Sleepless, but not homeless.

Sa isang kwentuhan, nag-ala Zenaida Zeva ang kaibigan ko at sinabi sa akin kung anong nabasa niya sa script na sinulat ko– tungkol ito sa bidang papogi na astras-abante pagdating sa relasyon, nagpapaka-sigurista sa isang ideal love, ‘yung klase ng pag-ibig na hindi matupad-tupad dahil hindi naman nag-eexist. He’s longing for love, as if it’s the only thing that matters to him, pero takot na takot itong umibig.

“He”, but actually, sabi niya, ako raw ‘yung karakter ko na ‘yun. Tsong nakakalimang yosi na ako, pero bulabog pa rin ang kaluluwa ko. Hindi ko inakalang ako pala ‘yung bida-bidang pabida sa kwento ko, samantalang gusto ko lang naman talagang gawin ay ang magkwento.

Pinilit ko siyang kalimutan kinabukasan. Naglaro lang ako ng Farmville sa opisina, at kinausap ang kaibigan ko. Sa gitna ng mga virtual na kamatis at blueberry, nagtatanim ng sama ng loob sa akin ang kaibigan kong sa tingin ko ay depressed

Hindi ko alam kung nakakahawa ba ang depression, pero sapat na sigurong dahilan ito para puntahan niya ako.Sinabihan kasi siya ng kaibigan kong si Zenaida Zeva na bakasyon muna ako, ikaw muna bahala.  Pero ang totoo, ikaw muna ang bahalang magpautang sa kanya kasi nakalimutan ko siyang iwan ng pera.

Malalim na ang gabi pero magka-chat  pa rin kami dahil buong akala niya ay hindi ako okay.

Pero baka nga, ako ang mali ng akala. Hindi kasi ako makatulog noon at maraming iniisip, kasama na roon ‘yung revelation sa sinulat ko.

So to keep me company, pinilit niyang mag-drive sa bahay ko kahit ayoko sana. Ayoko kasing makaabala sa oras niya at alam kong pagod siya sa trabaho. Hindi siya lasing pero nakainom; ayaw niya pang maniwalang hindi siya amoy-alak

Pansinin mo: parehas kayo ng kaibigan mo eh. Sinasabing niyo parehong ‘okay kayo’.

The moment she came in, hindi ko alam pero gusto ko siyang yakapin, and… sige na nga, i-kiss na rin. Pero hindi dala ng libog o attraction dahil maganda pa rin siya kahit pa nakainom, o dahil malakas lang talaga ang loob ng bagong toothbrush. I don’t know, it feels like your wife’s coming home to you.

Hindi ako nangutang ng pera, pero sagot niya ang yosi. Magka-usap lang kami buong gabi. Ang problema ko ay problema niya rin.

That moment, doon ko narealize na hindi siya ‘yung wife’s coming home to me— she’s my home who just came in, just in time.
Nagkakatisod-tisod na ang dila niya habang nagkwe-kwento, pero alam mo ba ‘yung pakiramdam na, kaya niyang tanggapin ang lahat ng baho kong mas masangsang pa sa alak na ininom niya? She knows the right words to say, na kahit magsayaw ako sa mga letra, hindi ako madadapa.

Buong buhay ko, naging sigurista ako sa mga gagawin ko, especially sa pag-ibig at commitment. Bilang na bilang ko lahat: mula sa paghinga, paghakbang pati mga tigyawat sa mukha.  Iniisip ko sana kamukha ko na lang si Tom Rodriguez, pwede na rin si Tom Taus. O baka mas gwapo ‘yung ex ng Mama ko o mas maganda ex ng Papa ko; sana hindi na lang sila nagkatuluyan. Siguro mas madali akong magustuhan ‘pag ganoon. So eto, sinubukan kong sumuot sa sapatos ng iba: kailangan kong maging astig, cool, creative, magbaon ng isang sakong humor at maging matalino kasi turn off daw kapag bano kausap.

Buong buhay ko, nakakahiya pero ‘yan ako. Pero sa gitna ng mga salita niyang sigurado akong hindi na niya tanda ngayon, tinuturuan niya akong sumugal, na maganda ang gabi pero dapat ay abangan ko rin ang umaga kahit hindi ako sigurado kung magigising pa. Tinuturuan niya akong mahalin ang sarili ko. Hindi ko kailangang maging matalino noong gabing iyon, dahil ang kalutangan niya ay kalutangan ko rin; iisa ang mga kapalpakan namin.

Pinatunayan niya sa aking love is blind, kasi ang ganda-ganda niya pero wala na akong paki roo; hindi ko na ‘yun nakikita.

Magsasalita na ba ako? Hindi. Gusto niyang mahalin rin ang sarili niya. Hindi niya ako kailangan ngayon. Pero, handa akong maging bahay niya kung kailanganin niya ng mauuwian.

Kinabukasan, pinakikinggan ko ang mga maaangas na kanta sa phone ko papasok sa trabaho, pero nakababad ko ang utak ko sa Loving You ni Nina. Parang buong biyahe ng buhay  ko, nakangiti lang ako pero wala akong pake kahit natatakot na ‘yung isang pasahero sa itsura ko.

Kinakamusta niya rin ako; hindi ko masabi sa kanyang siya ‘yung sagot sa mga agam-agam ko, na siya ang tatapos ng sinusulat kong script.

Kaya pala hindi ako makatulog nung gabing ‘yun, dahil mas gusto kong matulog sa mga braso niya.

Buong buhay ko? Hindi siya. Pero siya ang bahay ko.

 

 

Papa Cologne Diaries

Dahil minsan, minsan lang naman tayo popogi.

 

Naalala ko ‘yung solid na pagkatay ni Papa John Lloyd Cruz sa mukha ni Lander Vera Perez sa Honor Thy Father. Hindi naman siya super wasak ang pes ni Vera Perez. Pero para maglakas-loob kang sumugod para katayin ang kalabang nagpapaputok ng baril? Whoah. Kaya may naalala rin akong solid na eksena sa isang araw sa isang building sa Ortigas.

Isang taon na siguro ang nakakaraan, nakatanggap ako ng text message noon sa Viva Films. Naghahanap pa kasi ako ng trabaho ko noon kahit nagsisimula na akong makipag-usap sa mga ‘Kano. Syempre, tyansa ko nang makabalik sa tunay kong tahanan, pumunta ako.

Dahil panggabi ang shift ko sa call center, didiretso na ako sa interview after ng shift ko. Wala pa akong kahit anong pormal na damit noon, kaya naka-shirt lang ako pero may hoodie. Mayroon akong green na polo shirt kaso solid sa pagka-green kaya nagmumukha akong puno kapag suot ko. Nagtanggal din ako ng hikaw sa kilay at maingat na itinago ang resume sa envelop. Pero dahil medyo mahaba pa ang oras mula sa shift ko sa trabaho hanggang sa oras ng interview, natulog muna ako sa opisina.

Zzzzzzz

Punyeta! Sakit ng ulo ko pagkagising, punyetang aircon kasi. Hanggang sa bumalik ang malay ko. Punyeta, male-late na ako! Konting mumog at hilamos, sugod ako sa Ortigas.

Nasa reception ako habang naghihintay ng mag-iinterview, napansin kong hindi pa rin ako pala ako kagalang-galang tignan. May nakita akong mga empleyado doon na napakalinis, ultimo guard. Doon naman lagi nagsisimula ang pagbaba ng kumpiyansa ko sa sarili sa tuwing may ina-apply-an ako– ‘yung itsura ko at iisipin ng taong kaharap ko. Hindi pala sapat ang hoodie jacket para magmukhang pormal. Pakiramdam ko pati, amoy-kama pa ako sa sleeping quarters. O amoy-punda na 6 months nang hindi nilalabhan. O amoy-laway. O kaya amoy-wallet na may amag. Sa lahat ng uri physical imperfection na pwedeng makuha ng isang aliping sagigilid, ang mabahong amoy ang pinakaayaw ko. And what do I have? Papa Cologne!

Ang Papa Cologne ko noong mga panahon na ‘yun ay nabili ko lang sa mga perfume stalls na hawig sa amoy ng isang world-class na eau de toilet, o perfume, basta ‘yun na ‘yun. Problema ko ang bill ng kuryente namin buwan-buwan, bakit ko pa iisipin ang pagkakaiba nun?

Pinilit kong itago ang pagpisik para huwag masyadong kumalat ang amoy. Konti lang sa pulso, likod ng tainga. Pero kasing bilis ng tsismis kung nang kumalat ang amoy ng pabango ko. Gusto ko na ngang higupin singhutin lahat ng particles ng pabango para huwag lang kumalat.

Maya-maya, dumaan si Lander Vera Perez. Naturalmente, napansin ko siya kasi alam kong artista. ‘Wag kayong mag-alala, hindi siya “na-mesmerize” sa akin dahil pang-lalaki ang pabango ko.

Habang naghihintay ng tawag ng mag-iinterview, at sa pag-alis ni Vera Perez, dumaan ‘yung isang bading at babae. Hanggang sa (NV):
Bading: Amoy-gwapo! Sino ‘yun?

Receptionist: Baka si Lander, dumaan siya kanina.

Umikot-ikot pa siya na animo’y may aawrahan sa Santa Cruzan, nakatikwas ang mukha at mga daliri at pilik-mata.

