuyo, pero ano ba naman ‘yung magasgasan nang kaunti ang pride ko bilang makabagong tao sa ngalan ng kundiman? Gusto kong maramdaman na kailangan niya ako: taga-hugas ng plato, taga-paligo ng pusa niya. Gusto ko maramdaman na siya si Paraluman, at isa akong maginoo pero medyo bastos. Joke.

Gusto ko, parte ng panunuyo ko ‘yung ihahatid ko siya sa opisina, o susunduin hanggang sa lugar na hindi ako maiispot-an ng tanod na barkada ng tatay niya. Out ka na? Papunta na ako d’yan. Teka, nag-lunch ka ba? Ano’ng gusto mo? Dahil bukod sa mahal ang isang bugkos ng roses lalo kapag hindi Valentine’s day, nakokornihan ako.

Gusto ko ‘yung araw-araw, may inaabangan ako. Kahit nakaka-stress ang text at tawag sa’yo ng mga boss mo, maaalis ‘yan kapag nabasa ko ang pangalan niya sa inbox ko, o kahit message lang sa Facebook. Kumbaga sa libro, may foreword siya na ikukuwento para sa isang chapter ng buhay niya sa araw na darating.

Susubukan niya akong kilalanin: paborito kong pagkain, pinaka-ayaw kong artista, pinaka-badtrip kong araw. Susubaybayan niya ‘yung blog ko, babasahin niya bawat letrang itinipa ko at ituturing itong painting na gusto niyang iuwi sa bahay at isabit sa dingding ng kwarto niya. Tapos, magiging laman ako ng statuses niya at tweets. Pahapyaw lang. At kung sisipagin man siya, magiging laman ako ng blog posts niya.

Gusto ko, kapag sinilip ko siya sa mga mata niya, maiintindihan ko ‘yung mga gusto niya sabihin kahit hindi siya magsalita. Tapos,  ‘yung buong katawan ko, magiging maligalig sa presensya niya, sa kabila ng panlalamig dahil sa pinaghalong kaba at kilig. Ilalagay ko ‘yung kamay ko pahalang sa ilalim ng ilong ko, o ng mata ko kapag nakapila kami sa istasyon ng LRT o bus kasi ganun lang siya kataas. Syempre maaasar ‘yun. Aasarin ko ulit. Repeat again.

Bukod sa kaweirduhan ng katawan, magiging malaya rin ang kamay ko na gumalaw kapag kasama siya. Sa ulo, sa balikat, sa buhok. Tapos ‘pag wala akong magawa, titirintasin ko ‘yung buhok niya. Kapag nabuhol na, susuklayin ko, hahaplusin, aamuyin. Huhulaan ko kung anong kulay ng Creamsilk conditioner ang gamit niya. Tapos, masisilip ko siyang di-magkandatuto sa pag-aayos ng damit at retouch sa salamin ng CR. Kasi, alam niyang paparating na ako.

Isang best friend na kasama ko mula sa kalokohan hanggang sa tagumpay– mula sa pagwa-one-two-three ko sa jeep hanggang sa job promotion ko na mas masaya pa siya kaysa sa’kin. ‘Yung nakikita kong masaya siya na natutupad ang mga pangarap ko.

Isang partner na kapareho ko ng kulay ng pajama, kausap ko bago ako matulog. Kinukwentuhan ko ng mga nangyari sa’kin sa isang buong araw. ‘Yung kahit na sa pinakamadidilim na sulok ng buhay ko, mangangapa siya ng dalawang bato para ikiskis ‘yun, gumawa ng apoy para hindi ako malamigan, at makita ko ‘yung daan papalabas. Siya na lagi kong madadatnan sa kusina tuwing umaga, na ipaparamdam sa’kin na hindi ako dapat matakot na kahit magising ako ng tanghali, may nakahanda pa ring sinangag at tapa.

Pasensya na. Gabi na kasi. ‘Wag na rin tayong matulog. Tutal, wala namang gigising sa’tin bukas.

Let’s talk about the “L” word

Masama ang loob ko sa nakuha kong midterm kanina. Sabihan ka ba naman na NGAYON na ang midterm isang oras bago magtest kaya nagkumahog ka magmemorize sa incomplete mong notes, na hindi pa maintindihan ang sariling sulat. Malito ka ba naman sa punyemas na enumeration kasi dalawang set ‘yung ibigay sa inyo.  Wala akong masisi. Wala.