 

Mag-aamoy mayaman, kahit na pagpawisan

Magpatuloy magbasa “Papa Cologne Diaries”

Hithit-Buga

Bumili ako ng isang kahang yosi kanina. Actually, nagpapabarya lang ako. Natapat ako sa tindahan ng kapitbahay namin at kakilala ng mga magulang ko mula pagkabata ko. (NV)

Siya: Sa’yo ba ‘to?
Ako: Opo.
Siya: Nagyoyosi ka na pala?
Ako: Opo, minsanan lang. Pang-isang linggo po.
Siya: Sabagay okay lang naman magyosi ka na. May trabaho ka na eh. Laki siguro ng sahod mo.
Ako: *tawa* Ay hindi naman po.

Bakit ba tayo tinuruan ng lipunan na ang pagyoyosi ay taboo, ano?

Isang sampal ang inabot ko sa Nanay ko nung umamin akong nagyosi ako sa banyo. Hindi pa ako sabik sa usok noon, curious lang. May nag-iwan kasi ng isang piraso sa bahay. Nag-Roger, Roger naman sa akin ang hearing sense ko noon nang bumukas ang pinto, kaso sa Nanay ko pala naman ‘yung sobrang talas ng pang-amoy. Bukod pa doon, nabago raw kasi ang pwesto ng posporo sa kusina.

Pinaka-unang halik ko talaga sa yosi eh, high school. Marlboro lights sa singit-singit ng eskinita sa eskwelahan namin. Kasi ‘yun yung yosi ng isa kong kaibigan. Bukod doon, sinunukan din naman ang DJ Mix, na doble ang presyo ng karaniwang Marlboro Lights kasi flavored. Nahuli pa nga ang isa kong kasama ng isang teacher habang humihithit. Wala pa halos sa kalahati, tinapos niya lang sa sahig. At dahil ang yosi ang parang gintong kwintas at ngipin na galing ng Saudi, dinampot niya ulit iyon at hinithit. Buti na lang noon, hindi pa ako bumibili.

Nung hindi ko na naging kaklase ‘yung dalawang barkada ko sa itaas, hindi na ako nanigarilyo. Hindi ko gusto ang amoy at hindi na rin naman ako naglalaway.

Hanggang sa magkolehiyo ako, kinain ko rin ang sinabi ko.

Natuto ako manigarilyo simula nang nagkakaroon na ako ng sariling mundo. May mga kaibigan naman ako pero hindi ko sila masyadong nakakasama, mapa-blockmate man o tropa ko lang kung saan. Bumugso rin ang samu’t saring problema. At dahil mas mahal ang bote ng alak, walang kainuman at bidyoke, doon na lang ako sa yosi na madaling mabili sa bangketa.

Pero anong nagpa-trigger sa akin? ‘Yung madamdaming pagyoyosi ko sa Cubaom isang gabi. Galing ako noon sa isang slumber party ng pep squad noong college, na hindi naman talaga slumber party for me dahil nagpunta lang ako doon para kumain ng Adobo with rice. Halos hindi ako nagsasalita noon kahit maingay sila, at may curfew pa. Doon ko naramdaman ‘yung pagiging indibidwal, ‘yung pag-iisa, ‘yung mahigpit na kapit sa aking leeg, at expectations ng mga tao na isa akong malinis na tupa. Masama ang loob ko sa mundo na hindi ko alam kung sino ang sasapakin ko.

So gumawa ako ng bagay na ayaw na ayaw makita nang lahat: nagyosi ako noon.

Pero again, bakit minulat tayo na taboo ang paninigarilyo?

At umani ito ng kritisismo. http://www.smokersnews.net/anne-curtis-nora-aunor-magazine-cover-photo/

No, don’tell me na masama sa kalusugan mo at ng mga lalanghap. Lahat na ata ng pagkaing Pinoy, pwera atsara, makolesterol. Masiba tayo sa kanin na dagdag-carbs at maaaring magdulot ng diabetes. Wala nga tayong kapaki-paki kahit mabulunan na. No, don’t tell me dahil marumi sa bibig. Hell, wala tayong tinitirang parte ng manok na hindi pwedeng kainin, ultimo kuko ng manok; kahit saang sulok pa ng kalsada pa ‘yan niluto. No, don’t tell me na dagdag-polusyon. Masyado nang malayo. Don’t tell me na para hindi tayo mamatay nang maaga, kasi may mga namamatay sa lung cancer na never nanigarilyo. Don’t tell me na dahil mabaho, kasi mas mabaho pa mga pinaggagagawa natin sa buhay natin kaysa sa amoy ng usok ng sigarilyo.

Tipong kailangan, may lisensya ka kapag nagyosi ka na. Dapat college graduate; dapat may trabaho. Samantalang kapag gusto mong magwalwal, magpakasabog, hindi papasukin ng guwardiya sa trabaho, mag-text sa ex, magbasag ng bentilador, magswimming sa sariling suka at ihi, alak hinahanap natin. Na sabi ng magulang natin, okay lang, basta tuwing okasyon lang. Kaso inaaraw-araw natin ang okasyon.

No, don’t tell me na tino-tolerate ko ang paninigarilyo. Dahil hindi ito parang yosi na iitsa mo na lang kapag nasagad mo na ang paghithit hanggang sa filter.

Oh, may National Smoking Ban na ah.

How A Grown-Up Celebrates Her Birthdays

Katulad ng mga nagdaang birthdays ko, hindi pa rin ako nag-celebrate.

Kaya nagpapasalamat ako sa mga magulang ko noong 1st at 7th birthday ko. Kung hindi dahil sa kanila, hindi ko mababasa ang pangalan ko sa cake. Hindi pa nga dapat counted ‘yung isa dahil hindi pa ako marunong magbasa at wala pa akong alaala noong unang beses na magkaroon ako ng birthday celebration.

Salamat rin sa mga Undas, nationwide blackout at mga pinuputol na kable ng kuryente. Kung hindi dahil doon, baka hindi ko naranasang mag-ihip ng kandila.

Bakit nga ba I make my birthdays boring and ordinary?

Nagsimula ito noong college. Hindi ko alam kung sadyang idol ko lang ‘yung kaklase kong si Maui. Siya kasi ‘yung taong hindi trip na binabati at brino-broadcast ‘yung birthday niya. Naisip ko na tipong, “cool” siya. Pero years later, nagkaroon ako ng personal kong dahilan.

Nabanggit ko na rin dati sa post ko na, tumatanda na ako’t dumadami na ang responsibilidad. Lalo na nung nagtrabaho ako sa tindahan habang nag-aaral ako. Pakiramdam ko, kulang ang bente-kwatro oras ko sa isang araw. Para ako laging mauubusan ng oras, kasama na sa mga oras na nasasayang ‘yung tig-iisang minuto kong pag-iisip, ‘yung tipong sa kalagitnaan ng pagiging punong-abala mo sa realidad eh, magte-teleport ‘yung utak mo sa mga ulap. Nasasayang, wala namang nasasayang na oras sa pag-iisip pero sa realidad, meron.

Isa pa, hindi ko alam kung may imbisol ba akong balat sa pwet pero, may mga bagay na nangyayari bago o matapos ang birthday ko. Tipong iiyak ka na lang bigla. Eto mga example:

15th, isang araw bago magpasahan ng baby thesis. Hindi ko actually alam kung baby thesis ba talaga iyon, kasi nung mga panahon na ‘yun, thesis para sa akin ‘yun dahil 3rd year high school pa lang ako noon at first time ko siyang ginawa. O baka baby thesis siya na nag-ngingipin na (shet ang corny). May kapartner naman ako sa paggawa kaya hindi lahat ng hirap eh, sinalo ko. Nung araw na iyon, binigyan ako ng pera ng lolo ko, pa-birthday niya sa akin. Pero naubos iyon sa kakapa-print. Naubos rin ang oras ko sa computer shops. Pero hindi pa riyan nagtatapos ang kasiphayuan ng tadhana.

Sinurpresa ako ng birthday bash ng mga virus sa diskette kung saan naka-save ang thesis namin. Oo na, 2007 na noon at uso na ang flash drive. Pero nung mga panahon na iyon, sanay kaming gumawa ng apoy sa pinagkiskis na bato at sa pakiwari namin, mahal ang flash drive. Pinipilit kong magpakatatag noon dahil umiiyak na ‘yung thesis buddy ko. Mabuti na lang, may kalahati ng thesis namin na naka-save sa computer ng kaklase naming isa, pero hindi siya aabot sa oras ng pasahan kung gagawin namin ang kalahati kaya ang napagkasunduan: handwritten thesis.

Hindi ko na masasagot ang tanong kung saan at paano kami nakakuha ng kopya para isulat iyon lahat. Basta ang alam ko,  mangiyak-ngiyak ako na umuwi ng bahay dahil sobrang gabi na noon para sa isang high school student. Hiyang-hiya ako habang naglalakad nang nakapalda pa. Isa pa, ‘yung ang mga panahong pinagagalitan ako ng tatay ko dahil alas-sais ako lagi nang gabi umuuwi; quota na ako. Pero hindi naman ako napagalitan pag-uwi, pero naiiyak pa rin ako sa haba ng sinulat ko. Medyo lumamang kasi ‘yung thesis buddy ko kasi sa kanya ‘yung first part, sa akin napunta ‘yung body with matching footnotes pa kaya ang hirap magtantsa. Medyo nagmukhang sugatan ‘yung thesis ko sa dami ng maninipis na papel na patsi-patse  dahil sa mga mali kong mga naisulat. Oo, wala akong liquid paper. Pang-OC lang ‘yun.

Ang ending, napagbigyan kaming habulin ang thesis na typewritten kinabukasan. In short, walang silbi ‘yung pagpupuyat ko at pagka-cut ko ng first subject para tapusin iyon. Pero binati ako ng mga tao sa bahay namin ng happy birthday. Happy as ever.

16th, nagkaaway kami ng isa kong kaibigan. Di niya ako kinausap. Pero nagtext siya at nagsorry.

18th, nakapag-out ako sa mga pinsan ko. Sabi nga ni Ju, half of the battle was won! Nag-iinuman kami sa labas habang tila tinutulian ako, nang tawagin ako ng nanay ko sa loob ng kwarto at tinanong kung babae o lalake ang gusto ko. Hindi ko matandaan ang sagot.

Bilang debutante, hindi ako nakaligtas sa pambabalasubas. Nilagyan ako ng make-up at nagsuot ng pambabaeng damit. Masaya akong gumising kinabukasan hanggang sa marealize kong wala na akong pera.

19th, days before, nagpaikli na ako ng buhok to officially mark my manhood. Naks! O queerhood siguro. O lesbianhood. Kung ano man ang tawag mo run.

‘Yun na siguro ang kahuli-hulihan kong birthday na sinabi ko, hindi na ako magse-celebrate.

20th, nagpamanicure ako, ‘yung nude ang kulay. Wala lang, baklang-bakla lang ang pakiramdam ko. Naging tradisyon ko na siya tuwing birthday ko.

Sinurpresa ako ng friend-slash-crush ko ng surprise. Usapan kasi namin lalabas lang kami. Pero biglang dumating ‘yung closest friends namin. Akala ko noon, mababadtrip ako noon kasi isinama niya ‘yung jowa niya.

And how did I end it? Ayon, nanood ng porn videos. Actually, hindi nanood– nagbabad.

21st, lumabas kami ng pinsan ko at kaibigan namin na bading. Dahil ganap na binata na raw ako, punta raw kami sa beerhouse! Pero syempre, hindi pumayag ‘yung isa, kaya nauwi kami sa ibang chicks– grilled chicks ng Mang Inasal.

22nd, graduate na ako’t may trabaho na. Day off ko sana, pero pinasalo ako sa isang shoot dahil masama ang pakiramdam nung dapat na gagawa.

23rd, nabigyan ako ng memo kaugnay ng mga booked flights na hindi naayos.

24th, just went ordinary. Medyo iba pala ang feeling na sa pag-uwi mo, ordinaryong tao ka lang. Nawala pa sa piling ko ‘yung pinakamamahal kong phone dahil kinailangan ko siyang isangla, ilang araw bago ang birthday ko. After a week, natanggal ako sa trabaho.

So para sagutin ng diretso kung bakit hindi ko trip mag-celebrate? Ayoko kasi na maramdaman ko na espesyal na tao ako sa araw na iyon. Na dapat, walang sisira ng araw ko, wala akong makakasalubong na kupal, na hindi ako exempted sa realidad at responsibilidad. Ayokong manggaling sa ibang tao, sa planeta, sa bituin o kahit sa horoscope ko pa na araw ko ito. Ayokong manggaling sa tadhana at kapalaran na magiging smooth ang araw na iyon dahil hindi ko naman kontrolado lahat. Nagsisimula ang lahat ng ito sa pinaninidigan kong ayoko ng expectations at to think for the worst. Kung mababasa mo naman sa itaas, lagi naman akong napagtritripan ng kung sino man tuwing birthday ko.

Hindi ko sinasabing kamuhian ang happiness, pero gusto ko lang kasi na inaangkin ang araw ko, kasi araw ko ‘yun, na hindi ka tumatakas sa realidad. Kaya mas okay sa akin na batiin ako bago magtapos ang birthday ko
para maipaalala sa akin na isang beses sa isang taon, may isang araw akong inangkin.

Tsaka ewan ko, naiilang ako kapag binabati ako ng di malapit sa akin. Lalo na kapag hindi mo inaasahang kukulitin ka kung kailan ang birthday mo, mag-aabang ng alas-dose sa orasan. Tapos sa susunod na taon, mag-aabala ka oang regaluhan ka kahit tapos na ‘yung araw mo.

Siya siguro, ‘yung icing sa ibabaw ng birthday cake mo.

Para Sa Aking Mga “Basha”

2005

Natatandaan niyo pa ba kung kailan tayo unang nagkakilala? May mga kanya-kanya tayong mundo, kumbaga mga estranghera pa lang tayo sa isa’t isa. Doon sa maliit na classroom na ‘yun, unang araw ng klase ko sa 2nd year, high school.

Ikaw, hindi ko alam kung anong pumasok sa kukote mo’t pinakisuyuan mo akong magbantay ng bag mo dahil bibili ka ng pagkain. Hindi ko alam kung iisipin ko bang matigas ang mukha mo o medyo nakakatanga na ipabantay ang bag mo sa hindi mo kakilala. At ikaw na isa pa, hindi ko alam kung paano ka namin naging kaibigan. Basta ang alam ko lang, naging magkatabi tayo sa Algebra dahil magkalapit ang apelyido natin. Utang ko sa’yo ang identity ko: na narealize ko at nakilala ko na ang sarili ko na isa akong tomboy nung nagkwento ka sa’kin ng babaeng prospect mo sa classroom.

‘Yun ‘yung mga panahon na, bawat araw ay parang isang regalo. Hindi ko alam kung anong magaganap sa araw na iyon: kung hindi mga panakaw na papuri sa’kin ng mga classmates natin tuwing mataas ang nakukuha ko sa exam natin sa Biology, o kaya minsan ay iiyak na lang ako sa isang tabi dahil sa mga kaklase kong lalaki na binu-bully ako. Anuman ang makuha ko: katol, cupcake, singkwenta pesos o kaya’y basang medyas, pinapakita ko sa inyo. Naging sandigan ko kayo sa mga panahon ko ng pagbuo ko ng sarili ko: kalakasan, kahinaan, identity crisis, o kung ano pa man. Tama, regalo ang bawat araw hindi dahil sa mga unexpected circumstances, kundi dahil kayo mismo ‘yun.

I’d rather have bad times with you, than good times with someone else.

Dumating ang mga sumunod na taon, nagkahiwalay na tayo ng section. Pero solid pa rin, walang nakakalimot. May mga pagkakataon naman na nagkikita pa rin tayo dahil iisa lang ang teacher natin, hindi ba? May pagkakataon pa ngang ginawa kong pamunas ng uhog ang palda mo nung hindi ako nakapasok sa Division Level ng Science Quiz Bee. Sa inyo ko rin siyempre, nakwekwento ‘yung mga sweet hearts ko, na ako lang ang nakakaalam.

I’d rather be beside you in the storm, than safe and warm by myself.

Ganyan tayo kasolid eh. Kahit umuulan na. Kahit malakas ang hangin. Kahit may isang batyang baha na. Kahit iisa lang ang payong natin, tapos sira pa. Kahit nililipad na ‘yung mga palda natin. Kahit basa na ‘yung uniform natin. Solid tayo. Hindi maghihiwalay.

College. Iisang unibersidad at building lang ang pinapasukan natin. Magkakaiba man tayo ng oras, lagi naman tayong nagkakabungguan dahil sa liit lang ng mundo natin. Maliit lang ang mundo nati dati, hindi ba? Masaya na tayo sa mga simpleng bagay. Pero dinaig pa ng mundo natin ang mga garter ng panti ko sa bilis nitong lumuwag.

Marami na tayong napalipas na oras, na panahon. Marami nang bagay na nangyari. Marami nang bagay ang nawala, dumating o napalitan. Marami nang pananaw ang nabago.

Ayoko na ng pink, mas gusto ko blue.

Ayaw mo nang magka-boyfriend.

At ikaw, hindi ka na tomboy.

Ako, ganun pa rin. Muntik na nga akong maging kalbo eh, look!

Ah, ‘wag mong sisihin ang sarili mo. Hindi mo kasalanang magkalapit tayo ng surname at nagkatabi tayo sa Algebra classes.

Tomboy talaga ako. Salamat sa’yo.

Napalayo na ako sa Diyos. Sa  Diyos niyo.

Pero, ‘wag kayong mag-alala, masaya ako.

May mga bagay na tayong hindi pinagsasang-ayunan. Ni hindi ko na maalala kung kailan ‘yung pinakahuling beses na nagkita tayo na wala akong nararamdamang pader na nakaharang sa pagitan ko at ninyo. Habang tumatagal, ang mga bagay na hindi natin pinagsasang-ayunan, lumalaki at lumalawak. Para tayong nasa panahon ng World War II na hindi nakapag-usap, o nagkita lamang ng dalawang beses sa loob ng humigit-kumulang dalawa hanggang tatlong taon, sa kabila nang may mga Facebook at cellphone naman tayo, at sa napakaliit na distansya ng Pasig sa Quezon City.

Natatandaan niyo pa ba kung kailan tayo unang nagkakilala? Ako, oo, 2nd year high school, year 2005. Tanda ko kung kwarto, ‘yung mga silya, ‘yung mga suot natin at kung gaano ito kaplantsado dahil first day of classes, pati’yung ingay ng ibang estudyante sa labas.

Siyam na taon mula nung una tayong nagkakilala, nagkita tayo ulit. Pero iba na sa pakiramdam at iba na ang eksena. ‘Yung magaspang mong mukha, at ‘yung lugay ng itim na itim na buhok lang ang natira sa alaala ng 2005.  Alam niyo ba ‘yung pakiramdam na, estranghera tayo ulit? Pero tayo ‘yung magkakaibang taong hindi na mapagsasama ulit.