Kaya gusto kong aliwin ang sarili ko sa kantang mga inlab lang ang nakakarelate.

At hulaan mo ngayon kung ano itong L na biglang pumasok sa mamasa-masang kong kukote (basa kasi kanina pa gamit :))

Libog? ‘Wag kang bastos. Wholesome ako. Lust? In-ingles mo lang. Langis? Utang na loob, naghihirap na ang bansa. Alam ng lahat ‘yan. ANO?

Love. Isipin mo na na napaka-corny ko. Totoo. Mahirap magdiscuss ng pag-ibig ng isang taong walang alam gawin kundi puro kalokohan, kalaliman at quotable quotes. Ayaw sa korni eh. Nabasa n’yo na ba si Bob Ong? Wala akong matandaang naisulat n’ya ang kanyang buhay-pag-ibig doon, kundi ‘yung babaeng sinubok n’ya lang sa popular na matchmaking noon na Flames Hope Camel, na magkakatuluyan daw sila. Kaso nagpunta sa Japan. Di ba? Ang weird.

Pero sabi nga nila, sa bawat tawa at ngiti, may ibig sabihin. Gusto kong galugarin ang mga tawa ko na binahagi ko na sa lahat. At naniniwala ako na dalawa lang ang dahilan para maging corny ang isang tao: ‘pag inlove siya, o bitter/brokenhearted s’ya. Pero aminin natin, na kadalasan, dahil yun dun sa una. Kung wala diyan, ibig sabihin, hindi ka tao.

Etong kantang ‘to ang may sala kung bakit ko ipopost ang korning post na ito (na limang beses ko pinakinggan masabi lang na bina-background music ko ito.)

Ako, ‘yung isang taong korning-korni sa love. Sa cheesy na pick-up lines. Sa palitan ng matamis na iloveyou, iloveyoutoo, iloveyoumore, iloveyoumost, o kung anu-ano pa. Ang mga naging dabarkads ko kasi nitong college, asexual kong maituturing. Mga babaeng hindi nagkakagusto sa lalaki, dick hater ata, pero hindi naman lesbyana. Pero mannish kumilos. Kung nakokorihan ako sa L, sinampung ako sila.

Pero sabi nga nila, madali ngang husgahan ang mga bagay ‘pag di mo pa nararanasan.

Sino ba sila? Secret. Malabong naging tomboy ako nang walang lovelife. Kasi dun mo madidiskubre sarili mo. ‘Yun ang batayan.

Elemetary. Nainlove ako sa friend kong bakla dahil prinsesa niya ako kung ituring.

Hayskul. Nagkagusto na ako sa babae kasi chinita sya at mabait sa’kin. Utu-uto naman ako.

Hayskul. Fourth year. Nagustuhan ko ‘yung babaing biglang nagtanggal ng salamin, na buong gabi kong inisip, na parang may play button na paulit-ulit kong nakikita.

AT itong si babaing nakasalamin ang masasabi kong nagpawala ng aking katinuan. Tatawagin ko siya sa pangalang Iza. Kamukha niya kasi si Iza Calzado.

Valentine’s Day, year 2008. Hindi ako mapakali na wala akong mairegalo sa kanya. Kelangan meron. Kahit kapos ako noon, kaya nangutang ako, dapat meron. Bumili ako ng box ng chocolates at isang maliit na teddy bear na nakapatong sa kahong nababalutan ng plastic. Nagpasama sa friend kong tomboy din. Nakipag-away kami sa guard para makalabas ng campus para bumili ng gift wrapper like no other. Nakipag-away ulit sa guard para papasukin kami. Nag-cut ako ng klase sa CAT kasi, inaasikaso ko yung regalo, at pilit kong tinatago. MUKHA AKONG TANGA,  sabi nila, na sabi ko rin. Naibigay ko naman ng matiwasay, hindi ako ‘yung nag-abot, yung friend ko. Andun lang ako.

Pero kinabukasan, nabuking na ako ‘yun. Tanginapakyusaearth. Nawalan ako ng mukha.