O, sa madaling sabi, ako lang siguro.

Sinubukan ko pa noon na magsimba kasama ka at pamangkin mo, habang hinihintay ‘yung isa. Bilang alam kong isa ako sa mga taong kinukundena ng Bibliya, nagmukha akong naglalakad na kasalanan. Pero hindi ko na masyadong inintindi ‘yun, hanggang sa may nag-flash sa higanteng screen ng isang lalaki na dating bakla. Alam kong sa kaloob-looban mo, hindi mapuknat ‘yung ngiti mo. Patay.

Doon ko narealize na, wala na tayo sa taong 2005. Na hindi na ako natatawa sa physical deformities natin, o sa pagiging caricature natin. Hindi na ako natatawa sa ice cream na nagiging balbas. Na hindi na ako kasing bait dati. Na ang tingin niyo sa mundo ay mundo, pero ang tingin ko rito ay isang malaking bus na magbayad man tayo ng patas, hindi lahat ay nakakaupo. Nakatayo na nga, wala pang handrail.

Sa totoo lang, pinipilit kong maging gentle sa kaloob-looban ko. Ayoko man pag-usapan ang stress, hirap at pagod ko sa trabaho, pinipilit ko siyang isingit sa usapan dahil sa mga tanong ninyo.

Kumusta na puso mo? May boyfriend ka na no?

Naaalala mo si Bennett? ‘Yung crush mong lalaki noong high school?

Kumusta na si Grace, ‘yung iniiyakan mo dati?

Sabi mo dati, phase lang ‘yan.

Ikaw, kelan ka mag-aasawa?

Babae ka ba? I mean ‘yung preference mo?

Putang ina, sabi ng puso ko. Nabubulag-bulagan ba tayo? Hindi ba sapat ‘yung maikli kong buhok at ‘yung t-shirt ng tatay ko na suot ko para sagutin ang mga tanong na sa una pa lang, hindi na dapat tinatanong?

Naaalala mo dati, sabi mo, napapalayo ka na kay God?

Sa totoo lang, masakit.

Naku, wala na akong panahon sa mga ganyan.

Ah, oo si Bennett. Estudyante siya ulit, di ba?

Ayun, mukhang masaya naman siya. Wala na akong balita.

Ah, oo nga.

Hindi ko pa iniisip. Career muna.

Hindi ko muna iniisip. Career muna.

Ah, oo. *crickets chirping*

Tangina. Salamat sa career kong bumabagsak at sa trabaho kong pumapalya.

Ang sakit na, sa tagal ng panahon na ganito ako, hindi niyo pa rin pala matanggap kung sino at ano ang napili ko. Pero mas masakit doon, na hindi ko kayang magsalita, kasi ayoko kayong makitang nasasaktan. Ayokong maging sukatan ang pagtanggap at pagkakaiba sa kung sino ang totoong kaibigan sa hindi.

Malayung-malayo siya sa sakit ng isanlibong beses na pagkabasted at sa break up ng isang daang magsyota na tumagal ng tatlong taon. Sa pagkakaibigan kasi, walang commitment, kaya walang break up. Paano ko ba sasabihin sa inyong, ayaw ko na? Papaano ako lalayo at saan ako magsisimula? Option ba talaga ang paglayo in the first place? Ang lungkot, sampung taon– itatapon ko na lang ba talaga ‘yun?

O itatapon ko ba talaga? Andito na ako sa punto ko na, gusto ko na lang tapusin lahat– pero gusto ko kayong itago sa mga alaala. Sa taong 2005.

Salamat sa isyung hatid ni Manny Pacquiao. Ito na siguro ang panahon para magsabi ng ako ng totoo. Hindi ako sigurado kung tatanda tayong magkakasama ulit. Pero sana, oo.

 

 

Sa Bandang Guagua

Ano’ng ganap mo kapag Linggo?

Quarter to 10 o’clock ng umaga, binulabog ako ng mga tawag at text kanina. Pinagpapasalamat ko na lang na kahit papano, nagising ako, bilang mag-aalasais na ng umaga nang mag-shut down ako at mamaalam sa mundong ibabaw. Inasahan ko naman kasi na, paghaharian ko ang Linggo ko.

Kinagabihan, nagpunta ako ng Guagua, Pampanga para mag-interview ng isang babaing Katy Perry sa The One Who Got Away. Namatay sa komplikasyon ang lalaking dream guy ng mga babae sa pocket book: gwapo, mabait, torpe, malambing at masasabi ko namang may-kaya sa buhay  na luckily, si Katy Perry ng Guagua ang nagustuhan ngunit sa kamalasan, hindi tumagal. Whether sampung taon kayo, o isang buwan lang, ‘pag mahal mo, mahal mo. Kaya ganoon na lang ang pagsisisi ni Perry kung bakit hindi niya binalikan ulit si Boy Pogi.

At iyon, ang naudlot na love story nang dalawang ito ang naging dahilan kung bakit naudlot ang aking weekend. Wala raw kasing magsu-supervise ng coverage ng libing ni Boy Pogi kaya nagbakasakali ang aking boss na, kung wala mang taong nakalaan para sa trabahong iyon, ako na lang muna.

Napakamot na lang ako ng ulo habang naghihikab. Anak ng tokwa. Binigyan nga ako ng madaling trabaho nitong nagdaang linggo dahil hindi ako kayang pagkatiwalaan, pero binawi naman sa pagtadtad ng mga  trabahong sisimulan ko, pero tatapusin ng iba. Sabagay, mahilig naman ako magsaing kahit sa labas ako bumibili ng kanin.

Para akong makupad na desktop na punum-puno ng virus na nagbawi ng malay sa humigit-kumulang isang oras, at nang ma-realize ko na hindi panaginip ‘yung mga tadtad na tawag at text sa’kin kanina, doon na ako kumaripas. Mabuti naman kahit papaano, may na-assign nang producer na magshu-shoot. Happily ever after.

Habang papunta kaming shoot, pinag-uusapan na namin kung paano namin iko-cover ang libing ni Boy Pogi. Interviewhin din daw ang mga magulang at ang pseudo-girlfriend na si Perry. Tapos, baka raw pwedeng lagyan ng stylized shoot (term siya sa production na ang ibig sabihin, beauty shots. Para ma-visualize mo, isipin mo kung paano magwisik ng tubig at maghilamos ang mga babae sa Ponds facial wash). Minsan hindi ko maintindihan kung nakakawala ba talaga ng puso ang pagpro-produce o sadyang kailangan mong mawalan ng emosyon paminsan.

Sa wakas, matapos naming maligaw dahil wala akong kwenta sa direksyon, nakarating na kami sa chapel kung saan nakalagak si Boy Pogi. Hindi ko alam kung sadyang robot ako o talagang madilim o gloomy na aura sa paligid– siguro kasi kahit papaano, nakapagpaalam sila nang matiwasay kay Boy Pogi. Ang tanging emosyon ko lang noon eh, pagngingitngit sa tirik ng araw. Nagkataon pang sinuot ko ‘yung mainit kong damit (mala-varsity o sport shirt) na Slytherin Seeker. Parang blade na gumuguhit sa balat.

Hanggang sa umalis na kami ng chapel, at naramdaman ko na ‘yung mga niloloob ng mga matatandang dalaga: ‘yung tingin nila sa pag-ibig na isang mabagal at matamlay na prusisyon, habang papunta sa sementeryo. Akala ko, simpleng sementeryo lang iyon.

Wala, wala kang mababasang horror story dito na pwede mong ibenta sa Creepy Pasta at sa mga pamangkin mong maliliit na ayaw matulog nang maaga sa gabi.

May limang taon na siguro– o apat na taon o anim, o kung ilang taon nang nakakaraan, nang huli akong makadalaw sa sementeryo. Kahit anong sementeryo, ke sementeryo sa’min o sementeryo sa ilalim ng tubig, basta hindi ako nakapasok sa loob ng humigit-kumulang limang taon. Wala namang nag-iba sa itsura ng sementeryo base sa mga sementeryong nakita ko nung huli akong mapadaan; higit lalong wala namang kakaiba sa sementeryong iyon na pinuntahan namin.

Nabanggit ko ito sa producer na kasama ko noon. Tinanong niya kung wala ba kaming patay. Mukha lang akong zombie, pero mortal pa rin ang angkan namin. Sa mga namatay kasi sa side ng nanay at tatay ko, isa lang roon ‘yung inabutan kong buhay, si Tito Chris. Medyo may katiting na pagsisisi nga sa’kin kasi, hindi ako naging mapagmahal na pamangkin. I mean oo, concern ako bilang kamag-anak, pero hindi ko siya masyadong nilalapitan noon nang tamaan siya ng iba’t ibang uri ng sakit gawa ng droga. Kaya ayun, tuwing may bisita kami na hindi niya kilala, mga asa-asawa ng pinsan ko halimbawa, nagpapakita siya kapag nakikitulog sa bahay ng isa kong tita.

Kung physically fit siguro ako, kaya kong libutin ‘yun sa loob lang ng isang minuto. Kung may photographic memory siguro ako, kaya kong tandaan lahat ng pangalan doon in 3 minutes. Kung may psychic powers siguro ako at sixth sense, kaya kong magpatawag ng conference meeting in 4 minutes, lalo kung walang kaluluwang mag-iinaso. Ganyan kaliit ‘yung sementeryo.

Dalawang semeteryo lang ang gusto ko pasukin bago pa ako makarating dito sa munting sementeryo ng Guagua:

  1. ‘Yung isa, sa may highway papuntang Zambales, ‘yung paitaas ng bundok. Mga tatlo hanggang apat na beses ko na siguro itong nadaanan. Kahit malalim na ‘yung gabi at sementeryo siya, ayokong pumalya ng tingin sa mga nitso at mga nakatirik na krus. Bukod sa matatagtag ang fats mo sa pag-akyat, gandang-ganda ako sa landscape.
  2. Yung sementeryo sa San Mateo. Press work noon ng college paper namin sa bahay ng Editor-in-Chief namin. Madilim na noong mga oras na ‘yun kaya hindi ko na matandaan ‘yung eskinitang dapat kong hintuan. Naparami pa ata ng tagay ng kape ‘yung driver. Ayon, lumampas kasi jeep na sinakyan ko. Wala akong choice kung hindi maglakad. Tang inang sementeryo ‘yan nang madaanan ko. Nakakatakot puta. Ni hindi ko kayang tumingin kahit two seconds lang. At dahil diyan, kailangan ko siyang balikan for scaring all the shit out of me.

Hindi ko alam kung ilang taon ako nung unang beses akong makapasok ng semeteryo, pero ang akala ko noon, sangkap lang ang mga pagkamatay ng mga karakter sa mga pinapanood naming soap opera noon para matigang at mag-clog ang muta sa tear ducts ng manonood. ‘Yung naaalala ko, nanonood ako ng Maalaala Mo Kaya, may lalaking binaril (si Carlo Aquino ata ‘yun) tapos iniisip ko kung paano gagawing ‘yung dugo at pagbabaril. Doon ko natitigan nang masama ‘yung isang bote ng catsup sa kusina. Hanggang sa may napanood akong dokyu kung papaano gawin ang mga simpleng stunts, which convinced me more na hindi totoo ang kamatayan. Hanggang sa ma-burst ang bubble ko nang makapasok ako first time sa sementeryo.

Mahilig ako magbasa ng mga pangalan, hindi ko na matandaan kung anu-ano ‘yung mga ‘yun (dahil nga wala akong photographic memory) pero naaaliw ako sa pagbabasa ng pangalan. Hanggang sa mga sumunod na taon, kinukwenta ko na ‘yung edad nila. Siguro premonition siya na magiging tindera ako ng sari-sari store kaya kailangan kong mag-exercise ng mental Math.

Tapos, sa sumunod pang mga taon na pagpunta ko sa sementeryo, bukod sa pagkwekwenta ng edad, pinapansin ko na rin pati ‘yung date kung kailan sila namatay, at itsura ng nitso. Sa mga nabanggit na kwalipikasyon ko iniisip kung anong naging buhay nila.

  • Ay ito, baby pa, sayang naman.
  • Ito namang isa, 74 years old na; lived his life to the fullest.
  • ‘Yung nitso nito, ginamitan na lang ng walis tingting na panulat sa mamasa-masang semento noon. Siguro hirap sila sa buhay.
  • Eto naman, panginoong maylupa. Daming pasabog eh.
  • Pasko namatay ‘to oh. Paano kaya sila nagcelebrate?

Hanggang sa eto na nga, matapos ang mahabang panahon, nakarating ulit ako sa sementeryo.

Tulad ng nakagawian ko, nagbasa ako ng pangalan, pero konti lang bilang nasa shoot kami. Pero mas ikinalikot ko noon, ‘yung pagkwekwenta pa rin ng edad, petsa ng pagkapanganak nila at kung gaano na sila katagal nakahimlay doon. Doon ako napapaisip kung anong naging kwento ng buhay nila. Mayroon akong ilang natandaan kanina, meron naman na sampol lang.

  • Tagal na nitong patay ah. 1944 pa. Siguro Makapili ‘to. O pinatay sa isang public execution habang nagsisigaw ng “Mabuhay ang Amerikano!’
  • Namatay ‘yung asawa niya, 70’s pa. Pero kailan lang siya namatay. Mahirap ba maging biyuda nang mahabang panahon?
  • Eto naman, pinanganak noong 80’s. Martial Law baby. Paano kaya siya tinago nang magulang niya noon sa bundok?P_20160131_153145_2[1]

Inisip ko noon, nagkwe-kwentuhan din ba ‘tong mga ‘to kapag gabi na? Nagpapayabang ng lolo? Nagre-retreat, habang napapalibutan ng kandila? Hindi pa ba sila umay sa amoy ng candle wax? Naku po, sorry, natapakan ko nitso mo. Badtrip siguro ‘to.

Hindi ka lang talaga makakapulot ng kwento sa mga taong nagsasalita’t buhay. May sixth sense ka man o wala, magkakaroon ka ng usapan with sense sa mga patay, na hindi mo kailangan paganahin ang five senses mo. One way nga lang ang usapan.

Perpektong lugar siya para sa mga taong gustong mag-isip at gumawa ng kwento. Malayo kasi sa urbanidad at overrated lines and punchlines. Malayo sa plot na iginapang at naisalba ng deus ex machina. Malayo sa industriya ngayon na kung saan, gagawin kang bobo at binayaran lang lahat ng TV commercials.

Kung kailan mo rin ng mahiwagang portal para makausap ang sarili mo, sementeryo ang hanap mo. May kaibigan akong strong, as in strong ang personality, na kapag malungkot siya at nanghihina, pupunta siya ng sementeryo at mahihiga sa mga nitso. Narerelax kasi siya, tahimik kasi. Hindi ko na matandaan pa ang ibang rason kung bakit sementeryo ang napili niyang sanctuary, pero siguro, mahirap kasi para sa mga tao sa paligid niya na maintidihang hindi siya forever Wonderwoman.

Sa wakas, alam ko na kung saan ako pupunta tuwing Lucky Sunday, ang magiging ganap ko kapag nararamdaman kong kinakalawang na ang imahinasyon ko at ang pagsusulat ko, kapag nasusuka na ako sa mga tsismisang kapitbahay at noontime shows.

At nasagot ko na ang tanong ko kung saan pwede mag-soul search ang mga tulad kong kababata ni Heidi, na anak-pawis sa kabundukan– literally and figuratively.

 

 

Tibs 101 and Tibs FAQs

Disclaimer:

  1. Hindi ko po sinasabi na tama ang guide na ito. Point of view at opinyon lamang ito ng isang butch sa mundo ng mga straight Pinoys– base sa mga taong katulad niya na nakakasalamuha niya at nababase rin sa lipunan natin. Kung may ibang pananaw o corrections, ilagay lamang po ang kumpletong address at mobile number sa comment section at maghanda ng isang litrong Emperador Lights at isang balot ng kornik.
  2. Ang ibang opinyon na narito ay galing sa iba’t ibang miyembro ng LGBT na nauna nang nagsulat tungkol sa bagay na ito. Hindi ko po inaangkin lahat. Hindi ko na rin po maisa-isa ang credits pero nagpapasalamat ako sa inspirasyon. Dalawa sa mga ito ay si Shakira Sison at Libay Cantor. Salamat rin sa mga tao sa likod ng paboritong babasahin at Facebook Pages tulad ng Ketchup Magazine (na wala na ngayon), ang Pinoy FTM at Transman Pilipinas.

Tanggapin na natin: hindi pa tunay na tanggap ang LGBT sa Pilipinas. Mas magandang termino ang “tolerated”. Bakit? Kapag tinanong mo ang isang maybahay o jeepney driver kung tanggap nila ang mga bakla at tomboy, tatango ‘yan with matching quote reference pa ng My Husband’s Lover at The Richman’s Daughter. Pero subukan mong tanungin: paano po kung nag-make up bigla si Bartolome Jr? Baka katakut-takot na mura ang abutin mo.

Okay lang maging bakla, basta ikaw ang magbabayad ng tubig niyo. Okay lang maging tomboy, basta bigyan mo sila ng apo. Kung nagiging norm na na dapat may magandang kapalit ang pagiging homosexual, na kailangan mong sabihin na tibo ka kapag nagpapakilala ka, na dapat gwapo kang bakla at hindi mukhang kargador para pleasing sa mata, kung rated SPG ang mga LGBT shows at sa madaling-araw ipinapalabas, ibig sabihin ay hindi pa handa ang lipunan mo sa mga taong katulad mo. Bilang nagtrabaho rin ako sa media (telebisyon), may turn-off factor ang LGBTs sa masa. How ironic– karamihan sa matatalinong utak sa likod ng production na ‘yan ay ang mga ikinaka-turn off mo.

Pero huwag nating ikaila na kahit papano ay nagiging visible na tayo sa lipunan. Yes! Kita mo naman na sabik na sabik ang manonood kapag may nag-a-out sa reality show. Nakakapaglabas na rin tayo ng mga love story na may ganitong tema. Pero tuloy lang ang laban, hindi ba? Sagradong Katoliko man tayo, baka one day ay may makatanggap tayo ng rights na matagal na nating hangad. Katulad ng bansang Spain: majority ay Katoliko pero kinikilala ang same-sex marriage. ‘Yung bansang naging dahilan para maging relihiyoso tayo, naging bukas na ang palad para sa LGBTs.

O leche. Daming daldal! Ang gusto ko lang naman isulat eh, ‘yung mga usual na tanong ng mga straight sa mga tibs. Tibs lang muna, bilang ‘yan ang sakop ng kapangyarihan ko. Tibs ang ginamit kong termino dahil Pinoy style ‘to, parang bistek!