College. Crush na ‘yung sumunod. Naalala ko siya sa kantang Poker Face. Hindi naman siya mukhang poker. Sakto lang naman ang face. Hindi naman n’ya kamukha si Lady Gaga. Naiimagine ko lang ata na kaboses niya.

And here she comes. Ang babaing mas matindi pa kay bagyong Iza.

Sino siya? Secret. 😛

Alam mo ‘yun mga bagay na hindi mo inaasahan, dumating? L comes when you least expect it. Nabago talaga ang buhay ko. Buong buhay ko, torpe ako. Natatakot mareject. Kasi nga, alam ko, ang babae, para lang sa lalaki. Kung may mahulog sa’kin, salamat. Pero suntok sa buwan ‘yun.

Pero iba siya. Siya ‘yung nagparamdam na pwede pala akong mahalin. Naappreciate niya lahat. Pagpapatawa. Sweetness. Thoughtfulness. Pero masyado ata akong nakampante. Torpe pa din. Hindi ko namalayang inlove na ako. Gusto ko manligaw, kaso personal kong aaminin. Kaso di kami nagde-date. Naunahan tuloy.

Pero umasa ako. Asang nabubulok. Nabulok ng isang taon. Nakahanap na ulit siya ng iba. Habang ako, siya pa rin.

Sa friendship nagsimula, sa friendship din natapos.

At pag inlove ka, mahirap itong itago. Nahalata ng friend ko na inlove ako dito kay ex-L (tae, parang size ng diaper) kasi, nung kinikwento ko daw siya, kumikislap ‘yung mata ko. Baka may faulty wire, teh.

Napakinggan ko lang yung kanta sa itaas,  bumalik sa alaala nitong dati kong L na isang taon ko hinintay kahit may syota na. May ilang araw, linggo, at malapit na maging buwan, na hindi ko siya kinakausap, ni ha ni ho. Okay na ‘yun, para maka-move on.

Masarap tumawa pag may meaning. Masaya mabuhay pag may kasabay ka sa lahat.

NGAYON. Wala. Walang laman. Pero may inspirasyon.

Mayroon akong classmate. Hindi naman kagandahang lalaki. Pero, ang imba (imabalance) ng mga naging jowa. Me sinabi ang pes. Bakit daw?

Ang mga taong cute, pinapakilig ka. Ang mga taong seksi o hot, pinag-iinit ka. Pero sa mga taong magaling magpatawa/ngiti, maiinlove ka.

Kung gaanon, di sana, wala nang stand-up comedian/ne na ngumangawngaw ng iyak dahil iniwan ng syota nila. E di sana, hindi ako malungkot.

Reality check: Kaakibat ng pagmamahal ang masaktan ka. Kasi, ‘pag nasaktan ka, dun mo malalamang nagmahal ka talaga.

Kung mahal mo ang isang tao, ipaglaban mo. Kung matalo ka, subok ulit. Kung wala na, tanggapin mo na. Acceptance is the key para maka-move on.

Ngayon ko naisip: CORNY talaga ang mga taong inlove. Kung kakausapin ko ang sarili ko, malamang, may kasama pang batok at kurot sa singit. Sabay tawa. Pero, that’s the most wonderful feeling na mararamdaman ng isang tao.

Kung nanalig ka dito, itaas mo ang kanan mong kamay, pagdikitin ang mga daliri, tumindig ng diretso, at irecite ito:

Ako, si (pangalan mo), ay naninindigang minsang naging corny/ay corny ngayon dahil nainlove na ng bongga. At ako, ay naniniwalang totoo ang sinasabi ni Katingera, na nagmukha rin akong tanga sa ngalan ng pag-ibig. Bilang kaisa niya, sumusumpa ako, ngayong ika (petsa, buwan at taon)  na ipagmamalaki na ako’y CORNY at TANGA dahil ako’y taong may pusong marunong magmahal.

Umayos ka. Seryoso ako. *impit na tawa*

Ang mga taong cute, pinapakilig ka. Ang mga taong seksi o hot, pinag-iinit ka. Pero sa mga taong magaling magpatawa/ngiti, mahuhulog ka.

Sana nga. Isang araw, may mabihag ako.