1. Ano ba ang iba’t ibang uri ng tibs?

Sa katunayan, ang “tomboy” ay nangangahulugang “babaeng boyish o rough” sa diksyonaryo. Check niyo pa. Una ko ‘tong nalaman nung high school, dahil sa akdang Little Women ni Louisa May Alcott. Ang isang character dito na si Josephine March ay inilarawan bilang “tomboy”. Medyo excited pa ako sa twist, pero ipinagtaka ko dahil walang nabanggit na nagka-crush man lang sa babae itong si Jo. Dun ko siya na-realize. Sa Pilipinas, sadyang na-translate na lang natin ang “tomboy” bilang tibo na mas partikular na tinutukoy ang “butch lesbians” o mga tomboy na lalaki kumilos. Pero ang tibo ay walang ibang pakahulugan kundi lesbian talaga.

Para sa ikabubuti mo, iisa-isahin ko na ang termino para sa mga babaeng lesbian. At oo, masdan mo ang isang set ng pinakamalaking crayon sa National Bookstore. Ganyan kami karami. Sa katunayan, noong unang beses na makapunta ako sa gathering ng mga tibs, na-culture shock ako.

Paunawa: ‘Wag po tayong maging sensitibo sa mga description. Patawa lamang po ang iba. At lahat ng iyan, ay may exemption.

Butch – tibs na lalaki kumilos at manamit. Sila ang makabagong knight and shining armor na magtatanong pa rin sa’yo kung may tagos sila. May mga uri pa ‘yan.

Hard Butch – tibs na butch na lalaking-lalaki kung kumilos. Kadalasan sila ‘yung nasa barbershop at nagsusuot ng binder dahil malaking sagabal ang hinaharap. Hindi sila nawawalan ng picture na umiihi sa male urinal. Marami sa kanila ay chubby (at malaki ang tiyan) dahil hindi naman sila ganoon ka-conscious sa katawan nila– maliban sa boobs.

Soft Butch – tibs na butch, pero mukhang malambot. Hindi ko sinasabing payatot, pero kaya pa nilang magsuot ng two-piece bikini kahit macho ang lakad. Nilalaliman lang boses kapag may chicks. Madalas na hanggang balikat ang haba ng buhok, o medium-length or nakapusod. Ang iba sa kanila ay out, ang iba ay hindi. Sa western, androgynous o chapstick ang tawag sa kanila.

Butching– Ako lang may gawa nitong kategoryang ito. Hahaha! Eto ‘yung pinaghalong butch at bading. Fluid in short. Parang tubig: minsan lalaking lalaki, pero natutuwa sa teddy bears at parukyano ng Ms. Universe.

Femme – Sila ‘yung mga babaing tibo. As in girly manamit, nagha-high heels, lahat, pambabae. Pero babae rin ang gusto. Pwedeng ang gusto nila ay butch, pwede rin namang katulad nilang femme. Sa Western folks, ang femme ay mas specific na butch ang gusto, habang lipstick lesbian naman ang tawag nila sa mga femme na femme rin ang gusto.

Blue – patagong term para sa mga butch lesbians, o ‘yung “lalaki” sa lesbian relationship.

Pink – term naman para sa femme lesbians

Sa pakiwari ko, naggaling ang terms na kulay-kulay sa exclusive schools for girls (o mga par, nagbigay na ako ng chick-hunting tip ah). Kadalasan ko kasi marinig ‘yan sa mga babaing galing ng exclusive school.

10885191_589033361228234_7398350808635203967_n
Ganito ka-cool magkaroon magkaroon ng boss na kapanalig mo. Hindi ko na kailangan mag-react pa. Haha!

Purple – hindi matukoy kung butch o femme talaga. Fluid. Androgynous (hindi lalaki, hindi babae, neutral).

Bi-Femme – eto ‘yung hindi pa malinaw sa akin. Hindi ko alam actually kung ang tinutukoy nito ay femme na pwede sa butch at kapwa femme; o femme na pwede sa lalaki at femme lesbian. Enlighten me.

Tandaan natin, na ang mga terms na ibinigay ko sa itaas ay pawang tumutukoy lamang sa “expression” ng isang tibs: pananamit, kilos, at kung paano nila ihayag ang kanilang sarili. Ito ang pa lang ang pinaka-basic para sa Pinoy norm. Kung isasama ko pa ang ibang lesbiana (western style), kailangan ko ng isang buong libro at isang buong buwan para magsulat. Hindi ito tumutukoy sa kung sino ang dapat nilang magustuhan. Kaya oo, tama ka, ang isang femme ay pwede rin sa isang femme (katulad ng nabanggit ko sa itaas) at ang isang butch ay pwede ring pumatol sa isang butch. Tandaan rin na mas kilala ng isang tibs ang sarili niya, kaya karapatan niya kung ano ang dapat itawag sa kanya. May hard butch na hanggang pwet ang haba ng buhok. May soft butch din na kalbo.

For more fun, you may use terms such as shibam, shiboli, lesbo, tibam.

*******

2. Paano malalaman kung “tibs” ang isang babae?

Base sa mga ipinaliwanag ko sa itaas, hindi lahat ng babaeng lalaki manamit ay tibs, at hindi rin lahat ng girly manamit ay straight (heterosexual). Hindi rin naman madaling malaman kung tibs nga ba ang babae dahil kumpara sa mga butch, hindi pa masyadong nasisinagan ng araw ang mga kapatid kong femme. Isang struggle rin sa isang butch kung paano malalaman kung ang tipo niyang chick ay katribo rin– dahil aminin, iba pa rin ang tunay na kadugo sa hindi.

May tinatawag po kaming gay-detecting device na gaydarHindi lamang po mga tibs ang nade-detect niyan, pati po mga beks! Mabibili po siya sa hardware stores nationwide! Bagsak-presyo na po!

Pero mga par, sa totoo lang, miski ako eh, hindi rin ganun kagaling kumilatis ng isang tibs, lalo kung femme. Pero eto lang ang ilang signos na maaaring katribu siya o hindi:

  • Galing ng exclusive school for girls – sa kadahilanang “exclusive” nga, kaya marami sa kanila ay gra-graduate ng tibs. Hindi ka pa masyadong hirap kasi miski femmes eh, alam na ang galawang tibs (katulad na lamang ng pinagsasasabi ko rito). Hindi man sila grumaduate na tibs, open sila sa mga kagaya natin– that’s half of the battle won!
  • Hindi masyadong interesado sa mga lalaki – mas nauuna pang lumingon sa’yo kapag may seksing dumaan sa tapat ninyo.
  • Kung butch ka, hindi lalaki ang tingin sa’yo – kasi nga, alam nila na babae ka talaga. Pwedeng batuk-batukan ka, o suntukin sa braso, pero willing silang bilhan ka ng napkin sa pinakamalapit na tindahan. And oops, baka kinikindatan ka na at pinagkagatan ng labi, hindi mo pa napapansin.
  • Kung lalaki ka, sasabihin niya sa’yo ng diretso – lalo na kung nanliligaw ka na.
  • Panganay – salamat sa bestfriend kong si Bulbasaur at narealize ko siya’t naalala. Sa isang conversation ko with thesis mate, napatanong siya sa’kin kung bakit karamihan ng panganay na babae ay tibs. Panganay ako; panganay si Bulbs at ang ate ng ka-thesis ko, at panganay si Ju na kaibigan ko. ‘Yung pinsan kong babae, hindi tibs ‘yun pero super boyish. Siguro, naging malakas ang mga babaing ito dahil sila ang head of the family, aside sa mga tatay nila. Wala silang pwedeng sandalan kundi mga sarili nila. Ako, isa sa mga dahilan kung bakit ako naging tibs, tingin kon ay dahil magiging “tatay” ako ng maaga. Hindi ako nagkamali.

Dahil kadalasan naman ng taong nakakasalamuha ko, straight o hindi, ay hindi homophobic, eto pa lamang ang tips na kaya kong ibigay sa ngayon. Kung tutuusin nga, hindi ko nalaman na tibs (femme) ‘yung boss ko kung hindi pa sinabi sa akin. At isa pa, hindi naman ako naglalaan ng sobrang panahon kung tibs nga ba ang isang babae o hindi– hinahayaan ko lang sila kung aamin o hindi. Walang kwenta ‘tong tanong na ‘to, in short.

*******

3. Kapag ba pumatol ka sa tibs, tibs ka na rin?

Noon, ‘yan ang paniniwala ko. Kasi kung nagkagusto ka sa tibs, malaki ang chance na may homosexual tendencies ka lang na hindi mo nakikita sa iyong sarili. O maaaring isa kang bisexual. Pero dahil sa friend kong beks, na-realize ko na hindi pala ganoon. ‘Yung kaibigan ko kasing ‘yun, halos lahat ng nagiging boyfriend eh, sa kanya unang nakakaranas ng homosexual relationship. Sabi niya noon, hindi ko sinasabing bakla siya; kung lalaki pa rin ang tingin niya sa sarili niya, e di go.

Para sagutin ko ng diretso ang tanong na ‘to: kung babae ang tingin mo sa isang tibs na magiging ka-relasyon mo, minahal at tinanggap ang pagka-Yin Yang ng kanyang sexuality, malakas ang posibilidad na i-welcome kita sa pamamagitan ng isang pajama party na rainbow ang bedsheet. Pero kung tingin mo sa partner mo ay opposite sex, malakas ang chance nasa tuwid na daan ka pa rin.

Madalas gamitin ang simile na kubyertos at chopsticks sa homo relationship: may isang lalaki, may isang babae kapag kutsara’t tinidor, pero sa katotohanan, chopsticks. ‘Yun kasi ang point ng tibs, o homo relationship– walang lalaki o babae, same poles attract, defying the magnet rule. Pero, kung ang isang tibs relationship ay binubuo ng isang butch at femme, obviously ay may lalake-babae, pero nakabase lamang ito sa role nila sa kanilang mga point of view.

Para naman sa parteng ikakikilig mo, tandaan mo lang ang nasabi ko na sa itaas: mas kilala natin ang sarili natin, kaya karapatan ng bawat isa kung paano niya dapat kilalanin ang kanyang sarili. Ang tibs ba, kapag nagpakasal sa lalaki, hindi na tibs? ‘Yung mga babae ba sa lesbian porns, lesbiyana talaga? Isipin mo.

Tanda ko, sa comment section ng isang online article, may nagsabing ang pagiging homo ay tulad ng isang magnanakaw sa grocery store: hindi pa siya magnanakaw kung hindi pa niya ginagawa. Oh, mga bata, ‘wag gagayahin ah! Alam nating magkaiba ang personalidad sa ethics, usapang legal o ng pagkulo ng sikmura.

*******

4. Ano ang pinagkaiba ng tibs na butch sa trans(men)?

Eto ‘yung tanong na kating-kati ako sagutin. Let the beast mode on!

  • Butch– katulad ng nabanggit ko sa itaas, sila ang masculine version ng mga tibs, ang kumakatawan ng L sa LGBT. Sila ay mga babae dahil may pepe, mga babae ang tingin sa sarili, sa puso at isip, pero lalaki kung manamit at magsalita. Pero babae ang kanilang gusto romantically at sexually. Sa medical term, o SOGIE:
    • Sexual Orientation – ito ‘yung nagugustuhan mo. Ang mga butch lesbian ay nagkakagusto sa babae.
    • Gender Identity – ito ay kung ano ang tingin mo sa sarili mo. Ang mga butch ay tanggap ang kanilang kasarian bilang babae pero..
    • Expression – lalaki sila kung manamit at kumilos.
  • Transmen/guys– kaiba sa mga butch, ang transmen ay ipinanganak na babae, pero sa isip at puso ay lalaki sila. Sila ang kumakatawan ng T sa LGBT na ang ibig sabihin ay transgender/sexual. Sa medical term, o SOGIE:
    • Sexual Orientation – ang isang transmen ay pwedeng magkagusto sa babae, o kapwa transmen, o lalaki.
    • Gender Identity – ang isang trans ay lalaki. Hindi sila pinanganak na lalaki pero sila ang mga taong naniniwala na maling katawan ang kanilang napasok.
    • Expression – masculine

Alam kong medyo nalihis ang topic na ito, pero kailangan ko parang i-discuss para ipaalam na hindi lahat ng poging babae, gustong maging lalake. Male pronouns dapat ang gamit sa mga trans. Para sa mas komprehensibong impormasyon, mangyari’y dalawin ang Pinoy FTM at Transman Pilipinas Facebook page.

*******

5. Ate ba o Kuya?

Para sa mga femme, o pink, obviously ay alam niyo naman siguro kung anong pronoun ang dapat gamitin. Pero sa mga butch? Teka.

Hindi na bago ang mga eksenang napagkakamalan akong lalaki: mula sa kalsada hanggang sa pinaka-iniilagaan kong lugar sa malls and establishments– comfort rooms. Hindi na bago sa’kin na ang sama ng titig sa’kin ng mga babae sa loob ng CR, tapos tatawa ng malakas, kaya minsan, hindi na ako makaihi ng walang kasama.

Kung nahihirapan kami na mag-fit in sa pakikitungo sa mga hindi namin kilala, naiintidihan kong hirap rin ang mga tao sa’min. Tulad ko na medyo hardcore na sa pagiging mukhang lalaki dahil hindi sa pagmamayabang, pero effortless ang kakisigan ko (‘wag kang umalma, blog ko ‘to!), palagi akong natatawag na kuya, pero mas gusto kong tinatawag na ate. May ilan din naman na kapag lalaking-lalaki rin at tinawag ng ate, maghahanap ng tropa ‘yan at hahamunin ka ng suntukan. May ilang ginagawang lalaki ang pangalan, meron namang hindi.

Katulad nga ng nasabi ko sa question #4, ang mga butch ay babae pa rin. Kaya hirap akong sagutin ang tanong ng nanay ng classmate ko nung college, nung tinanong niya ako kung babae ba ako. Hindi ko alam kung ang tinutukoy niya ba ang ‘yung nasa pagitan ng dalawang hita ko, o ang sekswalidad ko. So eto ang ilang tips:

  • Kapag tinanong mo ang isang butch kung babae ba siya, walang ibang isasagot ‘yan kundi opo dahil malinaw naman na ang tinutukoy mo ay ang genitals namin. You won’t ask the obvious di ba? So kung mukha kaming lalaki pero nagtanong ka pa rin, meaning ay gusto mo ng sagot na hindi mo naman nakikita.
  • Kaya kapag sinabi ng isang butch na babae po akotigilan ang kaka-assume na may pag-asa pa kaming pumatol sa lalaki. We’re talking about genitals here, bro.
  • Para sa mga obvious naman na soft butch, ate ang itawag mo.
  • Kung hindi ka sigurado sa isang hard butch kung anong preferred pronoun niya, pwede mo namang tawaging boss, brad, ‘tol o ang pinaka-safe sa lahat na turing din kuno ng ibang babae sa lalaking na-friendzone nila, kapatid. Pwede rin namang tawagin mo na lang sa pangalan niya.
  • Kung kailangang formal, idugtong ang Ms. sa surname. Wala nang palag ‘yan.
  • ‘Wag piliting mag-suot ng dress kung ayaw. Masyado nang malaki ang pata namin sa braso para ilabas pa.
  • Kung pangalang lalaki ng tropa mong tibs at tatambay lang naman kayo sa kanto, tawagin mo siya sa pangalang ‘yun.
  • Pinakahuli, walang masama kung didiretsuhin mo nang ano po itatawag ko sa inyo, ate o kuya? We’ll appreciate.

Oo, mukha kaming lalaki. Minsan may moment kami na sa loob ng isang oras na pagmumuni-muni, hindi rin namin naiiwasang itanong sa sarili namin kung paano kaya kung naging lalake ako? Kung lalaki ka, okay lang kung hindi ka maging gentleman. Kung babae ka, pwede kaming maging kargador mo. Matatanggap namin ang mga fist bump at kahit makipag-untugan pa ng dibdib na mala-pader. Pero, respeto lang bilang tao. ‘Walang hamunan ng pisikalan, especially sa guys, hindi dahil mas mahina ang katawan namin. Kasi alam naming hinahamon ninyo ang pagiging “lalaki” namin, at nakakainsulto ‘yun.

Tandaan: Hindi lahat ng butch tibs ay gustong maging lalaki. Dahil may mga babaeng mas piniling maging gwapo, kaysa maganda.

*******

6. Paano kayo makipag-sex?

Naknamputa! Excited marinig o! Ngiting aso! Teka, kelangan ko ng open-minded dito ha. Ipapangako ko na isusulat ko ito sa pinakamalinis na paraan na mas magiging malinis pa sa konsensya mo.

Well unang-una, kung naghahanap ka ng mapaglalabasan mo ng lahi mo sa mga oras na ito, hindi po erotica ang entry ko na ito. May Youjizz naman. O kaya ‘yung Ultimate Surrender. Bali mga babae ‘yun na magaala-Judo sa isang ring habang naka-two piece lang, mahuhubaran ng damit at

Na-bother lang ako sa tanong ng kaopisina ko: kung ang mga straight ay may iba’t ibang position, including top and bottom; ang beks ay may top and bottom rin pero mas partikular sa roles, and mga tibs naman ay may one way at two way.

One Way – parang kalsada, isa lang ang pwedeng dumaan. Sa mga tibs, isa lang ang gagawa at isa lang ang makakaraos. Usually, ang mga butch ang nasa lagay na ito (stone butch, remember.) dahil sila ‘yung lalaki at ewan ko, pero may ilang butch na pakiramdam eh, nababawasan ang pogi points kapag humahalinghing. Sa western, pillow ang tawag sa receiver.

Two Way – give and take! Parehas silang gagalaw para quits.

Ang klase ng pakikipagtalik na meron sa tibs relationship ay hindi kasi katulad ng nasa hetero at beks couple, na mas maraming skin contact. At kung hindi mo pa rin magets hanggang ngayon kung ano ang ginagawa o gamit nila sa absence ng espada, isipin mo kung papaano magsarli ang babae– kaiba nga lang ay may oral chorva para sa ultimate satisfaction. Basic pa lang ‘yan.

  • Paano nasasatisfy ang giver sa one way? – may nabasa ako na katulad ng isang chef, masaya siya kapag nakikitang “nasasarapan” sa pagkain ang kanyang customer. Malakas ang paniniwala ko na psychological ang orgasm ng giver rito.
  • So foreplay lang? Easy!- easy as you might think. Pero di ba, ang foreplay ay pagse-set lang naman ng mood ng partner mo for sexual intimacy? Ano na kasunod, climax? Orgasm? Foreplay pa rin ba ‘yun? Kung titignan, ang sex ng mga tibs ay foreplay na lumala at mas lumaki.
  • Paano kung first time ever mong makipag-ano, pero sa tibs, so virgin ka pa? Wala kasing t*** na involved di ba? Virginity is defined as state ng isang tao na hindi pa nakikipagtalik. Pwede na ngang mamangka at mangisda sa kwarto niyo dahil sa baha na idinulot mo, virgin ka pa rin? ‘Wag ganon men!
  • Gumagamit ba kayo ng sex toys? – may ilan siguro na gumagamit. Pero hindi nangangahulugan na kapag gumamit ng sex toys, specifically ay strap-on, ay nasa hetero relationship ka. Katulad ng nabanggit ko, walang masyadong skin contact ang mga tibs in bed, ultimo missionary *ehem* eh mahirap gawin. Kaya para sa akin, for more intimacy lang ang paggamit ng strap-on. Pati ba naman sex, kailangan may label?

Tips para sa mga straight na bago sa ganitong kalakaran:

  • Kung paano mo i-statisfy ang sarili mo, ganun rin ang gagawin sa’yo. Hindi ko prino-promote ang masturbation, pero ‘wag matakot mag-eksperimento sa katawan.
  • ‘Wag maliitin ang mga tibs pagdating sa ganyang larangan. Tandaan, homecourt advantage ang tawag diyan!
  • Makakatulong ang Google at Youjizz.
  • Maggupit ng kuko, please.

*******

Kung isa kang out, proud and loud tibs, malamang ay na-bore ka sa mga tanong na iyan. Para ito sa iilan na medyo kulang ng malalim na pagtingin sa mundo kong punum-puno ng rainbows and unicorns. Pero bago ako tuluyang mamaalam, eto ang ilang words of wisdom ng mga tibs, na hindi namin masabi minsan:

  • Porke lumapit- lapit sa’yo ang isang tibs, gusto ka na? ‘Wag magmaganda, lalo na kung hindi.
  • Mas malambot kami sa mga lalaki, kaya sorry sa mood swings.
  • Kung gusto mo ng lalaking clingy, ‘wag lalaki hanapin mo– tibs!
  • Pahiram ng dress mo, girl!
  • Hindi porke clingy kami, gusto ka na naming ibahay. Jusmiyo.
  • Tigilan na ang kakatawag sa’min ng Aiza at Charice.
  • Hindi lahat ng butch tibs, mataba.
  • Nilalabhan namin binder namin.
  • Kuya, ‘wag masyadong edgy ‘yung gupit. ‘Wag iklian ang patilya, Magmumukha akong siopao.
  • Hindi ako sasali ng That’s My Tomboy, audience lang.
  • Ano, dahil babae ako kaya hindi ko nagegets ‘yang paninigas ng t*** mo? Well, hindi ka rin kasi babae kaya hindi mo rin magegets ang feeling ng minamanyak. *pogi points goes to..*
  • Marunong lang ako magpigil kahit na-e-L na.
  • Doc, tanggalin ko lang po bra ko bago x-ray

A Man That Cooks

Alam kong masyadong maraming problema ang Pilipinas at Pilipino na mas dapat kong pagtuunan ng pansin at mas karapat-dapat bigyan ng space. Pero, may bagay na medyo disturbing lang na madalas at dati ko pa napapansin.
Nakikita niyo ba ‘yung mga meme na lalaking topless na nagluluto na apron lang ang suot? O walang apron talaga? Usually sa “relationship goals” niyo makikita ‘yun.


Oo naman; may karapatan silang mag-topless dahil sa mala-pandesal nilang abs, sa katawan nilang perfectly-hubog sa gym. Hindi ka na rin lugi sa mukha, lalo na kung si James Reid ‘yan sa isang eksena sa Talk Back And You’re Dead kung saan nagluluto siya ng kanyang specialty na pang-Madrid Fusion– pritong itlog. Kumbaga, kanin na lang ang kulang. Sweet nga naman ang lalaking nagluluto sa kusina, kaysa sa puro “luto ng langit” ang alam o mangluto ng laban (lipat mo sa sports channel ang TV ninyo para malaman mong may cooking show rin dun).



Pero sa On The Wings Of Love ang eksenang ito.
Pero sa On The Wings Of Love ang eksenang ito.



Pero, nadudugyutan ako. Ako lang ba?


Hindi dahil hindi ko bet ang mga lalaki, dahil hindi ko rin naman gugustuhin na may babaeng mala-diyosa sa ganda at kaseksihan ang magluluto ng hapunan ko na wala siyang damit… OKAY! Sige, alam kong kanina ka pa naghihintay ng bastos na punchline, hindi na ako magmamalinis pa: magiging malaking pagsubok at katangunan kasi kung ‘ano’ o ang ‘dapat’ unahin na “kainin”!



Pero try to imagine: dumidikit sa katawan nila ‘yung amoy ng niluluto nila (nag-gigisa pala ng bagoong), tapos ‘yung pawis nila mula sa mga itim na baging sa kilikili nila, tutulo sa pagkain. Hindi mo alam kung ano ang mas manlilimahid: ‘yung kaldero o ‘yung katawan. Pasensya na, naalala ko kasi ‘yung eksena sa Imbestigador kung saan may ni-raid silang resto o karinderia o pagawaan ata ng pagkain tapos topless ang mga lalaki. Naalala ko rin nung junior high school ako, sa culinary class, nag-bake ang group namin ng Butterscotch cookies. Okay na sana, kaso may nakuhang silky-straight hair strand ‘yung kaklase kong tumikim ng cookies. Sarap!

Which reminds me of an incident with my best friend years ago.


Bilang mga baguhan pa kami sa Sintang Paaralan (kung nagets mo ito, school mates tayo!) namin noon, isa ang food hunting sa mga kinasabikan ko. Ang lunggaan ng Mascomm students ay hindi sa main campus, na mas lalong nagpa-thrill ng food hunting dahil monopolyo ang sistema ng bentahan ng pancit canton at katol sa likod ng building namin– ang tindahan Aling Panget. Pero natigil ang pagre-reyna niya nang sumulpot ang numero uno niyang karibal– si Aling Rapuzel, na obviously, titingalain mo para makabili ka sa taas ng kanyang tindahan.


So, food hunting sa main campus. Sa East at North wing pa lang, babalandra na sa’yo ang isang hilera ng food stalls: submarine (na natikman ko ata pero hindi ko maalala), iced tea na may myth na galing raw sa lagoon na pinaliliguan ni Shrek, at FEWA o ang footlong egg wrapped around. Pero hindi pa kami nasiyahan. Sa labas ng campus kami bumili dahil bukod sa kalaban namin ang ugong ng tren, mas may thrill maghanap ng pagkaing hindi masyadong naalikabukan.
Sa kasisingit at kakapasok sa mga looban, at sa wakas! Nakita namin ang karinderia na hindi ko na maalala ngayon, hahaha! Dun kami kumain ng breaded porkchop.


Pero may isang bagay na bumagabag sa best friend ko– ang dumi raw. Syempre, chineck ko ‘yung mga kubyertos at pinggan. Inamoy ko rin ‘yung baso kasi baka amoy-Mr. Clean.


“Hindi, nung bakla [na nagserve].”


Hindi ko alam kung ano ang magiging reaction ko nung mapadaan ulit ‘yung beki na nagserve sa’min [ang mga susunod na pahayag ay ipagpatawad ninyo, sana ‘wag niyo akong husgahan]  na mukhang pinaglihi sa Chocolate Hills: kulay-Cadburry ang balat na may sarili na atang ecosystem dahil mukhang fertilzed soil ang texture. In-imagine ko tuloy na magpo-photosynthesis agad ‘yung kapirasong munggo na mahuhulog sa balat niya. Isama mo pa ang blonde niyang buhok at namumutok na kuyukot dahil sa pekpek shorts, with matching spaghetti strap sando.


Ayoko na, gutom na ako, gusto ko nang kumain. Pero hindi na kami bumalik pa at itinigil na ang food hunting.


Alam kong medyo pilit ang pagkukumpara ko sa mga “shirtless chefs” na nakikita ko at ang nangyari samin– ang isa ay sa tamang presentation ng sarili at ang isang naman ay sa pisikal na itsura. Pero kung susumahin ang lahat na nasabi ko sa taas, babagsak pa rin tayo sa isang simpleng tanong: gaano ba kaimportante ang itsura ng taong nagluluto o nagse-serve ng pagkain sa’yo?  Base sa aesthetics ng food porn, paano mo malalaman kung kanino ka mawawalan ng appetite, o mapapalunok na lang kahit wala pa ‘yung pagkain? ‘Yan ba ang dahilan kung bakit ang mga may “pleasing personality” madalas ang nilalagay sa pinto ng mga restaurant? Pleasing personality nga di ba, hindi pleasing to the eyes? So dapat pumasa muna sa personality test o psychological test ‘yung tao para maging “pleasing” sa’yo? Which is, nakakatawa dahil wala namang dapat pumasa sa personality test, kaya halatang puro kagaguhan lang ‘tong sinasabi ko.


Again kids, sanitation. ‘Wag puro pagpapabebe. Kahit mukhang tyanak pa ‘yung nagluto, basta pizza, uupakan niyo agad for sure.


At bago ko tapusin ang post na ito, nung sinubukan kong maghanap ng mga photos para rito, typing “men topless cooking”, puro screenshots mula sa porn videos ang lumabas. So, alam mo na.





 Update!


Eto na nga! May nakita akong video na isang restaurant sa Japan na maggi-grill ng food for you– shirtless!